Linggo, Agosto 17, 2014

PANANALIG SA AWA NG DIYOS

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 66/Roma 11, 13-15. 29-32/Mateo 15, 21-28 



Ipinahihiwatig ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang awa ng Diyos. Sa Unang Pagbasa, maririnig natin ang pagiging maawain ng Diyos. Ipinapakita ng Diyos na maawain Siya, pati sa mga dayuhan. Ang Panginoong Diyos ay ang Diyos para sa lahat. Wala Siyang kinakampihan. Pati mga dayuhan ay tinatawag Niya upang maging kabilang sa Kanyang bayan. Walang pinapanigan ang Diyos. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol din sa awa ng Diyos sa gitna ng pagiging masuwayin ng sangkatauhan. Bagamat hindi nais ng Diyos na magkasala ang sangkatauhan laban sa Kanya, hinahayaan Niya ang sangkatauhan upang ipadama sa kanila ang Kanyang awa. Sa pamamagitan ng pagpapadama ng Kanyang awa sa mga masuwayin, binibigyan Niya ng pagkakataon ang mga masuwayin upang magbalik-loob sa Kanya. 

Ang Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa pananalig ng Cananea kay Hesus. Humanga si Hesus sa malalim na pananalig ng babaeng Cananea sa Kanya. Para sa babaeng Cananea, hindi naging hadlang ang pagiging pagano upang humingi ng tulong kay Hesus. Bagamat naparito si Hesus para iligtas ang bayang Israel, hindi ito naging hadlang para sa babaeng Cananea. Nagtiyaga siya upang pagbigyan siya ni Hesus. Alam ng Cananea na si Hesus ang sagot sa kanyang problema. Nananalig ang babae na tutulungan siya ni Hesus sa gitna ng pagiging pagano niya. 

Sinubok ni Hesus ang pananalig ng babaeng ito sa pamamagitan ng dalawang paraan. Una, sinabi ni Hesus sa babae na naparito Siya upang iligtas ang bayang Israel, hindi ang mga Hentil. Ang babaeng ito ay kilala bilang isang Hentil. Hindi siya Hudyo. Bagkus, siya ay isang Cananea. Hindi siya kabilang sa mga tupa ng Israel. Isa siyang Hentil. Wala siyang lugar sa kaligtasan ng Diyos. Wala siyang karapatan upang humingi ng tulong kay Hesus. 

Pangalawa, tinawagan siyang tuta ni Hesus. Masakit ito para sa babaeng Cananea. Bakit? Sapagkat walang sinumang tao sa buong mundo ang natutuwa kapag tuta ang tawag sa kanya. Napakasakit para sa isang tao na tawagin siyang tuta. Pero, ang babaeng Cananea ay sanay na sa ganitong pagtawag sa kanya. Tinatawagan siyang tuta ng bawat Hudyong nakakatagpo niya. Hindi bago para sa kanya ang pagtawag sa kanya bilang tuta. 

Hindi nagpatalo ang babaeng Cananea sa mga sinabi ni Hesus. Dahil sa lalim ng kanyang pananalig, nagtiyaga siya upang kumbinsihin si Hesus. Hindi niya tinigilan ang paghingi ng tulong mula kay Hesus, kahit na siya'y pinaaalis ng mga alagad at ni Hesus mismo. Ang Panginoong Hesus ay humanga sa babaeng Cananea dahil sa kanyang pananalig. Nanalig ang babaeng Cananea na si Hesus ay maawa sa kanya at siya'y tutulungan. Dahil sa pananalig ng Cananea, pinagaling ni Hesus ang anak ng babaeng Cananea. Ang demonyo na umaalipin sa anak ng babaeng Cananea ay umalis mula sa kanya. 

Ang pagiging mapagpasensya at ang pananalig ng babaeng Cananea ay isang napakagandang halimbawa para sa ating lahat. Sa kabila ng pagpipigil sa kanya ng mga alagad at ni Hesus, hindi siya nawalan ng pag-asa. Hindi nawalan ng pananalig ang babaeng Cananea, lalung-lalo na noong sinubukan siya ni Hesus. Bagkus, nagtiyaga ang babaeng Cananea at nagpamalas ng malalim na pananalig sa awa ng Panginoon. Nanalig siya na kaawaan ng Panginoon ang kanyang anak at pagbibigyan ng Panginoon ang kanyang kahilingan. 

Ang awa ng Panginoon ay para sa lahat ng tao. Anuman ang ating lahi, ang awa ng Panginoong Diyos ay para sa ating lahat. Manalig lamang tayo sa awa ng Panginoon, katulad ng babaeng Cananea sa Ebanghelyo, at ipapamalas ng Panginoon ang Kanyang awa sa ating lahat. Hindi para sa isang spesipikong grupo o lahi ang awa ng Diyos. Walang pinapanigan ang Panginoong Diyos. Ang Diyos ay ang Diyos ng lahat. Patuloy ipinapamalas ng Diyos sa bawat araw ang Kanyang awa sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento