Enero 1, 2015
Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21
Madalas kapag nagtatapos ang taon, mapapanood natin sa TV, mapapakinggan sa radyo, o mababasa natin sa dyaryo ang feng shui para sa susunod na taon. Ipinapaliwanag ng feng shui kung paano magiging maswerte ang isang tao para sa taon. Bilang tao, ayaw natin kasi malasin. Gusto natin kasi maging maswerte. Kaya, ang mga tao sa panahon ngayon ay nakatutok sa telebisyon, nakikinig sa radyo, o nagbabasa ng mga dyaryo sa katapusan ng taon upang malaman kung paano silang swswertehin sa susunod na taon.
Pero, bilang mga Katolikong Kristiyano, dapat ba tayong maniwala sa feng shui? Dapat ba tayong maniwala sa swerte o malas?
Ang tunay na Katolikong Kristiyano, hindi naniniwala sa swerte o malas. Bagkus, bilang mga Katolikong Kristiyano, naniniwala tayong lahat sa biyaya ng Diyos. Mas dakila ang biyaya ng Diyos kaysa sa swerte o malas. Walang masama ang idudulot ng biyaya ng Diyos. Puro kabutihan para sa ating lahat ang idudulot ng mga pagpapala at biyaya ng Diyos para sa atin.
Binibigyang-diin ng mga Pagbasa para sa Bagong Taong ito ang mga pagpapala at biyaya ng Diyos sa santinakpan. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na ang Diyos ay mahabagin at mapagpala. Tayong lahat ay pinagpapala, kinahahabagan, at pinapatnubayan sa bawat araw ng ating buhay. Sa pamamagitan ng habag at pagpapatnubay sa atin ng Diyos, tayong lahat ay pinagpapala Niya. Napakarami ang mga biyayang idinudulot ng Panginoong Diyos.
Ipinapahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang Panginoong Hesus ang pinakadakilang biyayang tinanggap ng sanlibutan. Ang Panginoong Hesus ay nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus, ang sansinukob ay nakatanggap ng isang dakilang biyaya mula sa Diyos. Alam ng Panginoong Diyos na magdudulot ng kabutihan para sa santinakpan ang pagkakatawang-tao at pagsilang ng Panginoong Hesus sa mundo.
Sa Mabuting Balita, napakinggan natin na dinalaw ng mga Pastol ang pinakadakilang biyaya ng Diyos sa sanlibutan - ang sanggol na Hesus sa sabsaban. Nakita nila ang kanilang Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon. Hindi isang pangkaraniwang sanggol ang sanggol na nakita nila sa sabsaban. Bagamat isinilang ang Sanggol na Hesus sa isang napaka-ordinaryong paraan, hindi Siya pangkaraniwan. Dahil magiging dakila ang Kanyang misyon sa sanlibutan. Ang Sanggol na dinalaw ng mga Pastol sa Betlehem ay si Kristo, ang Manunubos ng sangkatauhan.
Napakinggan po natin sa mga Pagbasa natin na walang hanggan ang biyaya ng Diyos. Patuloy tayong binibiyayaan ng Diyos sa bawat araw ng ating buhay. Ang Diyos ay isang diyos na puno ng mga biyaya at pagpapala. Walang dahilan upang mawalan tayo ng pananalig sa mga biyaya at pagpapala ng Diyos sa atin. Dahil ang mga biyaya ng Diyos ay siksik, liglig at umaapaw.
Ang Mahal na Birheng Maria ay isang huwaran para sa ating mga Katolikong Kristiyano. Sa simula ng taong 2015, atin pong tularan ang Mahal na Birheng Maria sa pananalig sa mga biyaya at pagpapala ng Diyos. Bagamat mahirap ang pananagutan niya bilang ina ng Panginoong Hesukristo, hindi siya nawalan ng pananalig sa walang hanggang biyaya ng Diyos. Nananalig si Maria na patuloy siyang pagpapalain at papatnubayan ng Panginoon, anuman ang mangyari sa kanya o kay Hesus.
O Panginoong Diyos, marami pong salamat sa Iyong mga pagpapala at biyayang ipagkaloob po Ninyo sa amin noong nakaraang taon. Patuloy nawa Ninyo kaming pagpalain, kahabagan, at patnubayan sa bagong taong ito at sa mga taong darating. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento