Linggo, Mayo 11, 2014

PASTOL AT PINTUAN NG MGA TUPA

Ika-Apat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 2, 14a. 36-41/Salmo 22/1 Pedro 2, 20b-25/Juan 10, 1-10 


Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa pangangaral ni San Pedro Apostol sa mga kababayan niya sa Israel noong araw ng Pentekostes. Nangaral siya tungkol sa Panginoong Hesus na ipinako nila sa krus. Dahil sa kanilang mga kasalanan, si Hesus ay ipinako sa krus. Kaya, nanawagan si Pedro sa mga tao na magsisi at tumalikod mula sa kasalanan at magpabinyag sa pangalan ng Panginoong Hesukristo upang sila'y linisin mula sa kanilang mga pagkakasala. Dahil sa panawagang ito, maraming tao ang tumalikod mula sa kasamaan at nagpabinyag kay San Pedro.

Tayo rin, mga kapatid, ay nagkakasala rin. Sa pamamagitan ng ating mga kasalanan, ipinapako natin sa krus si Hesus. Hindi ang mga Hudyo ang nagpako at pumatay kay Hesus sa krus. Bagkus, tayo ang may pananagutan sa pagkamatay kay Hesus. Ang mga Hudyo ang kumakatawan sa ating lahat. Ipinagkakanulo at tinatalikuran natin si Hesus sa pamamagitan ng ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng ating pagkakanulo at pagtalikod kay Hesus, ipinapako natin muli si Hesus sa krus. Bagamat perpekto ang Simbahan, tayong lahat, mga kaanib ng Simbahan, ay mga makasalanan. 

Muling nagsalita si San Pedro Apostol sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagpapakasakit ni Kristo. Bakit nagpakasakit si Kristo? Nagpakasakit si Kristo para sa ating lahat. Hindi isang pag-aaksaya ng buhay ang ginawang pagpapaksakit ni Kristo. Kung gugustuhin pa nga ni Kristo, ililigtas Niya ang sangkatauhan nang hindi nahihirapan. Pero, pinili ng Panginoon ang pinakamahirap na paraan. Pinili ng Panginoon na magtiis at magbuwis ng buhay alang-alang sa sangkatauhan. 

Bagamat inosente ang Panginoong Hesus, pinili pa rin Niyang mag-alay ng buhay sa krus para sa ating lahat. Hindi nagsalita ng masama si Hesus noong hinatulan Siya ni Poncio Pilato ng kamatayan sa krus. Hindi nagreklamo si Hesus kay Pilato tungkol sa paghatol sa Kanya. Si Hesus ay nanatiling tahimik at masunurin sa kalooban ng Ama. Kahit hindi wasto ang paghatol ni Pilato kay Hesus, hindi nagsalita si Hesus bilang pagtutol sa paghatol ni Pilato. Bagkus, inalay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa. 

Dalawang bagay ang ginamit ni Hesus upang ilarawan ang Kanyang sarili sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Una, si Hesus ang Pastol na nag-aalaga at nagmamahal sa Kanyang mga tupa. Pumapasok Siya sa pintuan na dinadaanan ng mga pastol, hindi katulad ng mga magnanakaw. Kilala ng mga tupa si Hesus sapagkat nakikilala nila ang tinig ni Hesus. Sumusunod sila kay Hesus. Kapag hindi tinig ni Hesus ang tumatawag sa kanila, hindi nakikinig ang mga tupa. Si Hesus lamang ang kanilang kaisa-isang pastol.

Pangalawa, si Hesus ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Si Hesus ang pintuang magtatanggol sa mga tupa. Ipagtatanggol ni Hesus ang Kanyang mga tupa mula sa mga magnanakaw at kasamaan. Hindi papayagan ni Hesus na pumasok ang mga magnanakaw sa pastulan upang nakawin at patayin ang Kanyang mga tupa. Ipinapakita rin ni Hesus na sa pamamagitan ng pagiging pintuan ng Kanyang mga tupa, nakahanda Siyang ipagtanggol ang Kanyang mga tupa. Hindi Niya papabayaang mapahamak ang Kanyang mga tupa. 

Ipinapakita ni Hesus na bilang Pastol at Pintuan ng mga tupa ang Kanyang pagmamahal sa mga tupa. Laging handa ang Panginoon upang ipagtanggol ang Kanyang mga tupa. Isang kakaibang pastol si Hesus. Bago nakawin at patayin ng mga magnanakaw ang isa sa mga tupa ni Hesus, kailangan nilang pagdaanan si Hesus. Kaya, si Hesus ang Mabuting Pastol. Hindi Niya papayagang mawala, nakawin at patayin ang Kanyang mga tupa. Bagkus, ipagtatanggol at ililigtas ng Panginoon ang Kanyang mga tupa mula sa mga magnanakaw dahil mahal na mahal Niya ang Kanyang mga tupa. 

Ano naman ang ibinibigay ng Mabuting Pastol sa Kanyang mga tupa? Ano naman ang nasa loob ng Pintuang dinadaanan ng mga tupa? Kaligtasan at isang buhay na ganap at kasiya-siya. Naparito si Hesus sa lupa upang magkaroon ng kaligtasan at isang buhay na ganap at kasiya-siya ang mga tupa. Ito ang sapat na para sa Kanyang mga tupa. Hindi na magkukulang o mangangailangan ang mga tupa ng kahit ano pa. Kuntento na sila. Sapat na sila sa pagpapastol ng Panginoong Hesus. Katulad ng sinasabi ng ating Salmo ngayon, "Pastol ko'y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop."

Bilang pastol ng mga tupa, alam ni Hesus ang mga pangangailangan ng Kanyang mga tupa. Hindi magkukulang si Kristo sa pagkakaloob ng pangangailangan ng Kanyang mga tupa. Anuman ang kailangan ng mga tupa, ibibigay ni Kristo sa mga tupa. Wala nang hahanapin pa ang mga tupa mula sa Panginoong Hesukristo, ang Mabuting Pastol. Ang Panginoon ang Tunay at Mabuting Pastol ng mga tupa. Sapat na ang mga tupa sa pagpapastol at pagmamahal ng Panginoon. Wala nang hihingin pa ang mga tupa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento