Disyembre 19, 2014
Ika-4 na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK)
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25
Tampok sa Ebanghelyo natin ngayong Ika-apat na Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo si Zacarias, ang ama ni San Juan Bautista. Si Zacarias ay isang saserdote na naglilingkod sa templo. Siya ang asawa ni Santa Isabel, ang kamag-anak ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat matagal na silang kasal ni Santa Isabel, wala pa silang anak. Baog pa nga ang tawag ng mga tao sa panahong yaon kay Santa Isabel dahil wala pa siyang anak. Matagal na nilang ipinagdarasal na magkaroon ng anak, pero wala pa rin silang anak. Nawalan ng pag-asa si Zacarias na magkaroon ng anak.
Noong ibinalita kay Zacarias na manganganak ang kanyang asawang si Santa Isabel, nagulat at nagduda si Zacarias. Hindi siya makapaniwala na sa kabila ng kanyang katandaan ay magkakaroon siya ng anak. Sa mata ng mga tao, masyado na raw matanda sila ni Santa Isabel na magkaroon ng anak. Hindi na raw sila pwedeng magkaroon ng anak. Imposible na para kina Zacarias at Santa Isabel upang magkaroon ng isang anak dahil masyado na silang matanda.
Isang balitang hindi kapani-paniwala ang narinig ni Zacarias. Walang masabi si Zacarias dahil nakakagulat naman ang balitang iyon. Pagkatapos ng maraming taon, kung kailan tumanda, saka pa siya magkakaanak. Mukhang imposible naman iyon para kay Zacarias. Nagduda si Zacarias sa sinabi ng anghel. Kailangan ni Zacarias ng tanda upang malaman na totoo ang sinasabi sa kanya ng Arkanghel Gabriel. Para kay Zacarias, imposibleng mangyari ang sinasabi sa kanya ng Arkanghel Gabriel.
Matagal nang ginusto ni Zacarias na magkaroon ng anak ni Elisabet. Nagdasal silang dalawa ni Elisabet nang matagal na panahon upang magkaroon ng anak sila. Pero, habang lumilipas ang panahon, nainip si Zacarias at nawalan na siya ng pag-asa na magkakaroon sila ng anak ni Elisabet. Kinalimutan na niya ang plano na magkaroon ng anak dahil para sa kanila, hindi naman sila pinakikinggan ng Diyos. Akala ni Zacarias na mamamatay sila ni Elisabet na walang anak.
Dahil sa pagdududa at kawalan ng pag-asa ni Zacarias sa kalooban ng Diyos, pinarusahan siya ng Diyos sa pammagitan ng anghel. Si Zacarias ay sinumpaan ng Diyos. Siya'y magiging pipi hanggang sa pagsilang ni San Juan Bautista, ang magiging anak nila ni Elisabet. Kung nanalig lamang si Zacarias sa kalooban ng Diyos, hindi siya magiging pipi. May parusa si Zacarias na kailangan niyang danasin dahil sa kanyang pagdududa at kakulangan ng pananalig at pag-asa sa Diyos.
Ano ang matututo natin sa karanasan ni Zacarias? Maging mapagpasensya. Hindi lahat ay minamadali. Hindi lahat ng bagay ay dumarating sa panahon na nais natin. May panahon kung kailan ipagkakaloob ng Diyos ang ating mga kahilingan at pangangailangan. Tutugon ng Diyos ang ating mga panalangin at kahilingan sa Kanya pagdating ng tamang panahon. Kaya, huwag tayong mawalan ng pag-asa at pananalig sa Diyos. Huwag nating pagdudahan ang Diyos. Maging mapagpasensya at manalig lamang tayo sa Diyos.
Sa panahon ngayon, mahilig tayong magmadali. Halos hindi na tayo maghintay. Masyado tayong mainipin. Nawa'y turuan tayo ng Ebanghelyo ngayon na diringgin ng Diyos ang ating mga panalangin pagdating ng tamang panahon. Kapag hindi dumating ang tugon sa ating mga panalangin sa panahong gusto natin, huwag tayong mabigo. Ang Diyos ay may magandang plano para sa atin. Darating ang tugon ng Diyos sa ating mga panalangin pagdating ng tamang panahong itinakda Niya. Maging mapagpasensya nawa tayo at manalig lamang tayo sa kalooban ng Diyos.
O Diyos, tulungan Mo kaming maghintay at maging mapagpasensya. Huwag Mo nawang ipahintulot na mawalan kami ng pananalig at pag-asa sa Iyo. Bagkus, lumaki at lumalim pa ang aming pananalig at pag-asa sa Iyo. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento