Sabado, Oktubre 18, 2014

PAGMAMAHAL SA DIYOS AT BAYAN

Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 45, 1. 4-6/Salmo 95/1 Tesalonica 1, 1-5b/Mateo 22, 15-21 



Sa kapanahunan ni Hesus, ang mga Israelita ay namuhay sa pamumuno ng mga Romano. Ilan sa mga Israelita ay nagtrabaho para sa imperyo ng Roma bilang mga publikano. Galit na galit ang mga Israelita sa mga Romano dahil sa kalupitan ng mga Romano sa kanila. Kung kaya ay maraming mga Israelita ay bumalak na maghimagsik laban sa Roma. Galit na galit din ang mga Israelita sa mga maniningil ng buwis dahil ipinagkanulo ng mga maniningil ng buwis ang kanilang bayang Israel. Hindi nila itinuturing na kababayan ang mga publikano dahil sa ginawang pagkakanulo ng mga publikano sa bayang Israel. 

Ang mga kalaban ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon ay naghahanap ng kaso laban kay Hesus. Galit na galit sila kay Hesus. Balak nilang patayin si Hesus. Kaya, nagpulong sila at pinag-isipan kung paano nila mahuhuli si Hesus na nagsasalita ng masama. Inisip nila ang pinakamahirap na tanong na kung saan ay posibleng mahirapan si Hesus. Walang tamang sagot sa katanungan nila kay Hesus. Itatanong nila kay Hesus kung dapat nga bang magbayad ng buwis sa Cesar, ang Emperador ng Roma, o hindi dapat gawin iyon. 

Kapag ang sagot ng Panginoon ay oo, dapat magbayad ng buwis sa Emperador, sasabihin nila na ipinagkakanulo ng Panginoon ang Israel. Isang traydor ang Panginoon kapag pumayag Siya sa pagbabayad ng buwis. Pero kapag sinabi naman ng Panginoon na bawal ang pagbayad ng buwis kay Cesar, Siya'y isang nanghihimagsik. May kaso na ang mga kalaban ni Kristo laban sa Kanya. Kapag "oo" o "hindi" ang sagot ng Panginoon, may kaso ang mga kalaban Niya laban sa Kanya upang Siya'y dakipin at patayin. Bistado na ang Panginoon. Isa itong delikado o mapanganib na posisyon para sa Panginoon.

Batid ni Hesus ang iniisip ng Kanyang mga kaaway. Alam ni Hesus ang dahilan ng kanilang pagtanong sa Kanya tungkol sa isyung ito. Alam din ni Hesus ang dahilan ng kanilang pagbati sa Kanya ng mga mabubuting salita tungkol sa Kanya. Hindi sila nagtatanong nang kusang-loob. Nagtatanong ang mga kalaban ni Hesus upang subukin Siya at nang mahulog si Hesus sa bitag na pinagplanuhan nila. Kahit ano pang mga magagandang salita ang gamitin ng Kanyang mga kalaban, hindi nila mabibilog ang ulo at isipan ni Hesus. 

Ano ang sagot ni Hesus sa katanungang ito? Tatlong bagay ang ginawa ni Hesus bilang sagot sa katanungan ng Kanyang mga kalaban. Una, humingi si Hesus ng isang denaryo. Pangalawa, Siya naman ang nagtanong sa kanila kung ano ang itsura ng isang denaryo. Magtataka siguro tayo, bakit ba ito gagawin ni Hesus? Hindi ba Niya alam kung ano ang itsura o nilalaman ng isang denaryo bilang isang Israelita? Hindi. Alam ito ni Hesus bilang isang Israelita. Binabalik ni Hesus ang tanong sa mga kalaban Niya. 

Pangatlo, sinabi ni Hesus na ibigay kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Bilang mga mamamayan, kailangang magbigay-galang at mahalin natin ang ating bansa. Kinakailangang magkaisa at magtulungan tayo sa ikauunlad ng ating bayan. Hindi lamang ang pulitiko ang may pananagutan sa bayan. Kinakailangang tulungan natin sila. Kailangang ipaliwanag natin kung ano ang mga ginagawa nila ay tama o mali. Ang mga problema sa ating bansa ay hindi lamang mga problema ng mga pulitiko, problema ng lahat ang problema ng bayan. Kaya, kinakailangang mag-tulungan tayo para sa bayan. 

Ibigay sa Diyos ang para sa Diyos. Hindi lahat ng bagay ay para sa bayan. May mga bagay na dapat nating ibigay sa Diyos. Ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay. Nilikha Niya ang langit at lupa. Nilikha tayong lahat ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang mga bansa sa mundo. Hindi lamang sa bayan dapat tayo magbigay galang. Dapat ibigay natin ang lahat ng paggalang sa Diyos. Ang Diyos ang may-ari sa lahat ng bagay. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay na nakikita natin sa mundo, at Siya ang tunay na may-ari ng lahat ng ito. 

Paano nating ipapakita ang ating paggalang sa Diyos? Sa pamamagitan ng pananalangin at pagmamahal sa Kanya. Kinakailangang sundan natin ang Kanyang mga utos. Minamahal tayo ng Diyos, dapat din natin Siyang mahalin. Dapat nating ipakita ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal, pagsamba at pagsunod sa Kanya. Ang Diyos ang unang nagmahal sa ating lahat, dapat nating ipakita ang ating paggalang at pagmamahal sa Kanya. Nararapat lamang na gawin natin ito para sa Diyos. 

Bilang mga Laykong Pilipino, hinahamon tayo ng Ebanghelyo ngayong Linggo ng Misyon na magbigay ng paggalang at pagmamahal sa Diyos at bayan. Kinakailangang mahalin natin ang Diyos na higit sa lahat ng bagay. Ang Diyos ang pinakadakila sa lahat. Siya ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay. Kaya, dapat igalang natin ang mga nilikha ng Diyos at ang ating bayan. Sapagkat nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa pamamagitan ng ating paggalang at pagmamahal sa lahat ng mga nilikha ng Diyos, lalung-lalo na sa ating bayan, ipinapakita din natin ang ating pagmamahal at paggalang sa Diyos. 

Panginoon, tulungan Mo kami upang magbigay-galang at mahalin Ka namin sa pamamagitan ng pagmamahal at paggalang sa lahat ng Iyong mga nilikha, lalung-lalo na ang aming bayan. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento