1 Hari 19, 9a. 11-13a/Salmo 84/Roma 9, 1-5/Mateo 14, 22-33
Ipinahihiwatig ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang pananalig sa Panginoong Diyos sa gitna ng mga pagsubok. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na si Propeta Elias ay pumunta sa Bundok ng Diyos sa Horeb dahil natakot siya kay Reyna Jezebel. Hinamon ni Propeta Elias ang mga propeta ni Baal na patunayan kung sino ang tunay na Diyos - si Baal o ang Panginoon. Binigyan ni Elias ng palatandaan kung sino ang tunay na Diyos - ang sinumang tumugon sa pamamagitan ng apoy sa pagtawag ng mga propeta ni Baal at ni Propeta Elias. Ang Panginoon ay tumugon sa pagtawag ni Propeta Elias sa pamamagitan ng apoy at nagpatunay na Siya nga ang tunay na Diyos. Dahil dito, ang mga propeta ni Baal ay hindi makatakas at ipinagpapatay.
Galit na galit si Reyna Jezebel kay Propeta Elias nang malaman niya ito. Dahil dito, nagpadala ng isang sugo kay Propeta Elias si Reyna Jezebel upang sabihin kay Propeta Elias na may balak siyang patayin si Propeta Elias. Dahil sa ginawa ni Propeta Elias, binalak ni Reyna Jezebel na patayin si Propeta Elias bilang pagganti sa ginawa niya. Natakot si Propeta Elias kay Reyna Jezebel at nagtago sa Bundok ng Diyos sa Horeb.
Pero, ang Panginoon ang nagpalakas sa kalooban ni Elias. Kinausap ng Panginoong Diyos si Propeta Elias sa pamamagitan ng isang banayad na tinig. Ang banayad na tinig ng Diyos ang nagpalakas sa kalooban ni Elias. Pinawi ng tinig ng Panginoon ang takot ni Propeta Elias. Ipinapaalam ng Panginoon kay Elias na nandoon Siya upang pawiin ang takot ni Propeta Elias. Wala na siyang dapat katakutan. Kasama ni Propeta Elias ang Diyos. Hindi nag-iisa si Propeta Elias. Ang Diyos ang karamay niya sa kanyang pagsubok.
Nagpahayag ng kanyang kalungkutan si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Si Apostol San Pablo ay nalungkot dahil sa kanyang mga kababayan. Hindi tinanggap ng mga kababayan ni Apostol San Pablo na ang Panginoong Hesus ang Mesiyas na matagal na nilang hinihintay. Bagamat matagal na naghanda at naghintay ang bayan ni Apostol San Pablo para sa pagdating ng Mesiyas, hindi nila tinanggap ang Mesiyas. Paano? Hindi nila tinanggap si Hesus.
Isang malaking pagsubok para kay Pablo ang di pagtanggap ng kanyang mga kababayan kay Hesukristo bilang Mesiyas. Pero, ang mga Hentil ay tumanggap agad kay Hesus bilang Mesiyas. Nalulungkot si San Pablo para sa kanyang mga kababayan. Hindi nila tinanggap si Hesus bilang Mesiyas na hinihintay. Kung gugustuhin niya, hihiwalay si San Pablo kay Kristo alang-alang sa kanyang mga kababayan. Pero, hindi niya magawa ito. Napakasakit ito para kay San Pablo.
Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na inanyayahan ni Hesus si San Pedro Apostol upang maglakad sa ibabaw ng tubig. Natakot noong una ang mga alagad dahil akala nilang multo ang naglalakad sa ibabaw ng tubig. Isang malaking pagsubok pa nga para sa mga alagad na maglakbay sa gitna ng unos. Nahihirapan nilang kontrolin ang bangka dahil sa unos. Ngayon, isang taong naglalakad sa ibabaw ng tubig ang lumalapit sa kanila. Hindi ba nakakatakot iyon?
Pero, pinalakas ni Hesus ang mga kalooban ng mga alagad. Hindi multo ang lumalapit sa kanilang bangka, si Hesus ang lumalapit sa bangka. Si San Pedro ang naglakas-loob upang hilingin sa Panginoon na payagan siyang maglakad sa ibabaw ng tubig. Dahil dito, inanyayahan ng Panginoon si Pedro upang maglakad palapit sa Kanya. Gusto din niyang maglakad sa ibabaw ng tubig, katulad ng Panginoon.
Noong naglalakad na si Pedro sa ibabaw ng tubig, natakot siyang bigla. Nawala ang kanyang konsentrasyon sa Panginoong Hesus. Ang unos ang umabala kay San Pedro kay Hesus. Hindi siya nakatutok kay Hesus noong naglalakad siya sa tubig. Dahil dito, lumubog sa tubig si Pedro. Isa na namang napakalaking pagsubok para kay Pedro ang paglubog niya sa tubig. Nahihirapan si San Pedro sa paglalakad sa tubig. Nasindak si San Pedro dahil sa unos. Hindi siya makatutok kay Hesus.
May isa pang sanhi ng paglubog ni Pedro. Pinili niyang pansinin ang unos kaysa kay Hesus. Hindi niya piniling manatiling nakatutok kay Hesus. Hinayaan niya na guluhin siya ng unos. Ginulo ng unos si Pedro. Dahil sa tindi ng pagulo ng unos kay Pedro, hindi siya makatutok kay Hesus. Hindi makatutuok kay Hesus si Pedro dahil sa lakas ng unos. Hindi niya mapigilang isipin kung gaanong kalakas ang unos. Kaya, hindi makatutok si Pedro kay Hesus.
Noong palubog na si San Pedro Apostol, tinawag niya ang Panginoong Hesukristo upang iligtas siya. Si Pedro'y iniligtas ng Panginoon. Kahit palubog na si San Pedro, nanalig pa rin siya na ililigtas siya ng Panginoon. Bagamat maliit ang pananalig ni Pedro sa mga oras na yaon, nanalig pa rin si Pedro na siya'y ililigtas ng Panginoon. Alam niya na nandoon ang Panginoon upang iligtas siya kung sakaling lulubog siya. Tumawag sa Panginoong Hesus si San Pedro, tinugon naman ni Hesus ang kahilingan ni Pedro.
Siguro, mahirap ngang manalig sa Diyos sa panahon ng mga pagsubok. Dahil sa lakas ng pagsubok, nahihirapan tayong manatiling nakatutok sa Panginoon. Hindi nating maiwasang isipin kung gaano kalakas at mahirap pagdaanin ang pagsubok na iyon. May mga pagkakataon kung kailan tayo'y nagiging katulad ni San Pedro sa Ebanghelyo ngayon. Pinipili nating isipin ang lakas at kahirapang dulot ng pagsubok na dumating kaysa sa Panginoon.
Bagamat nakakatuksong pagdudahan ang Diyos sa panahon ng mga pagsubok, huwag nawa tayong mawalan ng pananalig sa Diyos. Ang Diyos ay mas makapangyarihan at mas dakila pa kaysa sa mga pagsubok natin sa buhay. Kung kailangan ninyong tawagin ang Diyos, tumawag kayo sa Diyos. Tutugunin at tutulungan kayo ng Diyos sa mga problema at pagsubok ninyo sa buhay. Walang makakapantay sa Diyos. Kahit ang pinakamabigat na problema natin sa buhay ay walang kapantay sa Diyos.
Huwag nawa tayong mawalan ng pananalig sa Diyos. Manalig lamang tayo sa Kanya. Gaano mang kalaki o kaliit ang pananalig natin sa Diyos, tutulungan Niya tayo. Manalig lamang tayo sa Diyos at tayo'y Kanyang tutulungan sa mga problema natin sa buhay.
Panginoon, tulungan Mo kaming manalig sa Iyo sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.
Amen.
REFLECTIVE SONG: "Pananalig" - Bukas Palad Music Ministry
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento