Katesismo bilang paghahanda para sa Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno
Noong nakaraang taon, habang sinusubaybayan ko ang Banal na Misa para sa Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ginaganap sa Quirino Grandstand sa pangunguna ng Mahal na Kardinal ng Arkidiyosesis ng Maynila, Luis Antonio Cardinal Tagle, napansin ko na bago awitin ang "Kordero ng Diyos" (Agnus Dei) na nagkagulo na ang mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno at hindi nila tinapos ang Misa. Napanood ko ito una sa livestreaming ng TV Maria. Hindi ko na-gets kung ano ang mangyayari pagkatapos sugurin ng mga deboto ng Mahal na Poong Nazareno ang altar sa Quirino Grandstand dahil walang commentary sa Banal na Misa para sa Kapistahan ng Poong Nazareno.
Kaya, binuksan ko rin ang livestreaming ng ABS-CBN. Inuulat ng Umagang Kay Ganda na hininto ang Misa dahil sa tigas ng ulo ng mga deboto. Paulit-ulit na sinabihan ang mga deboto na bumaba dahil hindi pa tapos ang Misa, pero, hindi pa rin sila bumaba. Dahil diyan, isinakay na lamang ang imahen ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa carroza na isasakay ng imahen pagkatapos ng Misa.
Sa kauna-unahang pagkakataon, tinigil ang Misa dahil nagkagulo ang mga kapwa kong deboto ng Mahal na Poong Nazareno na nagkatipon sa Quirino Grandstand. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Ngayon lang nangyari iyon sa Kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno at sa iba pang mga mahahalagang araw sa loob ng Simbahan. Ang Banal na Misa ay hininto dahil matigas ang ulo ng mga debotong nagkagulo bago pa natapos ang Misa.
Siguro, nakalimutan ng marami sa atin kung bakit napakahalaga ang pagdiriwang ng Banal na Misa. Ang pagdiriwang ng Banal na Misa ay ang pinakamataas na uri ng pagsamba sa Diyos. Sa Banal na Misa, nagkakatipon tayong lahat bilang isang sambayanang Kristiyano upang magbigay papuri at pasasalamat sa Panginoong Diyos dahil sa kaligtasang dulot Niya sa ating lahat sa pamamagitan ng paghahain ng Panginoong Hesus Nazareno ng Kanyang sarili sa krus noong unang Biyernes Santo.
Bisperas ng Kanyang pagpapakasakit, kumuha si Hesus Nazareno ng tinapay at alak. Ibinigay Niya ang tinapay at alak sa Kanyang mga alagad at sinabi sa kanila na ang tinapay ay ang Kanyang katawan at ang alak naman ay ang Kanyang dugo. May bilin pa nga si Hesus Nazareno sa mga alagad bago Siya namatay - tuwing nagsasalu-salo sa Kanyang Katawan at Dugo ay alalahanin Siya. Sa pagdiriwang ng Banal na Misa, inaalala natin ang pag-aalay ng Panginoong Hesus Nazareno ng Kanyang buhay para sa santinakpan.
Ang Panginoong Hesus Nazareno ay kasama natin sa Banal na Misa sa pamamagitan ng tinapay at alak. Sa Banal na Misa, ang tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Kristo. Kasama natin si Kristo sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Siya talaga ay kasama natin. Hindi na ordinaryong tinapay at alak ang makikita natin sa altar. Kaya, napakahalaga at napakasagrado ang Misa sapagkat kasama natin si Hesus.
Isinasalarawan ng imahen ng Panginoong Hesus Nazareno ang Kanyang pagbangon mula sa Kanyang pagkadapa, habang pinapasan Niya ang krus patungong Kalbaryo. Alam nating lahat kung gaanong makasaysayan at mapaghimala ang imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Pero, hindi iyon dahilan upang ihinto ang pagdiriwang ng Banal na Misa. Sapagkat hindi matatagpuan ang tunay na presensya ng Panginoong Hesus Nazareno sa Kanyang imahen. Matagpuan natin ang presensya ng Panginoong Hesus Nazareno sa tinapay at alak sa Banal na Eukaristiya. Ang imahen ay dapat nating parangalan, huwag sambahin.
Pagdating ng Misa sa araw ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa Luneta, tandaan po natin na ang Banal na Misa ang pinakamataas na uri ng pagsamba. Ayon sa nababalitaan ko, ginawa nang hatinggabi ang Banal na Misa upang hindi na lapastanganin ang tunay na presensya ni Hesus Nazareno sa Banal na Eukaristiya. Nawa ay huwag nating ulitin ang nangyari sa Kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno noong nakaraang taon - ang Misa ay hinijack dahil sa pag-uunahan na makalapit sa imahen ng Mahal na Poong Hesus Nazareno. Hintayin po nating matapos ang Banal na Misa. Tanggapin natin ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesus Nazareno sa Banal na Komunyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento