Deuteronomio 7, 6-11/Salmo 102/1 Juan 4, 7-16/Mateo 11, 25-30
"Kapag tumibok ang puso,
wala ka nang magagawa kundi sundin ito.
Kapag tumibok ang puso,
lagot ka na, siguradong huli ka."
Ang mga linyang ito ay mula sa awiting "Kapag Tumibok ang Puso" na inawit ni Donna Cruz. Ipinapakita ng awiting ito kung gaano nakakakilig para sa maraming Pilipino, lalung-lalo na ang mga kabataan, ang pag-ibig. Nakakakilig para sa inyo ang pag-ibig, hindi ba? Halimbawa na lamang ang mga palabas sa sinehan o sa telebisyon. Nakakakilig para sa lahat ng mga Pilipino ang pag-ibig dahil na rin sa mga palabas sa telebisyon. Kilig much, noh?
Isang napakagandang Solemnidad ang ipinagdiriwang ng Simbahan ngayon. Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Pamilyar po para sa ating mga Pilipinong Katoliko, lalung-lalo na po sa mga matatanda, ang Debosyon sa Mahal na Puso ni Hesus. Dati, kung dumaan tayo sa bawat tahanan ng bawat pamilya, tinitiyak ko na mayroong imahen o larawan ng Mahal na Puso ni Hesus sa sala o sa isang kwarto na para sa kanila ay isang pribadong kapilya.
Ngunit ngayon, dahil sa pagbabago ng panahon, medyo nawalan ng kaalaman ang debosyon sa Banal na Puso ni Kristo. Kung tanungin ninyo ang mga Katolikong kabataan ngayon kung ano ang debosyon sa Mahal na Puso ni Kristo, malamang hindi nila maiintindihan ang tanong. May ilang mga paaralang Katoliko na nagdaraos ng Misa tuwing unang Biyernes ng buwan, pero hindi maintindihan ng mga estudyante kung bakit mayroong Misa tuwing unang Biyernes. Malamang, sasabihin nila ay, "Hindi namin alam kung bakit may Misa tuwing unang Biyernes ng buwan."
Tuwing Mahal na Araw at sa tuwing bumibisita ang aking ninang sa Pilipinas, natatandaan ko rin na dumadaan kami sa Pambansang Dambana ng Kabanal-banalang Puso ng Panginoong Hesus sa Makati. Ang huling bisita ko sa Simbahang ito, sa pagkakaalam ko, ay noong bumisita ako sa Pilipinas noong Mahal na Araw 2011 at Mahal na Araw 2013 para sa Visita Iglesia. Pagpasok ninyo sa Simbahang iyon, makikita ninyo ang napakagandang larawan ng Kamahal-mahalang Puso ng Panginoong Hesukristo na ginawa ni Fr. Armand Tangi, SSP.
Aaminin ko po, ako po'y nabighani sa ganda ng larawan ng Banal na Puso ng Panginoon. Makikita ninyo sa larawang iyon, hinahawakan at ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang Mahal na Puso sa mga nakakakita sa larawang iyon. May iba pang mga magagandang larawan ang Banal na Puso ng Panginoong Hesus. Pero, sa tuwing iniisip ko ang Mahal na Puso ni Hesus, biglang bumabalik sa akin ang larawan ng Mahal na Puso ni Hesus sa Makati. Hinahawakan at ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang puso na nag-aalab dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin. Iyon po ang interpretasyon ko sa larawan ng Sagrado Corazon sa Makati.
Ipinapakita at ipinapadama ni Hesus sa atin na ang Kanyang pag-ibig sa ating lahat ay tunay. Hindi magmamaliw ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Ang pag-ibig ng Diyos ay mas dakila kaysa sa pag-ibig ng tao. Walang hihigit pa sa pag-ibig ng Panginoon sa atin. Ang pag-ibig ni Kristo ay napakadakila. Hindi mapapantayan ninuman ang pag-ibig ng Diyos. Kung may mga kahinaan ang pag-ibig ng tao, walang kahinaan ang pag-ibig ng Diyos. Tunay at wagas ang pag-ibig ng Diyos sa atin.
Ang pag-ibig ni Hesus ay laging tapat. Si Hesus ay nananatiling tapat sa Kanyang pag-ibig sa atin. Hindi titigilan ni Hesus ang pagmahal sa atin. Walang pagmamaliw ang pag-ibig ng Panginoong Hesus sa atin. Kung naglalaho man ang pag-ibig ng tao, hindi maglalaho kahit kailan ang pag-ibig ng Panginoon. Kahit anong oras, kahit kailan, mamahalin pa rin tayo ng Panginoong Hesukristo. Kung sa tingin ninyo'y walang nagmamahal nang tapat sa inyo, huwag kayo mag-alala. Si Hesus ay laging kasama natin na patuloy na nagmamahal sa atin nang tapat.
Si Hesus ay isang huwaran ng kagitingan para sa ating lahat. Bagamat hindi kinailangang ibigin tayo ni Hesus, pinili pa rin Niya ang ibigin tayo. Pinili ng Diyos na mahalin tayo sa kabila ng ating mga pagkakasala laban sa Kanya. Kahit nagkasala sina Eba't Adan laban sa Panginoong Diyos, hindi tumigil ang Diyos sa pagmamahal sa atin. Bagkus, gumawa ang Banal na Santatlo ng paraan, at nagkasundo sila na ang Diyos Anak na si Hesus ay bababa sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan.
Hinahamon tayo ng Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas (CBCP) na magpakatapang tayo ngayong Taon ng mga Laiko. Tayong lahat ay hinahamon upang maging magiting tayo sa paggawa ng mabuti sa kapwa-tao. Ang puso sa logo ng Taon ng mga Laiko ay sumasagisag sa pag-ibig at ang apoy na nagliliyab ay sumasagisag sa sigla na pinag-alab ng Espiritu ni Hesus upang magpakatapang tayo. Si Hesus ay huwaran ng pagiging masigasig sa pagmamahal sa Diyos at kapwa. Nawa'y tularan natin si Hesus sa Kanyang pagmamahal sa atin. Nawa'y mahalin natin ang Diyos at kapwa-tao, katulad ng pagmamahal sa atin ni Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento