Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A)
Exodo 34, 4b-6. 8-9/Daniel 3/2 Corinto 13, 11-13/Juan 3, 16-18
Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan
kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak,
upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak,
kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3, 16)
Ito ang pinakamasikat na talata mula sa Banal na Bibliya. Kahit sinong Kristiyano sa buong mundo ang tanungin ninyo, alam nila ang talatang Juan 3, 16. Isinasalarawan ng talatang ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Makikita natin ito sa krus ni Kristo. Inalay ni Kristo ang Kanyang buhay alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. Tayong lahat ay tinubos mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ni Kristo ng Kanyang sarili sa krus.
Sa simula ng panahon, nilikha ng Diyos ang langit at lupa. At ang lahat ng mga nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang masamang bagay na nilikha ng Diyos. Anim na araw na nilikha ng Diyos ang liwanag at dilim, ang mga anyo ng tubig, mga hayop, mga puno at marami pang iba. Higit sa lahat, nilikha ng Diyos ang tao. Napakaganda at napakaayos ang mundong nilikha ng Diyos.
Ibang-iba po ang paraan ng paglikha ng Diyos sa tao. Sa mga unang nilikha ng Diyos, inutos lang Niya iyon at nagkagayon. Halimbawa, noong nilikha ng Diyos ang araw at gabi, sinabi Niya, "Magkaroon ng liwanag." Pero, noong ang tao naman ay nilikha ng Diyos, ang sabi Niya, "Ngayon, lalangin natin ang tao." Ipinapakita ng Diyos sa pamamagitan ng paglikha kung gaano tayo kahalaga sa mata ng Diyos. Tayong lahat ay nilikhang kawangis ng Diyos.
Noong ang tao ay nalugmok sa kasalanan dahil sa kasalanan nina Eba't Adan, hindi bumitiw ang Diyos mula sa Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan. Mahal pa rin Niya ang tao. Gumagawa Siya ng mga paraan upang magsalita Siya sa tao. Paano? Sa pamamagitan ng mga propeta at paggawa ng mga tipan. Kahit gaano mang kasama ang kasalanan ng bawat tao, hindi pa rin tumitigil ang Diyos sa pagmamahal Niya sa sangkatauhan. Kahit ilang ulit na sinira ng tao ang tipan nila sa Diyos, hindi tumigil sa pagmamahal ang Diyos.
Gumawa ng Diyos ng isang dakilang plano na magliligtas sa sangkatauhan. Isusugo ng Diyos Ama ang Diyos Anak upang maligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Bagamat napakasakit para sa Ama na makita ang Anak na maghirap at magdusa, ginawa pa rin iyon dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal sa sangkatauhan. Mahal na mahal tayo ng Diyos. Ang pagmamahal ng Diyos sa atin ay tunay. Ito ang patunay: ang pagsugo ng Diyos Ama sa Diyos Anak para sa kaligtasan ng sanlibutan.
Tayong lahat ay nalugmok sa kasalanan. Naging alipin tayo ng kasalanan dahil sa kasalanan nina Eba't Adan. Tayong lahat ay inalipin ng kasalanan. Pero, nang isinugo ng Diyos Ama si Hesus dito sa mundo, tayong lahat ay pinalaya. Iniligtas tayo ni Hesus, ang Diyos Anak at ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Panginoon ng Kanyang buhay, tayo ay pinalaya mula sa kasalanan. Pinalaya tayo ni Kristo mula sa kasalanan at kasamaan sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang sarili sa krus.
Bagamat napakasakit para sa Amang Diyos na makita ang Diyos Anak na ipako at patayin sa krus na walang kalaban-laban, hinayaan Niyang mangyari ito. Alam ng Diyos na kinailangan Niyang magsakripisyo para sa atin. Alam ng Diyos na ang sakripisyo ng Diyos Anak ay para sa kabutihan ng sangkatauhan. Kahit masakit para sa Ama na makita ang Anak na mamatay sa krus, alam Niya na ang sakripisyong iyon ay para sa ikabubuti ng sangkatauhan.
Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang dakilang at tunay na pagmamahal sa atin. Sa krus ni Hesus, makikita natin ang pinakamalaki at pinakadakilang sakripisyo para sa atin. Tunay tayong minamahal ng Diyos. Kahit gaano mang kahirap gawin ang desisyong ito, itinuloy pa rin ng Diyos ang Kanyang plano ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang paghahain ng Panginoong Hesukristo ng Kanyang sarili sa krus ay ang pagpapatunay sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin.
Nawa'y sumaatin nawa ang pag-ibig at kapayapaan mula sa Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, ang Banal na Santatlo.
Salamat po, O Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo
sa Inyong dakilang pag-ibig sa aming lahat.
Bagamat kami'y mga makasalanan,
hindi ito naging hadlang para sa Inyo upang mahalin kami.
Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento