Sabado, Disyembre 20, 2014

FIAT NI MARIA: DAAN UPANG IPANGANAK SI HESUS

Ika-4 na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Roma 16, 25-27/Lucas 1, 26-38 


Muli nating mapapakinggan ngayong Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo ang salaysay ng pagbabalita ng Arkanghel Gabriel sa Mahal na Birheng Maria. Kung ang ating Simbang Gabi ay parang isang palabas sa telebisyon, masasabi nating ni-replay ang ating Ebanghelyo sa Ebanghelyo natin kahapon. Ang dahilan nito ay dahil tumugmak ang araw na ito sa Ika-4 na Linggo ng Adbiyento. At ngayong Taon B sa ating Kalendaryo Panliturhiya, ang Ebanghelyo ngayong Linggong ito ay tungkol sa pagbabalita ng Arkanghel Gabriel sa Mahal na Birheng Maria. 

Napakagandang pagnilayan ngayong kapanahunan ng Adbiyento ang pagtalima ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Ito ang nagbigay ng pahintulot sa Diyos upang maganap ang Kanyang kalooban. At ano ang kalooban ng Diyos? Isugo si Hesus, ang Mesiyas, upang iligtas ang sangkatauhan mula sa pagkaalipin. 

Ang sangkatauhan ay inalipin ng kasamaan at kasalanan. Pumasok ang kasamaan at kasalanan sa mundo dahil sa pagkakasala ni Eba at Adan. Sinuway nina Eba't Adan ang utos ng Diyos sa Halamanan ng Eden. Ito'y naging daan upang pasukin ng kasamaan at kasalanan ang sanlibutan upang alipinin ang sangkatauhan. Labis nasaktan ang Diyos sa pagkaalipin ng sangkatauhan sa kasalanan. 

Dahil doon, nais ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan mula sa pagkaalipin. Hindi kalooban ng Diyos na mamuhay ang tao bilang mga alipin ng kasamaan at kasalanan. Nais nga ng Diyos na maging malaya ang sangkatauhan upang sila'y makapaglingkod sa Kanya. Kaya nagdesisyon ang Diyos na isugo ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo - ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo, upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. 

Sa pamamagitan ng pagsugo ng Ama kay Hesus, nais ipadama ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang dakilang pag-ibig. Ang Diyos ay magkakatawang-tao at mamumuhay bilang tao, katulad natin. Pero, bago makumpleto ang planong iyon, kinailangan ng Diyos na lumabas mula sa sinapupunan ng isang babae. Walang babaeng noong kapanahunang iyon ay naging marapat at kalugud-lugod sa Diyos upang maging Kanyang ina sa lupa. Isang babae lamang ang naging kalugud-lugod sa Diyos upang maging ina ng Mesiyas - si Maria. 

Ang fiat o ang pag-sang-ayon ng Mahal na Ina sa kalooban ng Diyos ay naging daan upang pumasok ang kaligtasan sa sanlibutan. Naging daan ang pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos upang pumasok ang Panginoong Hesukristo sa sanlibutan. Siyam na buwan na dadalhin ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan. Palalakihin ni Maria si Hesus hanggang sa pagsapit ng panahon kung kailan sisimulan ni Hesus ang Kanyang pangangaral. 

Malapit na ang Pasko. Ilang araw na lamang at Pasko na. Sa ating paglalakbay sa mga huling araw bago ang Pasko, lalung-lalo na sa Simbang Gabi, samahan natin ang Mahal na Birheng Maria. Ang siyam na araw ng Simbang Gabi ay sumasagisag sa siyam na buwan ng pagdadala ng Mahal na Birheng Maria sa Panginoong Hesus. Napakagandang pagnilayan ngayong mga huling araw bago sumapit ang Pasko ang pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos. 

Si Maria ay naging daan upang matupad ang plano ng Panginoon para sa kanya at sa buong sangkatauhan. Marapat lamang na parangalan natin si Maria para sa kanyang pagtalima at pag-sang-ayon sa kalooban ng Panginoong Diyos na maging ina ni Hesus sa lupa. Nawa'y tularan natin ang fiat ni Maria. Buong puso at lakas nawa tayong sumang-ayon at tumalima sa kalooban ng Diyos, katulad ni Maria.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming tumalima at sumang-ayon sa kalooban ng Amang Diyos nang may buong puso at pananalig, katulad ng Iyong Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Amen. 

Inang Maria, ipanalangin mo kami. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento