Linggo, Hunyo 22, 2014

KATAWAN AT DUGO NI KRISTO: PAGKAIN AT INUMING PANG-KALULUWA

Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo (Corpus Christi) (A) 
(Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a/Salmo 147/1 Corinto 10, 16-17)
Mabuting Balita: Juan 6, 51-58 


Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang pagpapahayag ng Panginoong Hesus tungkol sa pagkaing nagbibigay-buhay. Ipinahayag ng Panginoon sa mga nakikinig sa Kanya na Siya ang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Hindi ito maintindihan ng mga taong nakikinig sa Kanya sapagkat imposible para sa isang tao ang ibigay ang kanyang laman upang maging pagkain. Para sa mga tagapakinig ni Hesus, isang malaking katangahan ang mga sinasabi ni Hesus.

Madalas gamitin ni San Juan Ebanghelista ang hindi pagkaunawa sa mga wika ni Hesus. Isang halimbawa nito ay ang babaeng Samaritana na nakausap ni Hesus sa Balon ni Jacob. Noong sinabi ni Hesus na magbibigay Siya ng tubig upang hindi na muling mauhaw ang tao, hindi lubusang maintindihan ng babaeng Samaritana ang kanyang narinig. Tinanong pa nga niya si Hesus kung papaano Niya gagawin iyon at sinabi na ibigay ni Hesus sa kanya ang tubig na iyon. Ang iniisip ng babaeng iyon ay ang literal na tubig, at hindi ang tubig na tinutukoy ni Hesus. 

Matutunghayan natin muli sa Ebanghelyo na hindi maintindihan ng mga taong nakikinig kay Hesus ang mga sinasabi Niya. Ang akala ng mga taong nakikinig kay Kristo na pinapayagan Niyang kainin ang laman ng tao. Pero, hindi iyon ang ibig sabihin ni Kristo. Malalim ang mga wika ng Panginoon sa Kanyang pangangaral tungkol sa pagkaing nagbibigay-buhay. Hindi nila maintindihan ang sinasabi ni Kristo. Para sa kanila, mahirap intindihin ang mga pagututro ni Kristo (Juan 6, 60).

Si Kristo ay hindi nagiging cannibal. Hindi pinapayagan o pinapalaganap ni Kristo na mabuti ang pagkain sa laman ng tao. Ang pagkaunawa ng mga salita ng Panginoon sa literal na paraan ay ang maling pagkaunawa sa Kanyang mga salita. Hindi literal ang lahat ng mga sinabi ng Panginoon. May mga sinabi ang Panginoong Hesus na hindi dapat gawin ng literal. Halimbawa na lamang noong sinabi ng Panginoon na putulin natin ang ating mga kamay o paa kapag ito ang naging sanhi ng ating pagkakasala (Marcos 9, 43).

Ang ibig sabihin ni Hesus ay tanggapin Siya upang tayong lahat ay magkaroon ng buhay. Tumutugon si Hesus sa ating pangangailangang espiritwal. Siya ay ang pagkain para sa ating mga kaluluwa. Kung paanong ipinagkaloob ng Diyos ang manna sa mga Israelita, ipinagkakaloob din ni Hesus ang Kanyang sarili para sa atin upang ating pagsaluhan. Siya ang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Pinagsasaluhan natin ang Katawan at Dugo ni Kristo sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa. 

Ang Katawan at Dugo ni Kristo ay pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Sinasabi nga ni Kristo sa ating Ebanghelyo na ang sinumang kumain at uminom sa Kanyang Katawan at Dugo ay magkakaroon ng buhay. Naparito si Kristo upang mag-alay ng buhay alang-alang sa ating lahat. Sa pamamagitan ng pag-alay ni Kristo ng Kanyang sarili sa krus, tayong lahat ay nagkaroon ng buhay. Inialay ni Kristo ang Kanyang buhay upang tayong lahat ay magkaroon ng buhay. 

Ibinibigay sa atin ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kaluluwa. Siya ang pagkain at inuming nagbibigay-buhay sa ating buhay-espiritwal. Napakahalaga para sa ating ang tanggapin ang Katawan at Dugo ni Hesus upang tayo ay magkaroon ng buhay. Iisa lamang ang dahilan ng pagparito ni Hesus - upang tayo ay magkaroon ng buhay. Paano Niya ginawa iyon? Sa pamamagitan ng pag-alay ng buhay sa krus. 

Para sa ating mga Katoliko, napakahalaga ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Hesukristo. Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, ang tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Hesus. Napakahalaga ang Sakramento ng Eukaristiya para sa ating mga Katoliko. Bakit? Sapagkat si Kristo ay tunay na kasama natin sa Banal na Misa. Hindi lamang natin ipinagdiriwang ang Banal na Misa bilang pag-alala sa paghahain ng Panginoong Hesukristo ng Kanyang sarili sa krus. Ipinagdiriwang din natin sa Banal na Misa ang tunay na presensya ni Hesus. Si Hesus ay talagang kasama natin sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. 

Kung napapansin natin ang mga pangangailangan ng ating mga pisikal na katawan, bigyan din natin ng pansin ang pangangailangan ng ating kaluluwa. Ang Katawan at Dugo ni Kristo ang nagpapalusog para sa ating buhay-espiritwal. Tunay ngang ang Katawan at Dugo ni Kristo ang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. 

Napakahalaga para sa ating lahat na pagsaluhan ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo. Sapagkat ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo ang nagbibigay ng buhay na ganap at kasiya-siya para sa ating lahat. Ito ang tunay na pagkain at inuming espiritwal na nagpapalusog sa ating lahat. Huwag nating balewalain ang Katawan at Dugo ng Panginoon. Ibinigay sa atin ng Panginoon ang Kanyang Katawan at Dugo dahil alam Niya na ito ay para sa ikabubuti ng ating buhay-espiritwal. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento