Sabado, Enero 24, 2015

TAWAG SA PAGBABAGONG-BUHAY

Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jonas 3, 1-5. 10/Salmo 24/1 Corinto 7, 29-31/Marcos 1, 14-20 


Kapag hindi pumapatak sa araw ng Linggo ang ika-25 ng Enero, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo. Subalit, dahil pumatak sa araw ng Linggo ang ika-25 ng Enero ngayong taon, isinantabi muna ng Simbahan ang Kapistahang iyon upang bigyang-daan ang Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon. Mapapakinggan din po natin ang tema ng pagbabagong-buhay sa mga Pagbasa natin ngayong araw ng Linggo. 

Si Propeta Jonas ay nangaral sa mga taga-Ninive sa Unang Pagbasa. Siya rin ay nakaranas ng tawag mula sa Panginoong Diyos na ipahayag sa mga taga-Ninive na gugunawin ng Diyos ang kanilang bayan kapag hindi sila nagsisi. Noong una, sinuway ni Jonas ang utos ng Diyos at sumakay ng barkong papuntang Tarsis dahil akala niyang matatakasan niya ang Diyos. Pero, nagbago si Jonas at sumunod sa utos ng Diyos dahil sa kanyang karanasan noong ihagis siya mula sa barko at paglulon sa kanya ng dambuhalang isda. 

Hindi lang si Jonas ang nagkaroon ng pagbabagong-buhay sa Unang Pagbasa. Ang mga taga-Ninive ay nakaranas ng pagbabagong-buhay. Ang tawag ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ni propeta Jonas ang nag-udyok sa mga taga-Ninive at magbalik-loob sa Diyos. Tinalikuran ng mga taga-Ninive mula sa makasalanang pamumuhay at nagbalik-loob sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin. Dahil doon, hindi tinuloy ng Diyos ang planong wasakin ang bayan ng Ninive.

Ang Ebanghelyo ngayong araw ng Linggo ay nagsimula sa pamamagitan ng pagtawag ni Hesus sa lahat ng tao na magsisi at magbalik-loob dahil malapit na ang paghahari ng Diyos. Tinatawag ni Hesus ang lahat upang talikuran ang masama at magbalik-loob sa Diyos. Ganun din ang mensahe ni San Juan Bautista noong nangaral siya sa Ilog Jordan. Ang Diyos Anak na si Hesus ang tumatawag ngayon sa lahat ng tao upang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos Ama. Sa simula ng pangangaral ni Hesus, tinatawag Niya ang lahat na magbalik-loob sa Diyos. 

Natunghayan at napakinggan din natin sa Ebanghelyo na tinawag ni Hesus ang mga una Niyang alagad. Ano ang hanap-buhay ng mga unang alagad ng Panginoon? Pangingisda ang hanap-buhay ng mga unang alagad ng Panginoon. Sina San Pedro Apostol, San Andres Apostol, Santiago Apostol, at San Juan Apostol. Kahit hindi sila nag-aral, pinili pa rin sila ni Kristo upang maging mga alagad Niya. Ang mga hindi karapat-dapat ay pinili ni Kristo na maging alagad Niya. 

Ang mga unang alagad ng Panginoong Hesus ay nakaranas ng matinding pagbabago sa kanilang buhay. Tinawag ang apat na mangingisdang ito ng Panginoon na maging mga alagad Niya. Ang pagtawag sa kanila ng Panginoong Hesukristo ay isang pagtawag sa pagbabagong-buhay. Iniwan nila ang dati nilang buhay, ang kanilang hanap-buhay, upang sumunod kay Hesus. Ang buhay nina San Pedro Apostol, San Andres Apostol, Santiago Apostol, at San Juan Apostol ay nagbago dahil kay Hesus. 

Tinatawag tayong lahat ng Panginoon na magbagong-buhay. Ano ang ating tugon sa pagtawag ng Panginoon sa atin? Nawa'y tularan natin ang mga taga-Ninive at ang mga unang alagad ni Kristo. Bagamat hindi sila karapat-dapat, tinawag pa rin sila ng Panginoong Diyos na magbagong-buhay. Iniwan nila ang dati nilang buhay, at sumunod sa kalooban ng Panginoon. Huwag nating salungatin ang tawag sa pagbabagong-buhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento