Linggo, Nobyembre 16, 2014

TALENTONG GALING SA DIYOS

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31/Salmo 127/1 Tesalonica 5, 1-6/Mateo 25, 14-30 (o kaya: 25, 14-15. 19-21) 


Bilang tao, marami po tayong mga talento. May ilan sa atin, magaling kumanta at sumayaw. May ilan naman sa atin, magaling sa drama. May ilan din naman sa atin, magaling magluto, magturo, at maraming iba pa. Ang bawat tao ay may kanya-kanyang talento. Iyan ang kakaiba sa ating lahat. Tayong lahat ay katangi-tangi, walang katulad. Walang katulad ang ating mga talento. Talentado tayo sa iba't ibang bagay. Hindi natin maiaalis sa ating mga sarili ang ating mga talento. Isa itong biyaya para sa atin. Ang mga talento natin ay galing sa Diyos. Biniyayaan tayo ng Diyos ng iba't ibang talento upang gamitin ito sa mabuti. 

Habang papalapit na ang pagwawakas ng Kalendaryo Panliturhiya ng ating Simbahan, isinasalarawan ng Mabuting Balita ang pagwawakas ng panahon o ang pagsusulit. Bagamat wala sa atin ang nakakaalam kung kailan ang pagwawakas ng panahon, binabalaan tayo ng Panginoon na laging magtanod at manatiling handa sa lahat ng oras. Habang may panahon pa, kinakailangang gumawa tayo ng mabuti para sa ating mga sarili at sa ating kapwa-tao. Ang panalangin at paggawa ng mabuti para sa ating mga sarili at ang ating kapwa-tao ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Maganda ang ating tatanggapin mula sa Panginoon kapag tayo ay gumawa ng mga bagay na kalugud-lugod sa Kanyang paningin. 

Isinasalarawan ni Hesus sa pamamagitan ng isang talinghaga ang pagsusulit. May tatlong alipin sa Ebanghelyo na ipinagkatiwala ng salapi ng kanilang amo. Ang una at pangalawang ay nagtiyaga at ginawa nila ang lahat upang lumago at tumubo ang perang ibinigay sa kanila ng kanilang amo. Samantala naman, walang ginawa ang pangatlo kundi maghukay at itago ang sanlibong pisong ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang amo. Dahil dito, ang una at pangalawang alipin ay ginantimpalaan ng kanilang amo habang ang pangatlo ay pinarusahan at pinalayas ng kanyang amo. 

Ano naman ang kinalaman ng mga talento sa Mabuting Balita? Ang mga salaping ipinagkatiwala ng amo sa Mabuting Balita ay isang pagsasalarawan ng mga talentong ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ang Diyos ang may-ari ng lahat ng bagay. Sa Kanya nagmumula ang lahat ng bagay. Sa Diyos nagmula ang ating mga talento. Bilang mga katiwala ng Panginoong Diyos, kinakailangang gamitin natin ang ating mga talento para sa kabutihan. Isang biyaya mula sa Panginoon ang ating mga talento. Hindi tayo dapat maging mga abusado at gamitin ito sa kasamaan. 

Kapag hindi naman natin ginamit ang ating talento nang tama, hindi tayo nagiging mga matalino at mabuting katiwala ng Panginoon. Ipinagkatiwala sa ating lahat ng Panginoon ang ating mga talento upang gamitin sa mabuti. Kapag hindi naman gagamitin natin, parurusahan tayo ng Panginoon dahil sa kakulangan ng ating paggamit ng ating mga talento sa kabutihan. Nananalig ang Panginoon sa ating kakayahan. Tayo naman, bilang mga katiwala ng Panginoon, ay dapat gumamit ng ating mga talentong ibinigay Niya sa atin para sa kabutihan. 

Ang mga talento natin ay dapat ipagmalaki, ngunit huwag gamitin ito upang magyabang. Hindi rin dapat nating ikinakahiya ang ating mga talento. Galing ito sa Diyos. Walang ginawa ang Diyos na dapat nating ikahiya. Ang lahat ng mga nilikha ng Diyos ay mabuti. Dapat nating ito ipagmalaki, pero hindi ito dapat gamitin sa kayabangan. Inaabuso natin ang mga biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng kayabangan. Ang kayabangan ay ang ina ng lahat ng mga kasalanan. 

Sa ating paglalakbay dito sa lupa, nawa'y gamitin natin ang mga biyaya ng Diyos sa atin upang gumawa ng mabuti para sa Diyos at para sa kapwa. Hindi natin alam kung kailan darating ang wakas ng panahon. Kaya, gamitin natin ang mga talentong ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang paglingkuran Siya at ang ating kapwa. May gantimpala ang Diyos sa mga mabubuting katiwala Niya. Gagantimpalaan ng Diyos ang mga gumamit sa mga talentong ipinagkaloob Niya sa kanila sa kabutihan, katulad ng amo ng tatlong alipin sa Ebanghelyo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento