Sabado, Disyembre 6, 2014

ANG PAGPAPAKATOTOO NI SAN JUAN BAUTISTA

Disyembre 14, 2014
Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
Isaias 611, 1-2a. 10-11/Lucas 1/1 Tesalonica 5, 16-24/Juan 1, 6-8. 19-28



Sa Ebanghelyo ngayong Ikatlong Linggo ng Adbiyento ng Taong B, mapapakinggan natin na inaamin ni San Juan Bautista sa mga taong nagtatanong sa kanya kung sino nga ba siya. Ang mga tao, lalung-lalo na ang mga Pariseo at mga punong saserdote ay nagtataka kung sino nga ba si San Juan Bautista. Para sa ilan, si San Juan Bautista na raw ang Mesiyas na matagal nang hinihintay ng bayang Israel. Ang sabi naman ng ilan, isang propeta si Juan Bautista. Pero, ano nga ba ang sagot ni San Juan Bautista sa mga katanungang ito? 

Alam ni Juan Bautista ang kanyang papel sa buhay ng Mesiyas. Sinabi niya ang totoo. Buong pagpapakumbaba niyang inamin hindi siya ang Mesiyas o isang propeta. Bagkus, siya ang tinig na sumisigaw sa ilang. Siya ang tagapaghanda ng daraanan ni Kristo. Pinili niyang aminin ang buong katotohanan nang buong pagpapakadukha. Alam ni Juan Bautista kung sino ang tunay na hinihintay ng bayang Israel - si Hesus, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. 

Maaaring gamitin ni San Juan Bautista ang pagkakataong iyon upang sabihin siya ang Mesiyas. Maaari niyang sabihin siya ang Mesiyas. Mas lalong dadami ang mga taong pupunta at makikinig sa kanya sa Ilog-Jordan upang pakinggan siya. Magiging masikat si San Juan Bautista kapag inamin niya na siya ang Mesiyas. Pero, nililinlang lamang niya ang kanyang sarili at ang mga tao kapag sinabi niyang siya ang Mesiyas. Hindi na niya ginagampanan ang kanyang misyon na nagmula sa Diyos kapag sinabi niya na siya ang Mesiyas. 

Kinakailangan nating maging matatag at mapagpakumbaba upang aminin ang katotohanan. Hindi madali ang pag-amin ng katotohanan. Mas madali nga para sa atin ang magsinungaling dahil mali ito. Mas madaling gumawa ng mali kaysa gumawa ng tama. Ito ang kahinaan ng tao, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Pero, sa panahon ngayon, ang palusot na ginagamit natin para sa ating mga pagkakamali ay, "Tao lamang ako, huwag mo akong husgahan!" Hindi porke't tao ka at nagkakamali ka, isa na iyan dahilan upang magkasala nang paulit-ulit. 

Alam ni San Juan Bautista na sa pamamagitan ng pagsisinungaling ay hindi niya maisasagawa ng maayos ang kanyang misyon. Alam ni San Juan Bautista na hindi siya ang Mesiyas na isusugo ng Diyos sa Kanyang bayan. Hindi nagpapasikat si San Juan Bautista. Alam ni San Juan Bautista na hindi siya hinirang at sinugo ng Diyos upang magpasikat. Bagkus, si San Juan Bautista ay hinirang ng Diyos upang ihanda ang daan para kay Hesus, ang Mesiyas na matagal nang hinihintay ng bayang Israel. 

Isang tunay na huwaran ng pagpapakatotoo si San Juan Bautista. Nangaral si San Juan Bautista tungkol sa katotohanan at namuhay ayon sa katotohanan. Hindi niya nilinlang ang kanyang sarili o ang mga taong ipinangangaral niya. Si San Juan Bautista ay naging matapat sa kanyang misyon at sa Diyos. Ang kanyang katapangan upang sabihin ang katotohanan tungkol sa kanyang sarili at sa kanyang misyon ay kahanga-hangang tunay. 

Panginoon, pagkalooban Mo kami ng katapangan upang magpakatotoo at gumawa ng tama, katulad ni San Juan Bautista. Amen.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento