Sabado, Enero 31, 2015

PAGPAPALAYAS NG DEMONYO: PAGPAPAMALAS AT PAGPAPATUNAY NG HABAG AT MALASAKIT

Pebrero 1, 2015 
Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Deuteronomio 18, 15-20/Salmo 94/1 Corinto 7, 32-35/Marcos 1, 21-28 



Apat na taong ang nakalipas magmula noong pinalabas ng Jesuit Communications Foundation Inc. (JESCOM) sa ABS-CBN noong Mahal na Araw 2011 ang dokumentaryong, "Liwanag sa Dilim." Sa dokumentaryong ito, itinalakay ang pagpapalayas ng masamang espiritu (exorcism). Tampok sa dokumentaryong ito sina Fr. Jose Francisco (Jocis) Syquia ng Arkidiyosesis ng Maynila, Fr. Jojo Zerrudo ng Diyosesis ng Cubao, at ang Kanyang Kabunyian Luis Antonio G. Kardinal Tagle (na noon panahong yaon ay Obispo siya ng Diyosesis ng Imus). 

Maganda ang sinabi ni Fr. Jojo Zerrudo patungkol sa pagpapalayas ng mga demonyo. Bahagi ng misyon ni Hesus dito sa lupa ang pagpapalayas ng mga demonyo. Sa mga sinoptikong Ebanghelyo (salaysay ng Mabuting Balita ayon kina San Mateo, Marcos at Lucas), may mga bahagi sa buhay ni Hesus kung saang nilalapitan Siya ng mga taong inaalihan ng demonyo. Si Hesus pa nga ay tinukso ng demonyo sa ilang. Hindi naging ligtas si Hesus sa kapangyarihan ng demonyo noong Siya ay namumuhay dito sa lupa. Ilang ulit Niyang nakatagpo ang kapangyarihan ni Satanas.  

Ginagamit ng Panginoong Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang palayasin ang mga demonyo mula sa mga sinasapian nito. Subalit, ayon kay Fr. Jojo Zerrudo, higit pa sa pagpapamalas ng kapangyarihan ang ginagawa ng Panginoong Hesukristo sa tuwing pinapalayas ang mga demonyo mula sa mga taong sinasapian ng demonyo. Ipinapamalas ni Kristo sa bawat pagpalayas sa mga demonyo ang Kanyang awa, pag-ibig at malasakit sa sinasapian at inaalipin ng demonyo. 

Si Hesus ay naawa at nahahabag sa mga sinasapian ng demonyo. Mahal na mahal ni Hesus ang inaalipin ng demonyo. Hindi papayagan ni Hesus na hamakin pa ng demonyo ang inaalihan nito. Nasasaktan si Hesus kapag nakikita Niyang hinahamak at inaalipin ng demonyo ang isang tao. Kaya, ginagamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan upang palayain ang taong inaalihan ng demonyo mula sa mga tanikala at pag-uusig ng demonyo sa kanya. Sa pamamagitan nito, ipinapadama ni Hesus ang Kanyang habag at malasakit sa inaalihan ng demonyo. 

Noong nakaraang buwan ay nasaksihan nating mga Pilipino ang makasaysayang pagdalaw ng Santo Papa Francisco sa ating bansang Pilipinas. Ang tema ng pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas ay "Habag at Malasakit." Sa loob ng apat na araw ng pananatili ng Mahal na Santo Papa sa ating bansa, ipinadama niya sa ating lahat, lalung-lalo na ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte ang awa at malasakit ng Panginoon. Ang bikaryo ni Kristo, ang kumakatawan sa Mabuting Pastol, ay bumisita sa ating bansa upang ipadama sa atin ang habag at malasakit ng Mabuting Pastol - ang Panginoong Hesukristo. 

Isinasalaysay ng Mabuting Balita ngayong Linggong ito ang habag at malasakit ni Hesus sa lahat. Mahal na mahal tayong lahat ni Hesus. Hinding-hindi Niya tayo pababayaang alipinin, hamakin o saktan ng demonyo. Bilang Mabuting Pastol, nakahanda ang Panginoong Hesus na gawin ang lahat upang palayain tayong lahat, mga tupa Niya, mula sa tanikala ng demonyo. Tayong lahat ay pinapalaya ni Kristo mula sa pagkaalipin at paghamak ng demonyo sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento