Lunes, Mayo 26, 2014

PANANALIG AT PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56



Sinimulan po natin ang buwan ng Mayo sa pamamagitan ng Kapistahan ni San Jose Manggagawa. Si San Jose ay masipag na nagtrabaho para sa kanyang pamilya na sina Maria at Hesus. Ngayon naman, sa pagwawakas ng buwan ng Mayo, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Silang dalawa ay nagdadalantao - dinala ng Mahal na Ina ang ating Panginoong Hesukristo sa kanyang sinapupunan at dinala naman ni Santa Isabel si San Juan Bautista, ang pinsan at tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. 

Malapit sa puso nating mga Pilipino ang Mahal na Birheng Maria, ina ng ating Panginoong Hesukristo. Malaki ang ating debosyon kay Maria. Halimbawa, tuwing sasapit ang araw ng Miyerkules, maraming tao ang pumupunta sa Baclaran upang magnobena sa ating Mahal na Ina na Laging Saklolo. At tuwing sasapit ang buwan ng Mayo, dinadaos natin ang Flores de Mayo. Ipinapakita ng lahat ng ito na malalim ang ating debosyon at pagmamahal kay Inang Maria. 

Mapapakinggan natin sa Ebanghelyo ngayon na tinawag ni Elisabet na pinagpala sa lahat ng mga babae si Maria. Ang bahagi ng panalanging "Aba Ginoong Maria" na kung saan nakasabing, "Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus," ay humango mula sa mga sinabi ni Elisabet. Tinawagang mapalad si Maria ni Elisabet sapagkat si Maria ay nanalig sa kalooban ng Diyos at nanalig na mangyayari sa kanya ang gustong mangyari ng Diyos para sa kanya. 

Ang gantimpala ng Diyos para sa pananalig at pagsunod ng Mahal na Birheng Maria sa Kanyang kalooban ay ang pagiging mapalad niya. Siya'y pinagpala sa lahat ng mga babae sapagkat siya'y nakinig, nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Ang Panginoong Hesus mismo ang nagsabi sa ika-11 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas na mapalad ang mga taong nakikinig at sumusunod sa kalooban ng Diyos. Si Maria ay isang huwaran para sa mga taong nakikinig at sumunod sa kalooban ng Diyos. 

Si Maria ay pinili ng Diyos upang maging tagapagpadala ng Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Bagamat hindi inaasahan ni Maria na siya'y pipiliin ng Diyos na maging ina ni Kristo, siya'y nanalig sa kalooban ng Diyos. Alam niya na kahit may ibang mga plano siya sa buhay, mananaig pa rin ang kalooban ng Diyos para sa mga tao. Kaya, bilang alipin ng Diyos, si Maria ay tumalima sa kalooban ng Diyos at tinanggap ang pananagutan ng pagiging ina ni Kristo. Si Maria ay isang huwaran ng pananalig sa kalooban ng Diyos. Hindi niya pinagdududahan ang kalooban ng Diyos. 

Noong nagpakita si Hesus kay Santa Faustina, iniutos Niya si Santa Faustina na gumawa ng larawan ng Kanyang mabathalang awa. Sa ibabaw ng larawan ng Mabathalang Awa ay ipinasulat ng Panginoon, "Hesus, ako ay nananalig sa Iyo." Si Maria ay isang huwaran para sa ating lahat. Nanalig siya sa kalooban ng Diyos. Kahit may mga pagkakataon na kung saan maraming katanungan siya sa Diyos, hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos. Bagkus, ang Mahal na Birheng Maria ay nakinig, nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Dahil dito, si Maria ay ginantimpalaan ng Diyos. Ano ang gantimpala ng Diyos? Ang pagiging mapalad ni Maria. 

Sa awit ni Maria, ang Magnificat, sinabi ni Maria na tatawagin siyang mapalad ng lahat ng bansa. Si Elisabet ang unang tao na tawaging mapalad si Maria. Tayong mga Katoliko ay nagpapahayag na pinagpala ng Diyos si Maria sapagkat siya'y nanalig at sumunod sa kalooban ng Diyos. Ang Pilipinas ay tinatawag na Pueblo Amante de Maria (Bayang Sumisinta kay Maria) dahil ang Mahal na Birheng Maria ay pinagpala ng Diyos. Napakalalim ng ating pagsinta at pagmamahal kay Maria. Bakit? Sapagkat nanalig at sumunod si Maria sa kalooban ng Diyos. Sa ganitong paraan, ipinagmamalaki natin na si Maria ay tunay na pinagpala ng Diyos. 

Isang tunay na huwaran ng pananalig at pagsunod sa kalooban ng Diyos si Maria. Pinili niyang magpakatapang. Hinahamon tayo ng CBCP ngayong Taon ng mga Laiko na magpakatapang. Magpakatapng na manalig at sumunod sa kalooban ng Diyos para sa ating lahat. Sa ganitong paraan, tayo rin ay magiging mapalad, katulad ng ating Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Dumaan man ang maraming pagkakataon kung kailan maraming katanungan tayo sa ating isipan, huwag tayong mawalan ng pananalig sa Diyos, katulad ng Mahal na Birheng Maria.

Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos at aming Ina, ipanalangin mo kami. Ipanalangin mo ang bayang Pilipinas, ang bayang sumisinta sa iyo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento