Disyembre 20, 2014
Ika-5 Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK)
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38
May pagkakaiba ang Ebanghelyo natin ngayon sa Ebanghelyo natin kahapon. Sa Ebanghelyo natin kahapon, natunghayan natin ang pagdududa ni Zacarias sa kalooban ng Diyos. Humingi pa nga siya ng tanda sa arkanghel Gabriel kung paano niya matitiyak na totoo ang mga naririnig niya. Dahil doon, si Zacarias ay naging bingi at pipi. Pero sa Ebanghelyo natin ngayon, matutunghayan natin ang pananalig at pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos.
Alam ng Mahal na Birheng Maria na isa siyang dalaga. Wala pa siyang alam tungkol sa pagiging ina. Hindi niya maunawaan nang mabuti ang mga sinabi ng anghel sa kanya. Masasabi nating nagulat si Maria nang marinig niya mula sa anghel na siya ay magiging ina. Isang mahirap na responsibilidad ang pagiging ina para sa mga babae. Hindi madali para sa mga babae ang pagiging ina.
Kung ikukumpara natin ang tanong ni Maria sa Ebanghelyo ngayon sa tanong ni Zacarias sa Ebanghelyo kahapon, makikita natin na hindi nagdududa si Maria. Walang pagdududa sa tanong ni Maria. Bagamat nakakamangha at hindi niya maintindihan ni Maria ang sinabi ng anghel sa kanya, hindi siya nagduda. Si Zacarias ay nagduda dahil nakakamangha at hindi niya maintindihan ang sinabi ng anghel. Humingi pa nga siya ng tanda mula sa anghel kung paanong mangyayaring manganganak si Elisabet. Si Maria ay hindi humingi ng tanda mula sa anghel.
Ang buhay ng dalagang si Maria ay nagbago dahil sa balitang tinanggap niya mula sa anghel. Masasabi natin na gustong mamuhay ng simple si Maria kasama ni San Jose na kanyang magiging asawa. May mga plano si Maria para sa kanyang sarili. Pero, nagbago ang lahat ng plano ng Mahal na Ina para sa kanyang sarili. Ibinalita ng Arkanghel Gabriel kay Maria na siya ay hinirang ng Diyos upang maging ina ni Hesus, ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel.
Sa kabila ng pagiging dalaga ng Mahal na Birheng Maria, pinili pa rin niyang tumalima sa kalooban ng Diyos. Ang malalim na pananalig ni Maria sa Diyos ang nag-udyok sa kanya upang sundin ang kalooban ng Diyos. Buong pusong tinanggap at tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos. Bagamat may mga pagsubok na darating din sa kanyang buhay bilang ina ni Kristo, nananalig pa rin siya sa kalooban ng Diyos. Tumalima pa rin si Maria sa kalooban ng Panginoong Diyos, kahit may mga bagay na mangyayari na hindi niya maintindihan.
Sa pamamagitan ng pananalig at pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos, natupad ang hula ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ipinahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa na isang dalaga ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki at tatawagin itong Emmanuel. Ang pahayag na ito'y natupad sa pamamagitan ni Maria. Si Maria ang dalagang tinutukoy ni Propeta Isaias sa kanyang hula tungkol sa kapanganakan ng Mesiyas. Ang sanggol na lalaki na tatawaging Emmanuel ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang Diyos na lagi nating kasama.
Isang tunay na huwaran para sa ating mga Kristiyanong Katoliko ang Mahal na Birheng Maria. Kahit mahirap ang ipinapagawa sa kanya ng Diyos, hindi ito naging dahilan para kay Maria upang takasan at suwayin ang kalooban ng Diyos. Bagkus, pinili ni Maria na manalig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Kahit hindi niya maintindihan ang mga bagay na darating sa kanya o sa kanyang anak na si Hesus, hindi nawala ang pananalig at pagsunod ni Maria sa kalooban ng Diyos.
Panginoon, tulungan Mo kaming maging masunurin sa Iyong kalooban, katulad ng Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento