Linggo, Agosto 3, 2014

ANG KALUWALHATIAN NI KRISTO

Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9 



Isa sa mga tatlong alagad na isinama ng Panginoong Hesukristo noong Siya ay nagbagong-anyo ay si Apostol San Pedro. Nagsalita si Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kaluwalhatian ni Kristo. Sa pagbabagong-anyo ni Kristo sa Bundok Tabor, naniwala ang mga alagad na tungkol sa Kanya ang mga isinulat ng mga propeta. Ang mga propeta ng Matandang Tipan ay nagpahayag tungkol sa Mesiyas, ang Tagapagligtas na hinihintay ng bayang Israel. Natupad ang lahat ng ito sa katauhan ni Hesus - ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. 

Sa pagbabagong-anyo ng Panginoon, makikita natin ang isang kasulyapan sa Kanyang kaluwalhatian. Pero, bago Niya makamit ang kaluwalhatian, kinailangan ng Panginoon na magpakasakit, mamatay at muling mabuhay. Sa pamamagitan ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon, nakamit ng Panginoon ang Kanyang kaluwalhatian. Hindi ito magiging madali para sa Panginoong Hesus. Para kay Hesus, kinakailangang magdaan Siya ng hirap upang makamit Niya ang tagumpay. Hindi basta-basta mararating ang tagumpay nang gayon na lamang. 

Pero, ang pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesus ay isang sulyap lamang sa Kanyang kaluwalhatian. Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoon ay isa sa mga mahalagang pangyayari sa Kanyang buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo, binibigyan ng Panginoon ng idea kung ano nga ba talaga ang Kanyang sadya dito sa mundo. Hindi Siya palibot-libot lang dito sa mundo. May sadya ang Panginoon sa sanlibutan. May misyon ang Panginoon. Naparito Siya dito sa sanlibutan dahil sa isang napakaimportanteng gawain. 

Ang Panginoon ay naparito upang iligtas ang sangkatauhan. Hindi ito isang madaling gawain para sa Panginoon. Napakasakit ito para sa Panginoong Hesus. Masakit ang mga pakong ipapako sa Kanyang mga kamay. Pero, pinili pa rin ni Hesus na tiisin ang mga ito alang-alang sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis, nakamit Niya ang Kanyang kadakilaan. Nakamit ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis ang Kanyang tagumpay. Ang tagumpay ni Hesus ay atin ding tagumpay. 

Kaya nga, may isang kasabihan, "No pain, no gain." Walang hirap, walang tagumpay. Ang Panginoon ay nakalaan upang magtiis ng kahirapan alang-alang sa sangkatauhan. Pero, hindi natatapos doon ang misyon ni Hesus. Muli Siyang mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo, binibigyan tayo ng Panginoon ng isang kasulyapan sa Kanyang kaluwalhatian na makakamit Niya sa pamamagitan ng muling pagkabuhay. Bago magkamit ng Kanyang kaluwalhatian, kailangang dumaan ang Panginoon sa mga pagdurusa na kailangan Niyang tiisin. 

Bagama't hindi madali ang magdusa para sa sangkatauhan, pinili pa rin ng Panginoong Hesus na magdusa para sa sangkatauhan. It's worth it, ika nga sa wikang Ingles. Mahirap at masakit man ito para sa Panginoon, ito'y makakabubuti para sa ating lahat. Pagkatapos ng Kanyang pagdurusa, makakamit ng Panginoon ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay. Hindi magtatapos ang lahat sa kamatayan sa krus. Muling mabubuhay ang Panginoon sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis ng Panginoon, nakamit Niya ang Kanyang kaluwalhatian. 

Kapag may pagdurusa, mayroon ding tagumpay. Bahagi ng buhay ang pagdurusa ng bawat tao. Pero, ang pagdurusang ito ay pansamantala lamang. May pag-asa pa. May bukas pa. Hindi magtatapos ang lahat sa pagdurusa. Mayroon ding tagumpay sa buhay. Si Hesus nga, nagkaroon ng mga pagkakataon sa buhay Niya kung kailan Siya nagdusa. Ang pinakarumal-dumal na pagdurusa sa buhay ni Hesus ay ang Kanyang kamatayan sa krus. Pero, pagkatapos ng Kanyang pagdurusa, muling nabuhay si Hesus. Nakamit ni Hesus ang Kanyang kaluwalhatian. Nagtagumpay si Hesus. 

Isang mahalagang pangyayari sa buhay ni Kristo ay ang Kanyang pagbabagong-anyo sa Bundok Tabor. Sa pamamagitan nito, muling naipakilala ni Kristo ang Kanyang sarili. Hindi tinakasan ng Panginoon ang kamatayan. Alam ng Panginoong Hesukristo na hindi Niya makakamit ang tagumpay kapag tinakasan Niya ang krus at ang Kalbaryo. Kung maaari sana, pwedeng tumakas si Hesus mula sa nalalapit Niyang kamatayan. Pero, pinili Niyang harapin at tiisin ito alang-alang sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, nakamit Niya ang tagumpay para sa Kanyang sarili at para sa ating lahat. Hindi man madali ito para kay Hesus, pero pinili pa rin Niyang gawin ito alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming mag-isip ng mga positibong bagay, lalung-lalo na ang tagumpay, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento