Disyembre 18, 2014
Ika-3 Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK)
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24
Ayon sa batas ng mga Hudyo, kapag may dalawang tao'y nahuli na nakikiapid, ang hatol sa kanila ay kamatayan. Babatuhin ang mga nakiapid hanggang sila'y mamatay. Isang halimbawa na makikita natin sa Banal na Bibliya ng pagkakataong iyon ay noong dinala ng mga punong saserdote ang babaeng nahuli sa pakikiapid sa Panginoong Hesukristo (Juan 8, 1-11). Ipinapakita ng talatang iyon kung ano ang ginagawa ng mga Hudyo sa mga taong nakikiapid. Ang pagkakaiba lamang sa talatang iyon, ginawa lamang iyon ng mga punong saserdote upang mahuli nila ang Panginoong Hesus.
Ang pakikiapid ay isa sa mga pinagbabawal sa Sampung Utos ng Diyos. Isa itong uri ng pagnanakaw. Ninanakaw mo ang asawa ng iyong kapwa. Hindi ka nagiging tapat sa iyong relasyon o sa iyong asawa. Sinasaktan mo ang iyong ka-relasyon o ang asawa mo sa pamamagitan ng pakikiapid. Nililinlang mo sila sa pamamagitan ng pakikiapid. Nangako ka na ang iyong ka-relasyon ang iyong mamahalin. Sa pamamagitan ng pakikiapid, ipinapakita mo na hindi ka kuntento sa iisang ka-relasyon o asawa. Pakikiapid. Isang malaking kasalanan.
Ito siguro ang iniisip ni San Jose noong mabalitaan na ang Mahal na Birheng Maria ay nabuntis sa labas ng kasal. Isang mabigat na kasalanan ang pakikiapid, lalung-lalo na sa panahon noon. Kapag nakiapid ang isang tao, siya'y babatuhin hanggang sa mamatay. Siguro, nalungkot si San Jose nang mabalitaan niya na buntis ang Mahal na Birheng Maria nang hindi pa siya kinakasal. Akala niya na si Maria'y hindi tapat sa kanya. Masasabi natin na nasaktan si San Jose dahil sa balitang iyon.
Hindi naging madali para kay Jose at Maria ang sitwasyon na iyon. Si Maria'y nagdadalantao nang hindi pa kasal. Isang napakumplikadong sitwasyon. Ayaw ni Jose na magmukha siyang makasalanan. Ayaw niya ng kaguluhan. Mahirap na nga ang kanyang hanapbuhay bilang karpintero, mahirap pa nga ang sitwasyon na pinasukan niya. Sabi pa nga sa Ebanghelyo, "Isang taong matuwid si Jose, na pakakasalan ni Maria." (Mateo 1, 19)
Nalaman na lamang ni San Jose na ang mga chismis patungkol sa pagdadalantao ng Mahal na Ina ay hindi totoo noong magpakita sa kanya sa panaginip ang anghel ng Panginoon. Ibinunyag ng anghel na hindi nagkaroon ng ibang relasyon si Maria sa ibang lalaki. Ang tunay na dahilan ng pagdadalantao ni Maria ay dahil naglihi siya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi nakiapid si Maria kahit kaninuman dahil mahal na mahal din niya si Jose.
Si San Jose ay pinili rin ng Diyos upang magkaroon ng mahalagang papel sa buhay ni Kristo. Pinili ng Diyos si San Jose upang maging ama-amahan ni Kristo dito sa lupa. Alam ng Diyos kung gaano kamahal ni Jose si Maria. Kaya't hinirang ng Diyos si San Jose upang tulungan ang Mahal na Birheng Maria sa pag-aalaga at pagpapalaki sa Panginoong Hesukristo. Mahirap na pananagutan ito para kina Jose at Maria, pero ginawa pa rin nila iyon alang-alang sa kanilang katapatan at pagmamahal sa Diyos at sa isa't isa.
Mga tunay na halimbawa ng tapat na pagmamahalan sina San Jose at ang Mahal na Birheng Maria. Hindi nakiapid si San Jose o ang Mahal na Birheng Maria. Bagkus, naging tapat sila sa kanilang pagmamahalan. Tunay ang kanilang pagmamahalan. Dahil sa kanilang pagmamahalan, hinirang sila ng Diyos upang maging mga magulang ng Panginoong Hesukristo. Tumalima sila sa kalooban ng Diyos dahil minamahal din nila ang Diyos at matapat sa Kanya.
O Diyos, tulungan Mo kaming maging busilak at tapat sa pagmamahal namin sa Iyo at sa aming ka-relasyon sa buhay, katulad nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento