Linggo, Enero 4, 2015

PATUNGO KAY HESUKRISTO

Enero 4, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12 



Ginugunita ng Solemnidad na ipinagdiriwang natin ngayon ang paghahanap ng tatlong pantas (na mas kilala nating mga Pilipino bilang tatlong hari) sa sanggol na Hesus. Hinahanap ng tatlong Pantas ang Banal na Sanggol na si Hesus. Ang tala mula sa silangan ang gumabay sa tatlong pantas sa kinaroroonan ng Sanggol na Hesus. Ang talang maningning mula sa langit ang siyang gumagabay at umaakay sa tatlong Pantas patungo sa Panginoong Hesukristo, ang Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban ng Betlehem. 

Naglakbay ang tatlong Pantas na ito mula sa malalayong lugar upang sambahin si Hesus. Si Hesus ang tunay na hari, ang hari ng mga hari. Alam ng mga Pantas na walang makahihigit pa kay Hesus. Si Hesus ang haring ipinangako susuguin ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Si Hesus ang pinakadakilang hari na nabubuhay magpahanggang ngayon at magpakailanman. Walang hari ang makakatapat sa paghahari ni Hesus. 

Si Hesus mismo ang nagpahayag sa aklat ng Pahayag na Siya ang Alpha at Omega - ang simula at ang katapusan. Sa Kanya tayo nagmula at sa Kanya tayo babalik sa wakas ng ating buhay at sa wakas ng panahon. Ang ating buhay dito sa lupa ay isang paglalakbay. Naglalakbay dito sa lupa, tulad ng paglalakbay ng tatlong Pantas. Ang simula at ang hantungan ng ating paglalakbay dito sa lupa ay si Hesus. 

Bagamat hindi mula sa bayang Israel ang mga Pantas na ito, dumalaw pa rin sila upang sambahin si Kristo. Inakay sila ng tala ni Kristo patungo sa bayang Israel. Ang ipinahihiwatig ng pagdalaw ng mga pantas sa Panginoon sa Betlehem na ang misyon ng Panginoon ay hindi lamang para sa kaligtasan ng bayang Israel. Naparito ang Panginoon upang iligtas ang buong sangkatauhan, anuman ang lahi ng isang tao. Hindi na exklusibo ang Diyos para sa isang bayan. 

Matagal nang hinintay ang bayang Israel ang Tagapagligtas. Subalit, hindi nila pinansin ang talang gumagabay patungo kay Hesukristo, ang Tagapagligtas. Hindi nila pinansin ang Banal na Sanggol, ang Panginoong Hesukristo, na isinilang sa sabsaban. Kahit alam ng mga punong saserdote at mga eskriba sa Ebanghelyo ang mga propesiya sa Matandang Tipan patungkol sa Mesiyas, hindi nila pinansin ang tala na aakay sa kanila patungo sa Mesiyas. 

Ang mga Pantas, na kumakatawan sa mga Hentil, ay pumunta sa Israel upang hanapin ang bagong haring isinilang - si Hesus. Bagamat mga Hentil sila, hinanap nila kung nasaan ang kinaroroonan ng Sanggol na Hesus. Nadinig nila ang mga propesiya at pinag-aralan nila ang mga bituin sa langit. Ang talang maningning ay ang talang sinunod nila sapagkat ang talang iyon ang aakay sa kanila patungo sa kinaroroonan ng Mesiyas na isinilang sa sabsaban. 

Nagdulot ng malaking kagalakan sa mga Pantas ang muling pagkakita sa talang gumabay sa kanila patungo sa lugar na kung saan isinilang ang Panginoong Hesus. Mas lalo silang nagalak nang makita nila ang Sanggol na Hesus na kalong-kalong ng Mahal na Birheng Maria. Pagkatapos ng matagal na paglalakbay mula sa silangan, natagpuan nila sa wakas ang bagong haring isinilang - si Hesus. Si Hesus ang nagdulot ng kagalakan sa mga Pantas matapos ang kanilang mahabang paglalakbay. 

Tinahak ng mga Pantas ang landas patungo kay Hesukristo. Sa katapusan ng kanilang matagal at mahabang paglalakbay, natagpuan ang kanilang sadya - si Hesus. Si Hesus ang dahilan ng pagsisimula ng kanilang paglalakbay; si Hesus din ang dahilan ng wakas ng kanilang paglalakbay. Nawa'y sikapin natin sa ating paglalakbay dito sa lupa na hanapin si Hesus. Hindi tayo manghihinayang kapag susundan natin ang tala at landas patungo kay Hesus. Sapagkat sa pagwawakas ng ating paglalakbay patungo kay Hesus, tayo ay magkakaroon ng malaki at matinding kagalakan. 

Panginoong Hesus, gabayan Mo kami sa landas patungo sa Iyo upang maging wagas ang aming kagalakan sa katapusan ng aming paglalakbay. Amen. 

REFLECTIVE SONG: "Munting Sanggol" 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento