Miyerkules, Disyembre 24, 2014

HESUS: ANG DAHILAN AT ANG DAKILANG REGALO SA PAGDIRIWANG NG PASKO

Pagmimisa sa Araw sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang (ABK) 
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14) 



Tuwing sasapit ang Pasko, nagmamadali ang lahat ng mga tao sa mga mall at mga department store upang gumala at mamili ng mga regalo at mga pagkain. Bumibili sila ng mga regalo para sa kanilang mga kaibigan, mga kapamilya at kamag-anak, mga mahal sa buhay, at marami pang iba. May ilan nga sa mga kabataan, bumibili ng mga regalo para sa kanilang mga crush o mga kasintahan. Ang ilan naman, pumupunta at namimili sa mga mall dahil naka-sale ang maraming bilihin. Marami din ang namamalengke o bumibili sa grocery upang ipaghanda ang Noche Buena. 

Pero, kapag tinatanong ng mga tao kung bakit nagdiriwang sila ng Pasko, ang sagot lamang nila, "Isa po ito kasing tradisyon taun-taon," at marami pang ibang katulad noon na walang kinalaman patungkol sa kapanganakan ni Kristo. Kapag ang mga bata ay tinatanong, "Sino ang hinihintay ninyo ngayong Pasko?", ang sagot naman nila, "Si Santa Claus po." Sa panahon ngayon, ang Pasko ay tungkol na sa pamimili, pagsasama ng mga kapamilya at kamag-anak, at tungkol kay Santa Claus. 

Mukhang nakalimutan nga ng marami sa atin kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pasko. Ipinagdiriwang natin ang Pasko dahil kay Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao na tinutukoy ni San Juan Ebanghelista sa ating Ebanghelyo ngayong araw ng Pasko. Si Hesus ang tunay na dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pasko. Ang Diyos, sa pamamgitan ng Diyos Anak, ay nagkatawang-tao at nakipamuhay na kasama natin. Tumawid ang Diyos Anak mula sa langit patungo sa sanlibutan upang dumamay sa buong sangkatauhan. 

"Ang Salita ay nagkatawang-tao, at nakipamuhay sa atin." (Juan 1, 14) Kapag mayroong tanong kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pasko, ibinigay sa atin ni San Juan Ebanghelista ang sagot sa katanungang iyon. Ang Salita (si Hesus) ay nagkatawang-tao at nagpakadukha para sa buong sangkatauhan. Ito ang regalo o aguinaldo ng Diyos para sa ating lahat. Walang regalo ng bawat tao sa isa't isa ang makahihigit pa sa aguinaldo ng Diyos para sa buong sangkatauhan - si Hesus, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. 

Kapag tinatanong ang ilan sa atin kung bakit tayo bumibili ng mga regalo, ang madalas nating sinasagot, "Para hindi matampo sa akin ang reregaluhan ko. Kaibigan ko kasi siya, at kung wala akong pamaskong aguinaldo para sa kanya, baka magtampo siya sa akin." May ilan naman, kapag itinatanong kung wala silang regalong tatanggapin o hindi nila nakuha ang kanilang gusto ngayong Pasko, ang sasagutin nila, "Magtatampo ako at wala akong patatawarin kahit kailan!" Kapag Pasko, kailangang may regalo? Kailangang makuha mo ang gusto mo kapag Pasko? 

Ang mga dukha, kahit wala silang regalo, nagdiriwang pa rin sila ng Pasko. Kahit wala silang pamaskong aguinaldo, hindi pa rin sila nagtatampo. Ang mga pulubi ay nakakapagdiwang pa rin ng Pasko at masaya rin ang kanilang pagdiriwang. Wala silang inaasahan kundi ang Diyos. Sapat na ang kanilang pamilya at ang Diyos para sa Pasko. Bagamat naghahangad sila ng magandang buhay, sapat para sa kanila ang pamilya at ang Diyos para sa Pasko. Kilala nila kung sino ang tunay na bida ng Pasko - ang Panginoong Hesukristo. 

May regalo para sa atin ang Panginoong Diyos - ang Panginoong Hesus. Hindi pa ba sapat ang Panginoong Hesus ngayong Pasko? Kay Hesus ang araw na ito at sa Kanya rin ang lahat ng araw. Ang Panginoong Hesus nga ang dahilan kung bakit may Pasko. Ginugunita natin tuwing araw ng Pasko ang Pagsilang ni Hesus, ang Manunubos ng sangkatauhan. Walang dahilan na sabihing, "Hindi sapat ang Panginoon." Dahil si Hesus ang dakilang regalo ng Diyos sa sanlibutan. Gaano mang kamahal ang mga bagay dito sa mundo, walang makahihigit sa halaga ni Hesus. Si Hesus ang pinakadakilang regalo na tinanggap ng sanlibutan. 

Ang regalo ay isang pagpapahayag ng isang tao ng kanyang pag-ibig sa kanyang kapwa, lalo na sa kanyang mga minamahal. Nireregalo ng isang tao ang kanyang mga minamahal dahil sa kanyang pag-ibig. Tayo ay nakatanggap ng isang dakilang regalo mula sa langit noong unang Pasko - ang Panginoong Hesus. Ginugunita natin ngayong araw ng Pasko ang pagsilang ng Mesiyas. Si Kristo ang pinakadakilang regalong tinanggap ng sanlibutan. Walang makakapantay kay Kristo. 

Si Kristo Hesus, ang Anak ng Diyos at ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay nagkatawang-tao at isinilang upang damayan tayo. Ipinaparamdam sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsilang ng Diyos Anak ang Kanyang habag at pagdamay sa sangkatauhan. Atin pong pasalamatan at tanggapin ang regalo ng mahabagin at mapagdamay na Diyos ngayong Pasko. Walang makakapantay o makakatalo sa Panginoong Hesus ngayong Pasko. Sapagkat Siya ang dahilan ng ating pagdiriwang ng Pasko at ang pinakadakilang regalo na tinanggap ng sanlibutan. 

MULI, MALIGAYANG PASKO PO SA INYONG LAHAT!

Panginoong Hesus, marami pong salamat sa pagparito Mo sa sanlibutan upang ipadama sa amin ang awa at habag ng Diyos. Ikaw ang pinadakilang regalo na tinanggap namin noong unang Pasko. Ikaw ang kaisa-isang dahilan ng pagdiriwang ng Pasko. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento