Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (B)
Isaias 42, 1-4. 6-7 (o kaya: Isaias 55, 1-11)/Salmo 28 (o kaya: Isaias 12)/Mga Gawa 10, 34-38 (o kaya: 1 Juan 5, 1-9)/Marcos 1, 7-11
Madalas na inaakala nating mga Katoliko na nagtatapos ang kapanahunan ng Kapaskuhan sa pagsapit ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakilala ng Panginoon (Epifania). Pero, ang hindi nating maintindihan ay kung bakit sa araw na ito ay nagtatapos ang kapanahunan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ayon sa kalendaryo ng ating Simbahan. Ang dahilan nito ay dahil ang Panginoong Hesus ay nasa sapat na gulang na sa sandaling Siya'y bininyagan ni San Juan Bautista sa Ilog-Jordan. Bakit nga ba nagtatapos ang kapanahunan ng Kapaskuhan ngayon?
Sa araw na ito, ginugunita natin ang muling pagpapakilala ng Diyos Ama sa Diyos Anak. Ipinakilala ng Amang nasa langit na si Hesus ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Mahal na mahal at lubos na kinalulugdan ng Diyos Ama ang Diyos Anak. Si Hesus ay muling ipinakilala ng Ama sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagbibinyag sa Kanya.
Bago bininyagan si Hesus ni San Juan Bautista, ipinakilala na Siya ni San Juan Bautista. Sa mga pangangaral ni San Juan Bautista, ipinangaral niya na si Hesus ang Mesiyas na hinhintay ng bayang Israel. Sabi pa nga niya sa Ebanghelyo kahapon, "Dapat Siya (si Hesus) ay maging dakila, at ako nama'y mababa." (Juan 3, 30) Mapapakinggan din natin sa Ebanghelyo ni San Juan na binigyan si San Juan Bautista ng palatandaan kung sino ang Mesiyas - ang pagpapanaogan ng Espiritu Santo (Juan 1, 33).
Noong itinanong si San Juan Bautista tungkol sa kanyang sarili, sinabi niyang hindi siya ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Alam ni San Juan Bautista kung sino siya at kung sino ang Mesiyas. Ang darating na kasunod niya - si Hesus - ang Mesiyas. Si Hesus ang hinihintay ng bayang Israel. Bagamat si Hesus ay hindi kinilala ng bayang Israel, si Hesus ang Mesiyas na hinintay ng bayang Israel sa loob ng matagal na panahon.
Alam din ni Hesus kung bakit Siya naparito dito sa lupa. Alam din ni Hesus kung sino Siya. Si Hesus ang Mesiyas, ang lingkod na hinirang ng Diyos at ipinadala sa Kanyang bayan upang sila'y iligtas. Natupad ang propesiya ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa sa pamamagitan ni Hesus. Si Hesus ay ang lingkod ng Diyos na nagpakababa. Bagamat si Hesus ay Diyos at hindi na kinailangang binyagan, nagpakadukha Siya at naging kaisa natin. Kalooban din iyon ng Panginoong Diyos. Si Hesus, bilang Anak ng Ama, ay tumalima at sumunod sa kagustuhan ng Ama.
Tanungin natin ngayon ang ating mga sarili: Sino ba ako? Sino ka? Pagnilayan natin ang katanungang ito. Alam mo ba kung sino ka? Alam mo ba ang lahat tungkol sa inyong sarili? Kung may mga bagay tayong hindi alam tungkol sa ating mga sarili, iisa lamang ang may nakakaalam - ang Diyos. Kilalang-kilala tayo ng Diyos. Alam ng Diyos ang lahat ng mga bagay tungkol sa ating mga sarili.
Ipinapahiwatig ng Ebanghelyo natin ngayon na kilalang-kilala tayo ng Diyos. Katulad ng pagkakilala ng Ama kay Hesus sa Ilog-Jordan, kilalang-kilala Niya tayo. Bagamat tayong lahat ay mga abang makasalanan, kinikilala pa rin tayo ng Diyos bilang mga anak Niya. Ang awa at malasakit ng Panginoon ang dahilan ng pagtanggap sa ating lahat bilang mga anak Niya, sa kabila ng ating mga pagsuway sa Kanya.
O Diyos, maraming salamat sa pagkakilala Mo sa amin bilang Iyong mga anak, sa kabila ng marami naming pagsuway sa Iyo. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento