Linggo, Nobyembre 2, 2014

MANALANGIN PARA SA MGA KALULUWA SA PURGATORYO

Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 103/Roma 8, 31b-35. 37-39/Juan 14, 1-6


Kahapon ay ipinagdiriwang ng Santa Iglesia ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal sa Langit. Ang lahat ng mga Banal sa Langit ay kabilang sa Simbahang Nagtagumpay. Kapiling na nila ngayon ang Diyos. Sila ngayon ay nasa langit at nananalangin para sa ating lahat dito sa lupa. Walang katapusan ang kanilang buhay sa langit. Ang buhay ng mga banal ay nabubuhay magpakailanman. Binigyan sila ng Diyos ng bagong buhay pagkatapos ng kanilang pagpanaw sa mundo. Katulad ng sinasabi sa panalangin ni San Francisco ng Assisi, "Sa pagkamatay, kami ay isinisilang sa buhay na walang hanggan." 

Sa araw na ito, ginugunita naman ng Santa Iglesia ang mga kaluluwa ng lahat ng mga Kristiyano sa Purgatoryo. Sinu-sino ang mga pumupunta sa Purgatoryo? Ang mga kaluluwa ng lahat ng mga Kristiyano. Halimbawa, ang isang tao ay nagkasala laban sa Diyos at laban sa kapwa. Kinumpisal niya ito noong siya'y nabubuhay. Pinatawad nga siya, pero dinungisan pa rin ang kanyang kaluluwa dahil sa mga kasalanang ginawa niya. Kaya, sa kanyang pagpanaw, ang kanyang kaluluwa ay pumupunta sa Purgatoryo upang dalisayin ang kanyang kaluluwa. Kinakailangang dalisayin ang kaluluwa ng isang tao bago siya makapasok sa langit. 

Paano ba makakapasok sa langit ang kaluluwang nasa Purgatoryo? Sa pamamagitan ng panalangin. Ang nakakalungkot, hindi makakapagdasal ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo para sa kanilang sarili. Hindi nila maaaring hilingin sa Diyos na tapusin ang kanilang pagdurusa sa Purgatoryo. Kahit nagdurusa sila sa Purgatoryo, hindi sila maaaring manalangin sa Diyos upang tanggapin ang kanilang mga kaluluwa sa langit. Bakit? Dahil tapos na ang kanilang buhay dito sa lupa. 

Tayong lahat, mga Kristiyanong nabubuhay dito sa lupa, ang may kakayahang manalangin para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo. Ang mga banal na nasa langit ay nananalangin din para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo. Pero, kailangang mahabag at maawa din tayo sa mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Kinakailangang manalangin tayo para sa mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Sapagkat ang pananalangin para sa mga kaluluwang nasa Purgatoryo ay isang mabuting gawa. Gumagawa tayo ng mabuti para sa ating kapwa, kahit na pumanaw na ito. 

Ang pagdarasal para sa mga yumao ay isa sa mga Espirituwal na Gawa ng Awa (Spiritual Works of Mercy). Sa pamamagitan ng pagdarasal para sa mga yumao, lalung-lalo na ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo, ipinapakita din natin ang ating habag at awa sa ating mga kapanalig na sumakabilang-buhay na. Kahit na sila'y yumao na, gumawa pa rin tayo ng isang gawang espirituwal na makakatulong sa atin sa ating buhay-espirituwal. Sabi nga ni Hesus, "Anuman ang ginagawa ninyong mabuti sa mga kapatid Kong ito, ginagawa ninyo ito sa Akin." (Mateo 25, 40)

Umaasa ang mga kaluluwa sa Purgatoryo sa awa at habag ng Diyos at ng mga nabubuhay dito sa lupa. Umaasa ang mga kaluluwa sa Purgatoryo na balang araw ay matapos na ang kanilang pagdurusa dahil sa pagdalisay sa kanila sa Purgatoryo. Nawa'y tulungan natin sila sa pamamagitan ng pag-alay ng mga panalangin para sa kanila. Kailangan nang lubos ng mga kaluluwa sa Purgatoryo ang ating mga panalangin. Magkaroon nawa tayo ng habag at awa na tulungan sila sa pamamagitan ng panalangin. Nawa'y lagi tayong manalangin para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.

Kung ang Panginoon ay nahahabag at naaawa sa ating lahat, bakit hindi natin kayang mahabag sa ating kapwa buhay at yumao na? Ang Panginoon ay nahahabag para sa mga kaluluwang nagdurusa sa Purgatoryo. Nawa'y ipakita din natin ang ating habag at awa sa mga kaluluwa sa Purgatoryo. Manalangin tayo para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo, hindi lamang tuwing panahon ng Undas, kundi sa bawat araw. Lubos nilang kailangan ang ating mga panalangin. Dinggin natin ang kanilang pangangailangan. Tumugon nawa tayo sa kanilang pangangailangan. Patuloy nawa nating ipagdasal ang mga kaluluwa sa Purgatoryo na nawa'y makapiling din nila ang Diyos balang araw. 

O Panginoon, nawa'y pagkalooban Mo sila ng walang hanggang kapahingahan at nawa ay masingan sila ng panghabang-panahong liwanag. Mahimlay nawa sila sa kapayapaan. Amen. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento