Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80
Isang araw, may isang binyagan sa Simbahan. Tinanong ng pari ang isa sa mga magulang sa binyagan, "Ano ang pangalan na ibinibigay ninyo sa inyong anak?" Ang sagot ng mga magulang, "Surf po." Nagtaka ngayon ang pari at tinanong ang mga magulang, "Bakit Surf ang pangalan ng inyong anak?" "Kasi po, ang pangalan ng tatay ay Ariel samantala ang pangalan ng kanyang ina ay Perla," sagot ng isang ninong. Dahil dito, tinanong ng pari ang mga magulang, "Ano gusto ninyong gamitin para sa binyag? Downy o Zonrox?"
Napakaespesyal ang araw na ito para sa Simbahan. Sa Kalendaryo ng Simbahan, ipinagdiriwang ng Simbahan ang kaarawan ng tatlong banal. Una, ipinagdiriwang ng Simbahan ang kaarawan ng Panginoong Hesukristo, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, tuwing ika-25 ng Disyembre. Ikalawa, ipinagdiriwang ng Simbahan ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Diyos at Ina ng Sambayanang Kristiyano, tuwing ika-8 ng Setyembre. At ang ikatlo, ang kaarawan ni San Juan Bautista, na ipinagdiriwang natin sa araw na ito.
Magtataka po kayo siguro, bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ngayon ang Kapanganakan ni San Juan Bautista? Naiintindihan natin na ipinagdiriwang ng Simbahan ang kaarawan ng Panginoong Hesus dahil naparito Siya sa sanlibutan upang iligtas ang sangkatauhan, bagamat hindi natin alam ang petsya. Nauunawaan din natin kung bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria sapagkat malaki ang kanyang papel sa plano ng Diyos - isilang ang Anak ng Diyos sa mundo. Bakit ipinagdiriwang din ng Simbahan ang kaarawan ni San Juan Bautista?
Ang sagot sa ating mga katanungan ay sinagot ng tatay ni San Juan Bautista na si Zacarias. Matatagpuan natin ang sagot ni Zacarias sa kanyang awit, ang Benedictus (Lucas 1, 67-79). Sa awiting ito, nagsalita si Zacarias na puspos ng Espiritu Santo tungkol sa kanyang anak na si San Juan Bautista. Napakaespesyal at napakahalaga si San Juan Bautista sa buhay ni Kristo. Siya ay magiging propeta at tagapaghanda ng daan ng Mesiyas. Siya ang mauuna sa Panginoon upang ipaghanda ang lahat ng tao sa pagsalubong sa Kanya.
Si San Juan Bautista ang huling propeta bago dumating si Hesus. Bilang propeta, nangaral siya tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang pangangaral tungkol sa pagsisisi, inihanda ni San Juan Bautista ang daraanan ng Panginoong Hesus. Siya ang tagapaghanda ng daan para sa kanyang kasunod. Ang kasunod ni San Juan Bautista ay mas dakila kaysa sa kanya. Sino ang sumunod kay San Juan Bautista? Ang Panginoong Hesukristo.
Kung makikita natin ay tala sa lugar ng kapanganakan ni Kristo sa Betlehem, araw naman ang makikita natin sa lugar ng kapanganakan ni San Juan Bautista sa Ain Karem. Bakit araw? Sapagkat malapit nang tuparin ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayang Israel. Ano ba ang pangako ng Diyos? Ipadala ang Mesiyas, ang Manunubos na hinihintay ng bayang Israel. Pagkatapos ng mahabang paghihintay ng mga Israelita, malapit nang dumating ang Mesiyas. Malapit na ang pagsikat ng araw.
Ipinahayag ng Arkanghel Gabriel kay Zacarias na may plano ang Diyos para kay San Juan Bautista. May inilaan ang Diyos para kay San Juan Bautista. May misyon at papel si San Juan Bautista para sa Diyos. Napakahalaga ang papel ni San Juan Bautista sa plano ng Diyos. Ano iyon? Ipaghanda ang daraanan ng Mesiyas, ang ipinagakong Tagapagligtas na isusugo ng Diyos. Siya ang mauuna upang ipaghanda ang daan ng Mesiyas. Siya ay magiging propeta. Siya ang huling propeta bago dumating si Kristo.
Alam ni San Juan Bautista ang kanyang papel sa plano ng Diyos. Alam niya na hindi siya ang bida. Alam niya hindi siya ang hinihintay ng bayang Israel. Alam ni San Juan Bautista na may darating na kasunod niya na mas dakila kaysa sa kanya. Noong tinanong si San Juan Bautista kung siya ang Mesiyas, buong pagpapakumbaba niyang inamin na hindi siya ang Mesiyas. Bagkus, siya ang tagapaghanda ng daan ng Mesiyas. Sinabi pa nga ni San Juan Bautista, "Kinakailangang Siya (si Hesus) ay maging dakila, at ako nama'y mababa." (Juan 3, 30)
Ginampanan ni San Juan Bautista nang buong katapangan ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Mahirap man ang papel na ginampanan ni San Juan Bautista, ginampanan pa rin niya ito. Sinunod niya ang kalooban ng Diyos na ipaghanda ang daan para kay Hesus, ang Mesiyas na isinugo ng Diyos. Sa pamamagitan niya, dumating ang bukang-liwayway ng araw ng kaligtasan. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Isinugo ng Diyos ang Mesiyas upang iligtas ang Kanyang bayan.
Kahit maraming tao ang nagalit sa kanya, katulad nina Herodes at Herodias, pinili pa rin niyang sundin ang kalooban ng Diyos at magsalita tungkol sa katotohanan. Nangaral siya upang ipaghanda ang tao para kay Hesus, ang Mesiyas, ang Kristo, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Kahit sa kamatayan, hindi niya tinigilan ang paglilingkod sa Diyos. Marami ang nagalit sa kanya, lalung-lalo na sina Herodes at Herodias dahil sa mga salitang namutawi mula sa kanyang labi. Pero, kahit na marami ang nagalit sa kanya, hindi ito naging dahilan upang tigilan ni Juan Bautista ang misyon na inilaan para sa kanyang Diyos.
Nawa'y magsilbing inspirasyon at gabay para sa ating lahat ang kagitingan ni San Juan Bautista upang paglingkuran ang Diyos. Huwag tayong matakot na maglingkod sa Diyos. Tayong lahat ay nagmula at babalik sa Diyos. Nawa'y sa pamamagitan ng ating isip, salita at gawa ay paglingkuran natin ang Panginoong Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento