Miyerkules, Disyembre 24, 2014

SANGGOL NA HESUS: PAGPAPATUNAY NG HABAG AT MALASAKIT NG DIYOS SA MGA DUKHA

Pagmimisa sa Hatinggabi sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang (ABK)
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14



Ang Panginoong Hesus ay isinilang sa isang sabsaban. Walang matuluyan ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose sa mga bahay-panuluyan. Puno na ang mga bahay-panuluyan na nilapitan nina Maria at Jose. Isang sabsaban lamang ang tumanggap sa Panginoon. Kasama ng Panginoon sa Kanyang pagsilang, bukod pa sa Mahal na Ina at si San Jose, ay ang mga hayop sa sabsaban. Napakahirap para kina Maria at Jose na manatili na lamang sa isang sabsaban para sa araw ng pagsilang ni Hesus. 

Bakit pinili ng Diyos na ipanganak ang Mesiyas sa isang sabsaban? Hindi ba dapat mas nararapat ang Mesiyas na ipanganak sa isang desenteng lugar? Bakit sa isang sabsaban ipinanganak ang Anak ng Diyos? Bakit ba pinayagan ng Diyos na ipanganak si Kristo sa isang sabsaban kung saan mabaho at punung-puno ng mga hayop? Anong uri ng Mesiyas ang isisilang na parang dukha? Hindi ba dapat ang Manunubos ng sanlibutan ay isilang sa isang napakagandang lugar? 

Oo, dapat lamang na ipanganak si Hesus sa isang napakagandang lugar. Pero, ang tanong, bakit hindi nangyari iyon? Sapagkat pinili ni Hesus na magpakadukha. Ipinapakita ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang sa isang sabsaban na ang Diyos ay malapit sa ating lahat, lalo na sa mga maralita. Naparito ang Panginoong Hesukristo upang ipadama sa sangkatauhan, lalung-lalo na sa mga dukha, ang awa at malasakit ng Diyos. 

Sino naman ang mga dukha? Ang mga dukha ay hindi lamang ang mga mahihirap sa lansangan. Ang pangkaraniwang iniisip natin kasi kapag naririnig natin ang salitang, "dukha," ay ang mga taong mahihirap nasa lansangan at nagmamalimos. Tayong lahat ay mga dukha. Bagamat marami tayong pera at ari-arian, hinahangad pa rin natin ang kaisa-isang bagay na hindi mababayaran ng kayamanan dito sa mundo. Hinahangad ng buong sangkatauhan ang awa at pagdamay ng Diyos. 

Hindi binalewala o pinabayaan ng Diyos ang sangkatauhan. Bagkus, dininig ng Diyos ang pagsamo ng sangkatauhan, lalo ng mga aba. Tumawid ang Diyos, sa pamamagitan ni Hesus, mula sa langit patungo sa lupa. Nagkatawang-tao ang Diyos bilang pagpapatunay na Siya'y kaisa ng buong sangkatauhan sa bawat pangyayari. Ang Diyos ay kaisa nating lahat, sa hirap o ginhawa. Pinatunayan Niya ito noong Siya ay tumawid mula sa langit patungo sa lupa. 

Ipinapamalas din ng Diyos sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus sa sabsaban ang Kanyang habag at malasakit sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga dukha. Ang Diyos ay maawain at mapagdamay sa lahat ng tao. Nag-aaalala Siya para sa buong sangkatauhan. Sa mga mata ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay mga aba. Kahit ang pinakamayamang tao dito sa mundo ay dukha rin sa paningin ng Diyos. Gaano mang karami ang pera o ari-arian ng isang tao, tayo ay mga dukha pa rin. May mga bagay na nais nating makuha, pero hindi lahat ng mga bagay na gusto natin ay mababayaran ng pera. Ang Diyos lamang ang makapagkakaloob ng mga bagay na hindi natin mabayaran. 

Nagdulot ng matinding kagalakan sa langit at sa lupa ang pagsilang ng Sanggol na Hesus. Ang sangkatauhan ay nagalak sapagkat nakapiling nila ang Diyos. Ang langit ay nagalak sapagkat tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayang dukha. Ibabalik ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesus ang buong sangkatauhan sa Kanyang mga kamay. Sa pamamagitan ni Hesus, ililigtas ng Diyos ang buong sangkatauhan. Ginawa ito ng Diyos dahil sa Kanyang awa at malasakit sa buong sangkatauhan. 

Sa pagpapatuloy natin ng ating pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ni Kristo, alalahanin po natin ang awa at habag ng Diyos. Ang awa at habag ng Diyos ay ang dahilan ng pagparito Niya sa sanlibutan. Ipinapadama sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsilang ni Kristo ang Kanyang pagdamay sa mga dukha. Sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus sa sabsaban, ipinadama sa atin ng Diyos ang Kanyang habag at pagdamay sa buong sangkatauhan. Iyan ang tunay na diwa ng Pasko - habag at pagdamay. 

MALIGAYANG PASKO SA INYONG LAHAT! 

Panginoong Hesus, maraming salamat sa pagpapadama ng Iyong habag at malasakit sa aming mga dukha sa kaluluwa, sa pamamagitan ng Iyong pagkakatawang-tao at pagsilang. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento