Disyembre 16, 2014
Unang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK)
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36
Sa araw na ito ay sinisimulan nating mga Pilipino ang taunang pagsisiyam bilang paghahanda para sa Kapaskuhan na tinatawag nating "Simbang Gabi" o "Misa de Gallo." Ang siyam na araw na ito ay sumasagisag sa siyam na buwan na pagdadala ng Mahal na Birheng Maria sa Panginoong Hesukristo sa kanyang sinapupunan. Sa pamamagitan ng siyam na araw ng Simbang Gabi, tayo ay naglalakbay, naghihintay, at naghahanda nang may kagalakan kasama ni Maria para sa pagsilang ni Hesus.
Ngayong unang araw ng ating pagsisiyam ay matutunghayan natin ang pagpapatunay kay Hesus at kay San Juan Bautista. Mapapakinggan natin ang sinasabi ng Panginoong Hesus na ang tao'y nakikilala sa pamamagitan ng mga gawa. Kilala ng mga tao sa panahong iyon kung sino si Hesus at sino si San Juan Bautista. Ang mga ginawa ni Hesus at ni San Juan Bautista ang nagpatunay kung sino nga ba sila.
Ayon sa mga tao, si Hesus ay isang propeta at isang taong gumagawa ng mga himala. May ilan sa mga tao na nagsasabi na Siya nga ang Mesiyas. Para sa ating mga Katolikong Kristiyano, si Hesus ang Mesiyas, ang tunay na Anak ng Diyos. Paano nating nasisiguro na si Hesus nga ang Mesiyas? Ang mga ginawa ni Hesus ang nagpapatunay at nagpapakilala sa Kanyang sarili. Kilala natin si Hesus sa pamamagitan ng Kanyang mga ginawa. Pinagaling Niya ang mga maysakit, nangaral Siya tungkol sa paghahari ng Diyos, nagpakasakit at namatay para sa atin, at muling nabuhay sa ikatlong araw.
Kilala rin ng mga tao si San Juan Bautista. Ayon sa mga tao, si San Juan Bautista ay isang propeta. Nangaral siya tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ito ang lagi niyang ipinangangaral niya habang siya'y nagbibinyag sa ilang. Para sa atin, si San Juan Bautista ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Ang kanyang mensahe at ang kanyang mga ginawa ang nagpapatunay sa kanyang pagkatao. Pinatunayan ni San Juan Bautista ang mga sinabi niya tungkol sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang mga ginawa bilang tagapaghanda ng daan ng Panginoon.
Suriin natin ang ating mga sarili. Paano ba ako nakikilala ng mga kakilala ko? Nakikilala ba ako ng mga taong kakilala ko sa pamamagitan ng aking mga gawa? Hindi lamang sa salita tayo nakikilala. Hindi sapat ang mga salita upang ipakilala ang ating mga sarili. Kailangang patunayan natin sa pamamagitan ng ating mga gawa. Katulad ng isang kasabihan, "Mas malakas ang kilos kaysa sa salita." Hindi dapat tumaliwas ang ating mga gawa sa ating mga salita. Kailangang magkatugma ang ating mga salita at mga gawa. Magkakagunay ang ating mga salita at gawa.
Malaki ang ugnayan ng mga salita at mga gawa. Tinutulungan ng ating mga gawa ang ating mga salita. Kung taliwas ang ating mga ginagawa sa ating mga sinasabi, mahina tayo. Nililinlang natin ang ating mga sarili at ang ating kapwa. Ang panlilinlang ay isang mabigat na kasalanan. Pinagbabawal ng Diyos ang panlilinlang. Kilala ng Diyos ang bawat isa sa atin. Mas nakikilala ng Diyos ang ating mga sarili kaysa sa atin. Siya ang lumikha sa atin. Tayo ay nilikha Niya na Kanyang kawangis. Nawa'y ipakita natin na tayo'y mga nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.
Ang Panginoong Hesus at si San Juan Bautista ay nagpakilala sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Sikapin nating tularan si Kristo at si San Juan Bautista sa pamamagitan ng pagpapakilala sa ating mga sarili bilang mga Kristiyano sa ating mga salita at gawa. Hindi sapat ang salita lamang. Kailangang may gawang tumutugma sa ating mga salita. Paano nating makikilala ang isang tunay na Kristiyano? Kung magkatugma ang kanyang mga salita at gawa bilang pagpapahayag na siya'y Kristiyano at nananalig sa Panginoon.
Panginoong Hesus, bigyan Mo kami ng lakas upang ipakilala ang aming sarili sa pamamagitan ng aming mga salita at gawa, katulad ng ginawa Mo at ni San Juan Bautista. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento