Linggo, Disyembre 28, 2014

BANAL NA PAMILYA: PAMILYANG NANANALIG, MATAPAT, AT MASUNURIN SA UTOS AT KALOOBAN NG DIYOS

Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria at Jose (B) 
Sirac 3, 3-7. 14-17a (o kaya: Genesis 15, 1-6; 21, 1-3)/Salmo 127 (o kaya: Salmo 104)/Colosas 3, 12-21 (o kaya: Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19)/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22. 39-40) 


Ang Unang Pagbasa ayon sa aklat ng Genesis ay tungkol sa pangako ng Panginoong Diyos kay Abraham. Nangako ang Diyos sa ama ng pananampalataya na si Abraham na ang magiging lahi ni Abraham ay magiging sindami ng mga bituin sa langit o ng mga buhangin sa dalampasigan. Bagamat nakakamangha para kay Abraham ang pangakong narinig niya mula sa Panginoong Diyos, nananalig pa rin siya na mangyayari iyon. Kaya't nananalig at tumalima si Abraham sa kalooban ng Diyos. Dahil sa pananalig niya sa Diyos, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako kay Abraham na magkakaroon siya ng anak nina Sara sa kabila ng kanilang katandaan. 

Sa Mabuting Balita naman, napakinggan naman natin ang salaysay ng pagdala ng Mahal na Birheng Maria at San Jose sa Sanggol na Hesus sa Templo ng Jerusalem. Isang tradisyon para sa mga Hudyo ang pagdadala ng mag-asawa sa kanilang anak na kasisilang pa lang sa templo apatnapung araw pagkalipas ng kanyang pagsilang. Bilang mga Hudyo, sinunod ni Maria at Jose ang nasasaad sa batas at tradisyon. 

May naganap din noong si Hesus ay dinala nina Maria at Jose sa templo. Ipinahayag ni Simeon sa Mahal na Birhen na ang puso niya'y tatarakan ng isang balaraw dahil sa magiging misyon ng kanyang anak. Ang pahayag ni Simeon ay napakasakit pakinggan para kay Maria. Nais man ni Maria na ilayo sa panganib ang kanyang anak, pero hindi niya magagawa ito. Bakit? Ang pahayag ni Simeon patungkol sa Sanggol na Hesus ang nagpaliwanag kung bakit hindi mailayo ni Maria sa panganib si Hesus. 

Ang pahayag ni Simeon ay nagdulot ng sakit sa puso ng Mahal na Ina. Ito pa nga ang unang hapis sa pitong hapis ng Mahal na Ina. Ang dulot ng pahayag ni Simeon tungkol sa Panginoong Hesus ay sakit, kirot at hapis sa puso ng Birheng Maria. Ito'y napakasakit tanggapin para kay Maria. Sinong ina ang hindi pa namang masasaktan kapag may nagsabi sa kanya na nanganganib na ang buhay ng kanyang anak? Sinong ina ang hindi masasaktan kapag sinabihan siya na delikado ang mangyayari sa kanyang anak?

Ganun din siguro si San Jose. Bagamat sa Mahal na Birheng Maria lamang sinabi ni Simeon ang pahayag na ito, naramdaman din ni San Jose ang kirot at sakit sa puso ng Mahal na Birhen. Responsibilidad din ni San Jose bilang ama ni Hesus dito sa lupa na ipagtanggol si Hesus nang hindi manganib ang Kanyang buhay. Pero, ipinaalam ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Simeon kina Maria at Jose na magiging mapanganib ang misyon ni Hesus.

Hindi mailalayo nina Maria at Jose si Hesus sa Kanyang misyon. Ang misyon ni Hesus dito sa lupa ay mamatay bilang hain para sa mga kasalanan ng santinakpan. Naparito si Hesus upang ihain ang Kanyang buhay sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Si Hesus ang larawan ng Diyos na mapagmahal, maawain at mapagdamay. Ipinapadama at ipinapakita ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay ni Hesus. 

Sa kabila nito, hindi nawalan ng pananalig sa Diyos ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose. Patuloy silang nananalig at sumusunod sa kalooban ng Diyos. Bagamat hindi nila maunawaan nang mabuti kung bakit mapanganib ang landas na tatahakan ni Hesus, hindi nila hahadlangan ang misyon ni Hesus. Alam nina Maria at Jose na para sa kabutihan ang magiging misyon ni Hesus. 

May aral tayong makukuha mula sa Banal na Pamilya nina Hesus, Maria at Jose - laging manalig at sumunod sa utos at kalooban ng Diyos. Ang plano ng Diyos ay para sa kabutihan ng lahat. Walang pagkakamali sa mga plano ng Diyos. Katulad ni Sagrada Familia, manalig at sumunod tayo sa kalooban at utos ng Diyos para sa atin. Ang kalooban ng Diyos ay para sa ikabubuti ang lahat. 

Hesus, Maria at Jose, tulungan Mo kaming sumunod sa plano at kalooban ng Diyos, katulad ng Inyong Banal na Pamilya mula sa Nazaret. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento