Linggo, Disyembre 7, 2014

SORPRESA NG MAHABAGIN AT MAAWAING DIYOS

Disyembre 17, 2014
Ikalawang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK) 
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17 



Kilala si Santo Papa Francisco ng mga tao ngayon, lalung-lalo na sa media, bilang isang Santo Papa ng mga sorpresa. Sa tuwing umiikot ang Santo Papa sa St. Peter's Square o sa tuwing may motorcade ang Santo Papa, may mga pagkakataon kung kailan pinapatigil niya ang popemobile upang batiin niya ang mga tao. May isang pagkakataon na kung saan binati ni Santo Papa Francisco ang isang taong may kakaibang kundisyon. Ang mukha ng taong iyon ay hindi magandang tingnan at malamang hindi natin iyon lalapitan. Pero, nilapitan siya ng Santo Papa Francisco at ipinadama niya sa taong iyon ang kanyang awa at habag sa kanya. Iilan lamang iyan sa mga sorpresa ng Santo Papa Francisco. 

Ang Diyos ay isang diyos ng mga sorpresa. Napakaraming sorpresa ang Diyos para sa atin. Isang halimbawa lamang ang Mabuting Balita ngayon. Napakinggan natin sa Mabuting Balita ang talaan ng mga ninuno ng Panginoong Hesukristo. Iilan sa mga ninuno ng Panginoong Hesus ay mga makasalanan. Hindi perpekto ang lahi ng Panginoong Hesus. May mga pagkakataon kung kailan nagkasala o naging mahina ang mga ninuno ni Hesus. 

Kung maaari lamang, maaaring magpakita lamang agad si Hesus. Hindi na Niya kinailangang magkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. Maaari na lamang dumating agad si Hesus mula sa langit nang hindi ipanganganak. Maaari Siyang dumating sa lupa taglay ang Kanyang kaluwalhatian. Si Hesus ang Diyos na makapangyarihan. Siya ang Ikalawang Persona ng Banal na Trinidad. Kung maaari at niloloob ng Diyos, maaaring bumaba sa lupa si Kristo nang hindi ipinapanganak. Maaaring magpakita si Kristo agad dito sa lupa na taglay ang Kanyang kapangyarihan at kasama ang Kanyang mga anghel. 

Pero, pinili ni Hesus na magpakababa at sorpresahin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao at pamumuhay bilang isang taong katulad natin. Hindi inaasahan ng sinumang tao na ang Diyos ay magkakatawang-tao at mamumuhay bilang isang tao. Alang-alang sa atin, ang Panginoon ay nagpakababa at nagkatawang-tao upang matupad ang Kanyang plano. Ipinapakita ni Hesus sa pamamagitan ng pagiging tao na Siya'y kaisa natin.

Makikita natin sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Hesus ang awa, habag at pagmamahal ng Diyos. Ang awa at malasakit ng Diyos sa atin ang nag-udyok sa Kanya upang sorpresahin tayo. Hindi natin ito inaasahan. Hindi natin inaasahan na ang Bugtong na Anak ng Diyos ay magkakatawang-tao at mamumuhay katulad natin. Ginawa at pinayagan ng Diyos na maging tao si Kristo at ipanganak ni Maria dahil sa Kanyang awa at habag sa atin. Nais ipadama ng Diyos sa atin ang Kanyang dakilang awa at habag sa ating mga makasalanan. 

Tunay ngang punung-puno ng mga sorpresa ang Diyos. Patuloy tayong sinosorpresa ng Diyos sa bawat araw. Ipinapadama sa atin ng Panginoong Diyos ang Kanyang awa at habag sa atin sa bawat sorpresa Niya sa atin. Ang pinakadakilang sorpresa ng Diyos sa ating lahat ay si Hesus - ang ating Tagapagligtas. Si Hesus ay sinugo ng Ama upang maging pinakadakilang regalo at sorpresa sa atin ngayong Pasko. 

Amang mapagmahal, salamat sa lahat ng mga sorpresa at regalo Mo sa amin, lalung-lalo na si Hesus, ang aming Tagapagligtas. Salamat sa pagsugo Mo kay Hesus sa amin upang maging Tagapagligtas namin. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento