Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56
Isang napakaespesyal na pagdiriwang ang ipinagdiriwang ng Simbahan ngayon. Sa araw na ito, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pagkakaakyat sa Langit sa Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Sa katapusan ng buhay ng ating Mahal na Ina sa lupa, iniakyat ng Diyos ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Ina sa langit. Hindi pinayagan ng Diyos na mabulok ang katawan ng Mahal na Birheng Maria sa lupa sa katapusan ng kanyang buhay. Dahil dito, ang katawan at kaluluwa ni Maria ay iniakyat ng Diyos sa langit bilang gantimpala sa pagiging Ina ng Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, ang Panginoong Hesukristo.
Bakit napakaespesyal si Maria sa paningin ng Diyos? Dahil ang Mahal na Birheng Maria ang nagdala sa ating Panginoong Hesukristo sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Siya ang naging ina ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y nabubuhay dito sa lupa. Ang Mahal na Birheng Maria ay naging mapalad sapagkat siya'y nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Si Maria ay nanalig at naging tapat sa kalooban ng Diyos. Hindi niya hinadlangan ang kalooban ng Diyos. Bagkus, tinulungan niya ang Diyos sa Kanyang plano ng kaligtasan.
Sa lahat ng kababaihan, si Maria ang bukod na pinagpala sa lahat. Pinagpala siya ng Diyos. Pinalad ng Diyos si Maria sapagkat siya'y pinili ng Diyos upang dalhin sa kanyang sinapupunan ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Isang espesyal na karangalan para kay Maria ang mapili bilang Ina ng Diyos. Hindi diyosa si Maria. Bagkus, si Maria ay isang simpleng babae, isang Nazarena. Pero, sa kabila nito, si Maria ay pinili ng Diyos upang maging Ina ng Panginoong Hesus, ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo.
Dalawang tao mula sa Banal na Biblia ay iniakyat ng Diyos sa langit (maliban sa Panginoong Hesus). Ang una ay si Enoc. Mababasa natin sa ika-5 kabanata ng aklat ng Genesis na si Enoc ay nawala sapagkat siya'y kinuha ng Diyos pagkatapos ng tatlong daa't animnapu't limang taon ng kanyang pamumuhay dito sa lupa (5, 23-24). Ang ikalawa naman ay si Propeta Elias. Sa Ikalawang Aklat ng mga Hari, mapapakinggan natin na si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo at nakikita ito ni Eliseo, ang magpapalit sa kanya (2, 11).
Kung iniakyat ng Diyos ang dalawang dakilang taong ito mula sa Banal na Biblia, gaano pa kaya ang Birheng Maria? Hindi ba nararapat lamang na iakyat ang Mahal na Birhen sa langit sa katapusan ng kanyang buhay? Oo, sapagkat pinili ng Diyos ang Birheng Maria upang maging Ina ni Hesus. Hindi pinayagan ng Diyos na mabulok ang katawan ng Birheng Maria. Bakit? Sapagkat dinala ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Si Maria ang Kaban ng Bagong Tipan. Ang Bagong Tipan na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay si Hesus.
Nararapat lamang na bahagi ng Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa Magnificat - Ang Awit ng Mahal na Birheng Maria. Pinuri ni Maria ang Diyos dahil sa Kanyang paglingap sa Kanyang abang alipin. Si Maria ang abang alipin ng Diyos. Paano? Sapagkat pinili ng Diyos si Maria upang maging Ina ni Kristo. Sa halip na takasan ang pananagutang ito, pinili ni Maria na tumalima at sumunod sa kalooban ng Diyos. Gaano mang kahirap para sa Mahal na Birhen, pinili pa rin niyang sumunod sa kalooban ng Diyos. Dahil dito, si Maria ay naging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.
Sabi nga ni Elisabet sa Ebanghelyo na si Maria ay bukod na pinagpala sa lahat ng mga babae. Tunay ngang pinagpala ang Mahal na Ina sa lahat ng mga kababaihan. Pinili siya ng Diyos upang maging Ina ni Kristo. Iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria bago siya ipanganak ni Santa Ana. Sa gayon, naging malinis si Maria at naging karapat-dapat upang maging Ina ng Panginoong Hesukristo. Hindi siya dinungisan ng kasalanang mana.
Sa katapusan ng buhay ng Mahal na Birheng Maria, naalala siya ng Diyos. Naalala ng Diyos ang Kanyang abang alipin na si Maria. Hindi niya pinayagang mabulok sa libingan ang katawan ng Mahal na Ina. Bagkus, iniakyat ng Diyos si Maria sa langit - katawan at kaluluwa. Ginantimpalaan ng Panginoong Diyos ang Mahal na Birheng Maria dahil sa kanyang pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos. Kapiling na ng Mahal na Birheng Maria sa langit ang kanyang Anak na minamahal, ang Panginoong Hesukristo.
Mula sa pagiging abang alipin ng Diyos, itinaas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria. Pinaglingkuran ng Mahal na Ina ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos. Itinaas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria dahil sa kanyang pagpapakababa bilang abang alipin ng Diyos. Kabilang ang ating bansang Pilipinas sa mga bansang nagbibigay-pugay sa Mahal na Birheng Maria dahil sa kanyang pananalig at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Pilipinas nga ay kilala bilang isang Pueblo Amante de Maria (Bayang Sumisinta kay Maria) dahil sa lalim ng pagmamahal at debosyon ng maraming mga Pilipinong Katoliko sa Mahal na Birheng Maria.
Tunay ngang mapalad ang Mahal na Birheng Maria. Dahil sa kanyang pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos, itinaas siya ng Diyos. Si Maria ay namuhay bilang abang alipin ng Diyos. Buong pagpapakumbabang nanalig at sumunod ang Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Sa katapusan ng kanyang buhay, ginantimpalaan si Maria ng Diyos. Ano ang gantimpalang iyon? Iniakyat ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa langit - katawan at kaluluwa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento