Linggo, Oktubre 12, 2014

ANG LAHAT AY INAANYAYAHAN SA PIGING NG KORDERO

Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22, 1-10) 


Ipinahihiwatig ng Panginoong Hesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo na ang lahat ng tao'y inaanyayahan sa Kanyang piging. Banal man o makasalanan, ang lahat ay inaanyayahan ng Panginoon upang maging kasalo Niya sa Kanyang piging. Ang piging ng Panginoon ay para sa lahat ng tao. Walang pinipili ang Panginoon. Bukas ang piging ng Panginoon para sa lahat ng tao. Walang exklusibo sa piging ng Panginoon. Sa hapag na inihanda ng Panginoon, tayong lahat ay inaanyayahan upang maging kasalo Niya. 

Sa Ebanghelyo, inilalarawan ni Hesus ang dalawang uri ng taong inanyayahan. Ang una ay ang mga taong talagang pinili at inanyayahan ng hari sa kasalan ng kanyang anak na lalaki. Ang mga talagang inanyayahan sa kasalan ay hindi nakinig sa mga alipin ng hari. Mas mahalaga para sa kanila ang kani-kanilang mga gawain kaysa sa paanyaya ng hari. Pinalad na nga sila na makasalo ang hari at ang kanyang anak na ikakasal, pero ayaw pa rin nilang pumunta. Hindi sila nakinig sa mga alipin ng hari. Para sa mga inanyayahan, mas mahalaga ang kanilang mga gawain kaysa pumunta sa kasalan ng anak na lalaki ng hari. 

Ganito rin ang ginawa ng mga tao bago dumating ang Panginoong Hesukristo sa mundo. Ang Diyos ay pumili ng mga propeta at sila'y isinugo Niya upang anyayahan ang mga tao upang tanggapin ang Mesiyas na walang iba kundi si Hesukristo. Bago dumating si Kristo sa sanlibutan, ang mga propeta'y isinugo ng Diyos upang ipaghanda ang mga tao nang sa gayon ay tanggapin nila si Kristo sa Kanyang pagdating sa sanlibutan. Pero, hindi pinansin ng mga tao ang mga sinabi ng mga propeta. Iilan sa kanila ay humamak at pumatay sa mga propetang isinugo ng Diyos. 

Ang ikalawang grupo naman ay ang mga taong nasa lansangan. Mga dukha ang mga taong nasa ikalawang grupo. Hindi sila karapat-dapat sa paningin ng mundo. Pero, inanyayahan pa rin sila ng hari. Kahit puro mahihirap at dukha ang mga inaanyayahan ng hari sa kasalan ng kanyang anak, sila'y inanyayahan pa rin ng hari upang ipagdiwang ang kasal ng kanyang anak. Hindi tinigil ng hari ang kasalan noong hindi tinanggap ng unang grupo ang kanyang paanyaya sa kasalan ng kanyang anak na lalaki. 

Maihahalintulad natin ang ikalawang grupo sa mga Hentil. Tayong lahat. Hindi tayo kabilang sa bayang hinirang ng Diyos. Hindi tayo karapat-dapat na tawagin at anyayahan ng Diyos. Pero, dahil sa grasya at awa ng Diyos sa atin, inanyayahan pa rin Niya tayo. Walang makakapigil sa Diyos na tayo'y anyayahan. Buong puso nawa nating tanggapin ang paanyaya ng Diyos. Nawa'y tanggapin natin ang paanyaya ng Diyos na makasalo Siya sa Kanyang piging. Bagamat hindi tayo karapat-dapat, inaanyayahan pa rin tayo ng Diyos at ginagawa Niya tayong karapat-dapat na makasalo Siya sa Kanyang piging.

Walang hindi inaanyayahan sa hapag ng Panginoon. Ang lahat ng tao'y inaanyayahan upang makasalo ang Panginoon sa Kanyang piging. Nawa'y tanggapin natin ang paanyaya ng Panginoon na maging kasalo Niya sa Kanyang piging nang buong puso at kaluluwa. Ito'y isang magandang paanyaya mula sa Panginoon. Bagamat tayo'y hindi karapat-dapat dahil mga makasalanan tayo, inaanyayahan pa rin tayo ng Diyos. Walang makakapigil sa Panginoon upang anyayahan tayo sa Kanyang pagdiriwang.

Hinihintay tayo ng Panginoon. Hindi Niya tayo pipilitin. Pero, isang magandang paanyaya ito mula sa Panginoon. Hinihintay ng Panginoon ang ating tugon sa Kanyang paanyaya. Ang tanong ngayon ay kung paano ba tayo tutugon sa paanyayang ito. Tatanggapin ba natin ang paanyaya ng Panginoon, o kaya'y hindi natin ito papansinin?

REFLECTIVE SONG: "Sa Hapag ng Panginoon" by Bukas Palad Music Ministry 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento