Martes, Disyembre 23, 2014

PURIHIN ANG PANGINOONG DIYOS SA PAGTUPAD NG KANYANG PANGAKO

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK) 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79


Nitong mga nakaraang araw ng ating Pagsisiyam bilang Paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo, ang pinagninilayan natin ay ang pagpupuri sa Diyos at ang katapatan ng Diyos sa Kanyang mga pangako. Muli na naman nating pinagninilayan ang temang ito, lalung-lalo na ngayong huling araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo. Binibigyang-diin ng Ebanghelyo para sa mga huling tatlong araw ng Simbang Gabi ang pagpupuri at pasasalamat sa Diyos dahil sa pagtupad sa mga pangako Niya sa sangkatauhan. 

Dalawang awitin ang matatagpuan natin sa unang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Lucas. Ang una ay ang "Magnificat" o ang awit ng Mahal na Birheng Maria (Lucas 1, 46-55). Sa unang awitin na mababasa natin sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas, mapapakinggan natin na pinupuri ni Maria ang Diyos dahil sa paglingap Niya sa mga aba. Pinupuri ng Mahal na Ina ang Diyos dahil sa awa at malasakit ng Diyos sa mga aba. Tinutupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayang hinirang dahil sa Kanyang habag at pagdamay sa kanila, lalo na sa mga maralita. 

Ang ikalawang awitin na matatagpuan sa unang kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas ay ang "Benedictus," ang awit ni Zacarias (Lucas 1, 67-79) na narinig natin sa Ebanghelyo natin ngayon. Nagbigay-papuri sa Diyos si Zacarias dahil sa katapatan ng Diyos sa Kanyang pangako. Pagkatapos ng siyam na buwan ng katahimikan, nagbigay-papuri si Zacarias sa Diyos. Masasabi natin na pinagnilayan ni Zacarias sa loob ng siyam na buwan ng kanyang pagkapipi at pagkabingi kung gaano kabuti ang Diyos. At ngayong nakakapagsalita na si Zacarias, nagbigay-papuri siya sa Diyos dahil sa Kanyang kabutihan. 

Hindi naniwala si Zacarias sa kabutihan ng Diyos noong ipahayag sa kanya ng anghel na magkakaroon sila ng anak nila Elisabet. Dahil doon, sinumpaan siya ng Diyos na siya'y magiging pipi at bingi sa loob ng siyam na buwan hanggang sa isilang ang kanilang anak. Sa loob ng siyam na buwan na iyon, pinagnilayan ni Zacarias sa katahimikan ang kabutihan ng Diyos. Doon niya natuklasan na ang Diyos ay isang Diyos ng kabutihan at katapatan. Ang Diyos ay tumutupad sa Kanyang pangako sa Kanyang bayang hinirang. 

Ang kahulugan ng pangalang "Juan" ay "Magiliw ang Diyos," o "Mabait ang Diyos," sa simpleng Tagalog. Ang pagsilang ni San Juan Bautista ang katunayan ng kabaitan ng Panginoong Diyos. Dahil sa kagiliwan ng Diyos, tinutupad Niya ang Kanyang pangako. Ang Diyos ay walang katulad. Kakaiba ang Diyos. Nangyayari ang lahat ng Kanyang mga pangako. Kapag nangangako ang Diyos, nangyayari at natutupad ang Kanyang pangako. Matapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako. 

Kaya, nararapat lamang na purihin ang Diyos. Ang Diyos ay dapat purihin ng lahat ng tao. Walang pangako na hindi Niya tinutupad. Matapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako. Tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako. Walang imposible para sa Diyos. Ang lahat ay mapangyayari ng Diyos, kung ito'y niloloob Niya. Walang makakahadlang sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. 

Huling araw na po ng ating Pagsisiyam bilang paghahanda para sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoon sa pamamagitan ng Simbang Gabi. Malapit nang matapos ang ating paglalakbay kasama ang Mahal na Ina bago isilang ang Mesiyas. Sa Misa sa Hatinggabi ng Pasko ng Pagsilang, mapapakinggan natin ang mga anghel na umaawit ng Papuri sa Diyos dahil sa katuparan ng Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng pagsilang ng Panginoong Hesus sa sabsaban, isinilang ang kaligtasan ng sanlibutan. 

Samahan natin ang lahat ng mga anghel at banal sa langit sa pagbibigay papuri at luwalhati sa Diyos dahil sa kabutihang ipinamalas Niya sa buong sangkatauhan. Ang katuparan ng Kanyang mga pangako ay nagpapatunay sa kabutihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagsilang ni San Juan Bautista at ang pagsilang ni Hesukristo (na ating ipagdiriwang mamayang gabi), tinupad ng Panginoong Diyos ang Kanyang pangako sa sangkatauhan. Dapat nating purihin ang Panginoong Diyos dahil sa katapatan at pagtupad sa Kanyang mga pangako sa sangkatauhan. 

Panginoong Diyos, buong puso namin Kayong pinupuri at pinasasalamatan dahil sa katapatan Mo sa Iyong pangako sa amin. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento