Linggo, Disyembre 21, 2014

KAGALAKAN AT PAGPUPURI SA PANGINOONG DIYOS

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK) 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56



Ang Mabuting Balita ngayon ay tungkol sa isang awit. Ang awiting ito ay ang "Magnificat" - ang awit ng Mahal na Birheng Maria. Buong pusong nagalak at nagpuri ang Mahal na Ina sa ating Panginoon dahil sa kabutihang pinamalas Niya sa pamamagitan ng Mahal na Ina. Isang abang dalaga lamang si Maria, ngunit siya'y naging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Sa Ebanghelyo kahapon, hinirang si Maria na maging ina ni Hesukristo, buong puso niyang tinanggap at tumalima sa utos ng Diyos. Ipinahayag ni Maria na siya'y alipin ng Panginoong Diyos. 

Sa Ebanghelyo ngayon, pinuri naman ni Maria ang Diyos. Ang abang alipin ay nagpuri nang buong kagalakan sa kanyang panginoon. Pinuri ni Maria ang Diyos dahil sa Kanyang sorpresa, hindi lamang para kay Maria kundi para sa buong sangkatauhan. Nagagalak si Maria dahil sa paglingap ng Diyos sa Kanyang mga alipin. Ang mga aba ay dinakila ng Diyos. Ang Mahal na Birheng Maria ay isang halimbawa ng paglingap at pagdakila ng Diyos sa Kanyang mga alipin. 

Matatagpuan rin sa Ebanghelyo ni San Lucas kung saan sinabi ni Hesus, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." (Lucas 18, 14) Bukod pa kay Hesus, ang isa sa napakagandang halimbawa ng pagpapakababa ay si Maria. Nagpakababa si Maria sa harapan ng Diyos, at ito'y naging kalugud-lugod sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos, ipinapakita niya ang kanyang kababaang-loob sa harapan ng Diyos. Tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos dahil nananalig siya na mas dakila at maganda ang plano ng Diyos. 

Bakit dinakila ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria? Dahil dinakila ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang fiat. Ang pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos ay ang pamamaraan ni Maria upang purihin at dakilain ang Diyos. Sa pamamagitan ng pagtalima ni Mahal na Birhen sa kalooban ng Diyos, ipinapakita ng Mahal na Birhen na mas maganda at dakila ang plano ng Diyos. Ipinapakita rin ng Mahal na Ina na tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako at wala Siyang bibiguin. 

Kaya naman ngayon, pinupuri ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos dahil sa pagtupad ng Diyos sa Kanyang pangako. Nananalig si Maria na mangyayari at matutupad ang plano ng Diyos para sa sangkatauhan. Alam ni Maria na hindi siya bibiguin ng Diyos. Alam ni Maria na ang Diyos ay tapat sa pangakong binitiwan Niya. Hindi nambibigo ang Diyos. Tapat ang Diyos sa mga pangakong binibitiwan Niya. 

Malapit na ang araw ng Kapaskuhan. Ilang araw na lamang po at darating na ang araw na pinaghahandaan natin sa pamamagitan ng apat na Linggo ng Adbiyento at siyam na araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo. Sa pagpapatuloy ng ating Pagsisiyam sa Simbang Gabi bilang paghahanda para sa Pasko ng Pagsilang ni Hesus, samahan natin si Maria na purihin ang Banal na Santatlo - Ama, Anak at Espiritu Santo - dahil hindi nambibigo ang Diyos. Ang Banal na Santatlo, bagamat tatlo, ay iisang Diyos pa rin. Sila ay iisa. Hindi tayo bibiguin ng Banal na Santatlo. 

O Banal na Santatlo, buong puso at kagalakan namin Kayong pinupuri, kasama ng Mahal na Birheng Maria. Amen.

Inang Maria, ipanalangin mo kami. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento