Linggo, Mayo 25, 2014

HINDI ROMANTIKONG PAG-IBIG

Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 8, 5-8. 14-17/Salmo 65/1 Pedro 3, 15-18/Juan 14, 15-21 


Tayo pong mga Pilipino ay mahilig na manood ng mga teleserye at pelikula, lalo na kapag ang mga ito ay tungkol sa mga romantikong pag-ibig. Marami pong mga palabas sa telebisyon at sinehan na tungkol sa romantikong pag-ibig. Siguro, maraming tao ang pumupunta sa mga sinehan, lalung-lalo na ang mga kabataan, kapag may bagong palabas sa sinehan na tungkol sa romantikong pag-ibig. Inaabangan kasi nila ang mga nakakakilig na eksena. Ano ang nangyayari kapag pinapalabas na ang mga nakakakilig na eksena? Nakakabinging sigawan sa buong sinehan. Hindi ba? 

Mahilig din tayong kumunta, lalo na sa videoke, hindi ba? Hindi ko lang alam kung sino sa atin ang hindi pa nakakakanta sa mga videoke. Mahilig tayong kumanta, at ang pagkanta ay bahagi ng ating buhay, noh? Kapag wala tayo magawa, kumakanta o humuhuni na lang tayo, hindi ba? 

Sigurado ako na kabisado ng marami sa ating mga Pilipino ang kantang Please Be Careful With My Heart, lalung-lalo na ang mga unang linya ng awiting iyon:

If you love me, like you tell me, 
please be careful with my heart. 

Biruin ninyo, ginamit ng Panginoon ang unang linya ng awiting ito sa ating Ebanghelyo. Pero, hindi na please be careful with my heart ang sinabi ng Panginoong Hesus. Ang sinabi ng Panginoon, "Kung iniibig ninyo Ako, tutuparin ninyo ang Aking mga utos." Kung tayo ay sumusunod sa utos ng ating Panginoon, ipinapakita at pinapatunayan natin na tunay ang pagmamahal natin sa Panginoon. 

Si Kristo ay nagpamalas ng Kanyang pag-ibig sa Ama sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Inalay ni Kristo ang Kanyang buhay alang-alang sa kasalanan ng sanlibutan. Nalugmok ang sangkatauhan sa kasamaan nang suwayin nina Eba't Adan ang Diyos. Kinain nila ang bunga mula sa puno ng karunungan ng kabutihan at kasamaan. Dahil dito, kinailangan ng sanlibutan ng isang Tagapagligtas upang hindi sila mapahamak. Si Kristo ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. 

Hindi romantikong pag-ibig ang pag-ibig ni Hesus sa Ama at sa ating lahat. Bagkus, ang pag-ibig ni Hesus ay isang pag-ibig na walang kundisyon. Sabi nga ni Hesus sa ika-15 kabanata sa Ebanghelyo ni San Juan, "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang kaibigan." Kahit sa kamatayan, inibig pa rin ni Hesus ang Kanyang mga alagad at mga kaaway. Hindi nagwakas ang pag-ibig ng Panginoon noong iwanan Siya ng mga alagad sa Halamanan ng Getsemani. Bagkus, patuloy Niyang minahal ang lahat ng tao, kaibigan man Niya o kaaway. 

Ngayon naman, hinahamon tayo ni Hesus sa Mabuting Balita na mahalin din natin Siya. Paano natin mapapatunayan na minamahal natin si Hesus? Sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Ano ang Kanyang utos? Mag-ibigan. Inutusan ni Hesus ang mga alagad na mag-ibigan sa ika-13 kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Juan. Pagkaalis ni Hudas Iskariote mula sa Huling Hapunan, si Hesus ay nagbigay ng isang bagong utos - magmahal. 

Naalala ko po ang isang kwento ng isang bata na kinakausap ang kanyang ina. Tinanong ng bata ang kanyang ina, "Inay, ilan po ba ang utos ng Diyos?" Sagot ng ina, "Sampu." Sabi naman ng bata sa kanyang ina, "Inay, daig niyo po ang Diyos. Kung sampu lamang ang utos ng Diyos, kayo naman po, inay, ang dami ninyong mga utos."

Bagamat Sampu lamang ang utos ng Diyos, madalas nahihirapan ang mga tao na sumunod sa mga Sampung Utos ng Diyos. Kaya, pinaghalo ng mga Hudyo ang mga utos ng Diyos at ginawang dalawa. Ang una, "Mahalin mo ang inyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip," at ang pangalawa, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." Muling hinalo ng Panginoong Hesukristo ang mga utos na ito at ginawang isa na lang. Ano iyon? Magmahal. 

Ang base ng Sampung Utos ng Diyos ay pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit sinugo ng Diyos si Hesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak. Hindi naparito si Hesus upang mapahamak at hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan sa pamamagitan ng pag-alay ng Kanyang buhay sa krus alang-alang sa kasalanan ng sangkatauhan. Ganyan kamahal tayo ng Diyos. Pinadala Niya ang Panginoong Hesus upang tayong lahat ay mapatawad mula sa ating mga kasalanan. Hinayaan pa nga ng Diyos na mamatay si Hesus mapalapit lamang tayo sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento