Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17
(screencap courtesy: www.quiapochurch.com)
Ang tema po para sa Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ngayong taon ay, "Espiritu ng Poong Jesus Nazareno: Awa at Habag sa Dukhang Simbahan." Ang tema ngayon ay batay sa tema ng pagbisita ng Santo Papa Francisco sa darating na Enero 15-19, 2015 (Huwebes-Lunes) at sa pagdeklara ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas (CBCP) sa taong 2015 bilang Taon ng mga Dukha. Pagninilayan po natin ngayong Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ang pagiging maawain at mahabagin ng Panginoong Hesus Nazareno.
Buong buhay ni Hesus Nazareno, Siya'y namuhay bilang mahabagin at maawain sa lahat ng tao. Naawa at nahabag si Hesus Nazareno sa mga maysakit, may ketongin, at marami pang iba. Isang araw, pinagaling ni Hesus Nazareno ang isang ketongin dahil sa Kanyang awa at habag sa ketongin. Ang hiling ng ketongin sa Panginoong Hesus Nazareno, "Kung niloloob po Ninyo, pagalingin po Ninyo ako." (Mateo 8, 2; Lucas 5, 12) Dahil sa awa at habag ni Hesus Nazareno sa ketongin, pinagaling Niya ang ketongin at naging malinis siya uli.
Marami ding pinagaling si Hesus Nazareno dahil sa Kanyang awa at habag. Noong isang araw sa buhay ni Hesus Nazareno dito sa lupa, may isang babaeng matagal nang dinudugo (woman with hemorrhage). Bagamat pumunta ang babaeng ito sa iba't ibang doktor, hindi pa rin siya gumaling. Walang doktor ang makakapagpagaling sa babaeng ito. Kaya't nanalig ang babaeng matagal nang dinudugo na ang Panginoong Hesus Nazareno mismo ang kanyang tanging pag-asa upang gumaling. Nanalig siya na kung mahawakan man lamang niya ang tela ng damit ni Hesus Nazareno ay gagaling siya. Ganun nga ang nangyari.
Noong maramdaman ng Panginoong Hesukristo na may kapangyarihan na nawala sa Kanya, tinanong Niya kung sino ang humipo sa Kanya, bagamat napakaraming tao ang nagsiksikan. Inamin ng babaeng matagal nang dinudugo na siya ang humipo sa Panginoong Hesus. Ano ang nakita ng babaeng matagal nang dinudugo sa mata ni Hesus noong inamin niya ang katotohanan? Nakita ng babaeng matagal nang dinudugo ang mga maawain at mahabaging mata ni Hesus. Sinabihan din siya ni Hesus na siya'y pinagaling dahil sa kanyang pananalig (Mateo 9, 18-26; Marcos 5, 21-43; Lucas 8, 40-56).
Habag at awa sa mga abang makasalanan ang dahilan ng pagparito ni Hesus Nazareno dito sa sanlibutan. Naparito si Hesus Nazareno upang maging Tagapagligtas natin, mga abang makasalanan dito sa mundo. Tayong lahat, bago pumarito si Hesus Nazareno sa sanlibutan, ay namuhay bilang mga alipin ng kasamaan at kasalanan. Ang pagparito ni Hesus Nazareno sa sanlibutan ay nagdulot sa atin ng kalayaan upang paglingkuran Siya bilang ating Panginoon at Diyos.
Pinatunayan ng Panginoong Hesus Nazareno ang Kanyang habag at awa sa atin sa pamamagitan ng pagpasan ng krus. Kung titingnan po natin ang larawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa altar mayor ng Basilica Minore sa Quiapo, makikita natin na bumabangon si Hesus Nazareno mula sa Kanyang pagkadapa at hindi Siya sumusuko dahil sa Kanyang pagdapa. Ang pagbangon ng Mahal na Poong Hesus Nazareno mula sa Kanyang pagkadapa na buhat-buhat pa ang krus ang nagpapatunay sa Kanyang awa at habag sa santinakpan.
Tayong mga Pilipinong Deboto ng Poong Hesus Nazareno ay naaakit sa awa at habag ng Mahal na Poong Nazareno. Kaya tayo mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno dahil sa Kanyang awa at habag sa ating lahat. Ang pagpasan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa Krus ay ang pagpapadama at pagpapatunay sa habag at awa ng Panginoon sa atin. Kung hindi dahil sa awa at habag ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa atin, hindi Niya papasanin ang mabigat na Krus alang-alang sa ating lahat, mga abang makasalanan.
Ngayong taong ito ay Taon ng mga Dukha. Kasabay nito, dadalaw ang Santo Papa sa ating bansa sa darating na Huwebes, Enero 15. Ang tema ng apostolikong pagdalaw ni Papa Francisco sa Pilipinas ay, "Habag at Malasakit." Katulad ng Panginoong Hesus Nazareno, ipadama natin sa isa't isa ang awa at malasakit ng Diyos. Ipinadama sa atin ni Hesus Nazareno ang Kanyang habag at pagdamay. Bilang mga deboto ng Poong Hesus Nazareno, ating ipadama sa isa't isa, lalo na sa mga maralita, ang habag at malasakit ng Diyos.
Bilang pagtatapos sa ating pagninilay, ating pagnilayan sa katahimikan ang mga salita ng Panginoon mula sa ika-25 kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo,
"Anuman ang kabutihan na ginagawa/hindi ninyo ginagawa sa abang mga kapatid Kong ito, ito ay ginawa/hindi ninyo ginawa sa Akin." (Mateo 25, 40. 45)
Manalangin tayo:
O Panginoong Hesus Nazareno, tulungan Mo po kaming maging maawain at mahabagin katulad Mo. Amen.
REFLECTIVE SONG: "Poong Hesus Nazareno Naming Mahal"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento