Linggo, Agosto 24, 2014

HESUS: ANG MESIYAS NA HINIRANG NG DIYOS

Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 22, 19-23/Salmo 137/Roma 11, 33-36/Mateo 16, 13-20 



Dalawang beses nagtanong ang Panginoon sa Ebanghelyo ngayon. Ang unang tanong ng Panginoon ay kung ano nga ba ang tingin sa Kanya ng ibang tao. Ayon sa ibang tao, ang Panginoong Hesus ay si San Juan Bautista na muling nabuhay, si Propeta Elias, at iba pang mga propeta na muling nabuhay. Para sa mga tao, si Hesus ay isang propeta sapagkat nagtuturo Siya katulad ng isang propeta. Misyon din ni Hesus ang mangaral tungkol sa katotohanan (Juan 18, 37). 

Ang ikalawang tanong ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo ay isang nang personal na katanungan. "Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino Ako?" Sa ibang salita, "Sino Ako ayon sa inyong sarili?" Personal nang tinatanong ng Panginoon ang mga alagad. Hindi na kung ano ang tingin ng ibang tao sa Kanya, kundi ang tingin ng mga alagad sa Panginoon.

Kinakailangan ng masusing pagninilay ang sagot sa katanungang ito. Pagkatapos ng matagal na pagsasama nina Hesus at ang mga alagad, nais malaman ni Hesus kung gaano ba Siya nakikilala ng mga alagad. Ginagamit ni Hesus ang pagkakataong ito upang magpakilala Siya sa mga alagad. Ang mga sagot ng ibang tao ay mali sapagkat si Hesus ay hindi si San Juan Bautista, ang Propeta Elias o sinumang propeta. May isang bagay na hindi nakikita ng mga tao kay Hesus. 

"Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino Ako?" Nais malaman ni Hesus kung gaano bang kalalim ang pagkakilala ng Kanyang mga alagad sa Kanya. Nais ding malaman ni Hesus kung nauunawaan nila ang Kanyang misyon. Malapit nang dumating ang pagwawakas ng Kanyang misyon. Ginagamit ni Hesus ang katanungang ito upang turuan pa ang mga alagad kung sakaling hindi pa nila naiintindihan kung sino nga ba si Hesus at kung ano nga ba ang Kanyang misyon. Isa itong pagkakataon para kay Hesus upang muling magpakilala at ipaalam sa kanila kung ano nga ba ang Kanyang misyon. 

Si San Pedro Apostol ay sumagot para sa mga alagad, "Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay." Magkaparehas ang kahulugan ng Kristo at Mesiyas. Ang ibig sabihin ng Kristo at Mesiyas ay "Hinirang." Para kay San Pedro Apostol at sa mga alagad ni Hesus, si Hesus ang Hinirang ng Diyos. Hinirang ng Diyos ang Panginoong Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. Nagpahayag ang mga propeta ng Matandang Tipan tungkol sa isang Mesiyas na susuguin ng Diyos upang iligtas ang bayang Israel. Makikita natin ito na tinutupad sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo.

Para kay Hesus, tama ang sagot ni Pedro. Hinirang at sinugo ng Diyos Ama ang Diyos Anak na si Hesus upang maging Mesiyas. Ang misyon ni Hesus ay ang misyon ng Mesiyas. Si Hesus ay dumating upang iligtas ang sangkatauhan. Pero, alam ni Hesus na hindi nanggaling ito mismo kay Pedro. Bagkus, ang sagot na ito ay pinagkalooban ng Ama kay Pedro. Muling ipinakilala ng Ama ang Anak. Sa pamamagitan ng sagot ni Pedro, ipinapakilala muli ng Ama si Hesus. Ipinahayag ito ni Pedro dahil sa grasya ng Ama. 

Hinirang si Hesus na maging Santo Papa ang Apostol San Pedro. Binigyan ni Hesus ng kapangyarihan si San Pedro Apostol. Si San Pedro Apostol ay ginawang bato na kinatatayuan ng Kanyang Simbahan at pinagkalooban kay San Pedro Apostol ang mga susi sa kaharian ng langit. Kung paanong hinirang ng Ama si Hesus upang maging Mesiyas, gayon din naman, hinirang ni Hesus si San Pedro Apostol upang maging kinatawan Niya dito sa lupa pagkaalis Niya sa mundong ito. Ang Santo Papa ang bikaryo ni Kristo dito sa lupa. Si San Pedro Apostol ang kauna-unahang Santo Papa at patuloy itong pinapasa magpahanggang ngayon. 

Sino ngayon si Hesus para sa atin? Ibinigay na ni San Pedro Apostol ang pinakasimpleng sagot sa katanungang ito. Para sa atin, si Hesus ang Mesiyas na hinirang ng Diyos, ang Anak ng Diyos na buhay, ang Tagapagligtas natin. Nawa'y lumalim pa ang ating pananalig kay Hesus, ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay, ang ating Tagapagligtas, katulad ni San Pedro Apostol, ang batong kinatatayuan ng Santa Iglesia, ang unang Santo Papa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento