Linggo, Hunyo 22, 2014

ANG PAGMAMAHAL NI MARIA PARA SA DIYOS

Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 



Napakahirap ng papel ng Mahal na Birheng Maria sa buhay ng Panginoong Hesukristo. Hindi biro ang isilang at palakihin ang Anak ng Diyos bilang magulang. Maraming mga pagsubok na pinagdaanan ng Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Panginoong Hesus. Ang Ebanghelyo natin ngayong araw na ito ay tungkol sa isa sa pitong pagsubok sa kanyang buhay o ang kanyang pitong hapis - ang pagkawala ni Hesus sa Jerusalem. Tatlong araw na nawala si Hesus sa Jerusalem, at napakahirap ito para kay Maria. 

Isalarawan sa ating isipan ang nararamdaman ni Maria noong nawala si Hesus. Natatakot siya para sa kapakanan ni Hesus. Sinong ina ang hindi mag-aalala para sa kanyang anak, lalo na kapag ito ay nawala? Wala. Ang ina ay laging mag-aalala para sa kanyang anak. Ang anak ay laman ng kanyang ina at buto ng kanyang buto. Nagmula ang anak sa sinapupunan ng kanyang ina. Kaya, nararamdaman ng ina ang bawat pangyayari sa buhay ng kanyang anak. Kung nasasaktan ang anak, nasasaktan din ang ina. Si Maria ay katulad ng lahat ng mga ina sapagkat siya ang ina ni Kristo. 

Ang pagkawala ni Hesus ay naging isang malaking pagsubok para kay Maria. Ito ang ikatlong balaraw na tumarak sa kanya. Pito ang mga balaraw na tumarak sa kanya. Ang pitong balaraw na ito ay sumasagisag sa Pitong Hapis ni Maria. Araw-araw at gabi-gabi, laging iniisip ng Inang Maria ang Panginoong Hesus. Lagi niyang iniisip ang kapakanan ng Panginoon. Talagang nag-aalala si Maria para kay Hesus. Nawala ang kanyang anak, at lubhang nahihirapan si Maria sa paghahanap sa kanyang anak. Dahil sa pagmamahal ni Maria kay Hesus, hinanap niya ang nawawalang Hesus kahit ilang araw man ang haba nito. 

Hindi maintindihan ng Mahal na Ina kung bakit nawala si Kristo. Hindi niya maintindihan ang mga pangyayaring ito. Bakit pa kinailangang mawala pa sa kanya ang kanyang anak? Bakit pa kinailangang maghiwalay ang kanyang anak sa kanya? Hindi niya maintindihan. Pero, hindi bumitiw si Maria sa pananalig sa Diyos. Nananalig pa rin siya sa Diyos at tumalima sa kalooban ng Diyos, kahit sa panahon ng pagsubok. Kahit hindi niya maintindihan ang mga pangyayari, nanalig at tumalima pa rin siya sa Diyos. 

Nang mahanap nina Maria at Jose ang batang Hesus sa templo ng Jerusalem sa ikatlong araw, sila'y nagalak. Bakit? Pagkatapos ng tatlong araw ng paghahanap, si Hesus ay nahanap nila sa templo ng Jerusalem. Nagtatanungan at nag-uusap si Hesus sa mga dalubhasa ng Kautusan. Nang tinanong ni Maria ang batang Hesus kung bakit nawala si Hesus sa kanila, sumagot si Hesus, "Hindi mo ba alam na alam na Ako'y dapat na nasa bahay ng Aking Ama?" Hindi pa rin maintindihan ni Maria ang sagot ni Hesus sa kanyang katanungan. Pero, iningatan ni Maria ang lahat ng ito sa kanyang puso. 

Bagamat hindi maintindihan ni Maria ang mga pangyayari sa buhay ni Hesus, hindi nawalan ng pananalig si Maria sa Diyos. Kahit sa panahon ng pagsubok, hindi ito naging dahilan upang mawalan ng pananalig sa Diyos. Nanalig at tumalima pa rin si Maria sa kalooban ng Diyos. Katulad ng kanyang fiat noong ibalita sa kanya ng Arkanghel Gabriel na magiging anak niya ang Mesiyas, tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos. Walang bagay na nagpatigil kay Maria sa pananalig at pagtalima sa Diyos. 

Ipinapakita ng Kalinis-linisang Puso ni Maria ang kanyang pag-ibig para sa Diyos, lalung-lalo na para kay Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao sa kanyang sinapupunan. Ang pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos ay ang pagpapatunay ng pagmamahal ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos. Dahil sa kanyang pagmamahal sa Diyos, tumalima siya sa kalooban ng Diyos na maging ina ni Hesukristo, ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel at ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. 

Hindi magiging madali ang pagmamahal. Magkakaroon din ng mga pagsubok sa buhay ng pagmamahalan. Kahit na minahal ni Maria ang Diyos, nagkaroon din siya ng pagsubok. Halimbawa na lamang ang pagkawala ni Hesus sa templo ng Jerusalem. Nawalan ba ng pagmamahal si Maria kay Hesus? Nawalan ba ng pagmamahal si Maria sa Diyos? Hindi. Tiniis ni Maria ang bawat pagsubok sa kanyang buhay bilang pagpapatunay sa kanyang pagmamahal at pagtalima sa kalooban ng Diyos. 

Ang pagmamahalan nina Hesus at Maria sa isa't isa ay nagsisilbing huwaran para sa ating lahat. Pinuri pa nga ni Hesus si Maria para sa kanyang pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos (Lucas 11, 27-28). Ang pagmamahalan nina Hesus at Maria ay isang halimbawa para sa ating lahat, lalo na po para sa mga mag-ina. Katulad ni Hesus, si Maria ay tumalima sa kalooban ng Diyos, kahit anuman ang pagsubok na dumaan sa kanila. Hindi sila nawalan ng pag-ibig sa isa't isa. Higit sa lahat, walang pasubali ang pagmamahalan ni Hesus at Maria sa isa't isa. 

Kung tayo ay nahihirapan sa pagmamahal sa kapwa, may isang halimbawa tayo na dapat nating tularan. Ang pagmamahalan nina Hesus at Maria. Nawa'y magsilbing halimbawa para sa atin ang pagmamahalan ng Panginoong Hesukristo at ng Mahal na Birheng Maria. Napakatatag ang pag-ibig ng Panginoong Hesus at ng Birheng Maria sa isa't isa. Ang pagmamahalan iyon ay naging matatag, kahit gaano karaming pagsubok ang dumaan sa buhay nila. 

O Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magmahal, 
katulad ng Iyong pagmamahalan ng Inang Maria. 
Amen. 

Inang Maria, ipanalangin mo kami. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento