Lunes, Disyembre 22, 2014

KAGALAKAN SA KATUPARAN NG PANGAKO NG DIYOS

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK) 
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66 


Kung maaalala natin ang Ebanghelyo noong Biyernes, ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapahayag ng Arkanghel Gabriel kay Zacarias. Nagpahayag ng isang magandang balita ang Arkanghel Gabriel kay Zacarias na siya'y magkakaroon ng anak nila Elisabet. Ang maipanganganak ni Elisabet ay walang iba kundi si San Juan Bautista, ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Subalit, pinagdudahan ni Zacarias ang mga sinabi ng anghel. Dahil doon, siya'y pinarusahan. Ano ang kanyang parusa? Mananatili siyang pipi at bingi hanggang sa araw ng pagsilang ni San Juan Bautista. 


Ang Ebanghelyo naman natin ngayong ika-8 araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo ay tungkol sa pagsilang ni San Juan Bautista. Ito ang araw na itinakda ng Diyos na makakapagsalita muli si Zacarias. Hindi magtatagal ang parusa ng Diyos kay Zacarias. Magwawakas ang parusa ng Panginoon kay Zacarias sa araw ng pagsilang at pagtutuli ng kanilang anak nila Santa Isabel na walang iba kundi si San Juan Bautista. 

Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako kina Zacarias at Elisabet. Hindi Niya binigo sina Zacarias at Elisabet. Sa pamamagitan ng pagsilang ni San Juan Bautista, ipinapakita ng Diyos na walang bagay na hindi Niya mapangyayari. Walang imposible para sa Diyos. Walang hindi mapangyayari ang Diyos. Mangyayari sa bawat araw ang kalooban ng Diyos. Kung ang tao'y madalas nabibigo dahil sa hindi pagtupad sa plano, hindi nabibigo ang Diyos. Nangyayari ang lahat ng kagustuhan ng Diyos. 

Si San Juan Bautista ang katuparan ng pangako ng Diyos kina Zacarias at Santa Isabel. Sa buhay ni San Juan Bautista sa lupa, may isa siyang napakahalagang papel sa buhay ni Kristo. Ihahanda niya ang lahat ng tao upang salubungin ang Mesiyas. Siya ang maghahanda ng daan para sa Mesiyas na walang iba kundi si Hesus. Kaya nagagalak sina Zacarias, Elisabet at ang kanilang mga kamag-anak dahil ang batang ito ay ang katuparan ng pangako ng Diyos. May isang mahalagang papel na gagampanan ng batang ito sa kanyang buhay. 

Hindi lang kina Zacarias, Elisabet at sa kanilang mga kamag-anak nagdulot ng kagalakan ang kapanganakan ni San Juan Bautista. Nagalak din ang langit sa kapanganakan ni San Juan Bautista. Bakit? Sapagkat malapit na malapit nang isilang ang Mesiyas. Isinilang na ang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas. Ang pagsilang ni San Juan Bautista ay ang hudyat na malapit nang isilang si Hesus. Malapit nang isilang ang Manunubos ng sangkatauhan. 

Matapat ang Diyos sa mga pangakong binibitiwan Niya. Hinding-hindi Niya tayo bibiguin. Walang imposible para sa Diyos. Ang lahat ng bagay ay mapangyayari ng Diyos, kung ito'y niloloob Niya. Sa tuwing tinutupad ng Diyos ang Kanyang pangako, ito'y nagdudulot ng malaking kagalakan sa lahat. Kung ang tao ay may mga pagkakataon na hindi tinutupad ang kanyang pangako sa kanyang kapwa-tao, tinutupad ng Diyos ang lahat ng Kanyang pangako. 

Dalawang araw na lamang po at ipagdiriwang nating lahat ang Kapaskuhan. Malapit na malapit na ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Sa unang Pasko, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa sangkatauhan. Nangako ng Diyos na ipapadala Niya ang Mesiyas, ang Manunubos ng sangkatauhan. Matutupad ang pangakong iyon sa pamamagitan ni Hesus. Ang pagsilang ni Hesus ay magdudulot ng malaking kagalakan sa langit at sa lupa dahil tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayang hinirang. Walang bibiguin ang Diyos kahit kailan. 

O Diyos, buong galak namin Kayo pinupuri at pinasasalamatan dahil sa pagtupad ng Inyong pangako sa aming lahat. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento