Mga Gawa 6, 1-7/Salmo 32/1 Pedro 2, 4-9/Juan 14, 1-12
(courtesy: Agony in the Garden - 1st Sorrowful Mystery/Youtube)
Ang pagkabalisa ay bahagi ng ating buhay bilang tao. Tayo ay nababalisa dahil sa dinami-dami ng mga bagay na kailangan nating gawin. Nababalisa din tayo kapag may problema tayo. Halimbawa, may isang estudyante. Inanunsyo ng kanyang guro sa Math na magkakaroon siya ng exam sa susunod na Miyerkules. Ang susunod na klase, Filipino. May exam din sila sa Filipino sa araw ng kanilang exam sa Math. Mahirap, noh? Kung kayo ang estudyante, hindi ba kayo mababalisa?
Ano ang dulot ng pagkakabalisa? Sakit ng ulo, hindi makapagpahinga, at marami pang iba. Sino ba ang hindi mapapagod dahil sa dami ng kailangan niyang gawin? Sino ang hindi mababalisa? Magkaparehas siguro ang sagot ko sa sagot ninyong lahat. Walang tao na hindi mababalisa kapag marami siyang kailangang gawin. Hindi siya makapagpahinga kapag marami siyang kailangang gawin, at ang dulot nito para sa marami ay sakit ng ulo.
"Huwag mabalisa." Ito ang mga unang salita na namutawi sa bibig ng Panginoon sa Ebanghelyo natin ngayon. Ang mga salitang ito ay namutawi sa bibig ni Hesus sa Huling Hapunan. Pagkatapos hugasan ni Hesus ang paa ng mga alagad, inihabilin Niya sa mga alagad na magpakababa, katulad ng ipinakita Niyang pagpapakababa. Ipinahayag rin ni Kristo na malapit na ang oras ng Kanyang paglisan sa mundo. Ang hapunan nila sa gabing iyon ay ang huling hapunan nila.
Ipinahayag ng Panginoong Hesus na Siya'y ipagkakanulo ng isa sa Kanyang mga alagad - si Hudas Iskariote. Ipinahayag rin Niya na tatlong beses Siyang ipagkakaila ni San Pedro Apostol nang sinabi ni San Pedro Apostol na kahit talikuran ng ibang mga alagad ang Panginoon, hindi niya tatalikuran ang Panginoon. Pero, alam ni Kristo na hindi iyon mangyayari. Bagkus, ipagkakaila ni Pedro ang Panginoon tatlong beses bago tumilaok ang manok. Nakakalungkot, ipinagkatiwala pa naman ni Hesus kay San Pedro Apostol ang mga susi sa kaharian ng langit.
Dahil dito, nanghina na ang kanilang loob. Nababalisa na sila. Iiwanan na sila ng Panginoon. Upang mapalakas ang kanilang loob, sinabihan sila ng Panginoon na manalig sa Diyos at manalig din sa Kanya. Kahit sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, kinuha pa ni Kristo na palakasin ang kalooban ng mga alagad. Alam ni Kristo na nababalisa sila dahil sa Kanyang sinabi na Siya'y aalis at hindi sila makakasunod sa paroroonan ng Panginoon. Kaya, pinalalakas ni Hesus ang kalooban ng mga alagad.
Si Hesus ay kalmado sa Kanyang pamamaalam sa mga alagad. Gaano mang kasakit ang dadanasin Niya kinabukasan, kalmado Siya. May iba pang mga pagkakataon sa Bagong Tipan kung saang nanatiling kalmado si Hesus sa kabila ng pagsubok. Noong sumasakay si Hesus sa bangka kasama ang mga alagad, nagkaroon ng malakas na unos. Ang mga alagad ay nag-aalala na samantalang natutulog si Hesus. Kaya, sinabihan ng mga alagad si Hesus na tulungan sila dahil lulubog sila. Dahil dito, pinatigil ni Hesus ang unos at tinanong ang mga alagad, "Nasaan na ang pananalig ninyo?"
Si Hesus ay nanatiling kalmado dahil sa Kanyang pananalig sa Ama. Hindi Niya pinagdudahan o sinuway ang kalooban ng Ama kailanman. Sumusunod si Kristo sa kalooban ng Ama hanggang sa huling sandali ng Kanyang buhay. Hinding-hindi nawalan ng pananalig ang Panginoon sa Ama. Kaya, inilalarawan ni San Juan Ebanghelista na kahit sa huling sandali ng Kanyang buhay, hindi nawalan ng pananalig si Hesus sa Ama. Alam ni Hesus na kailangang mangyari ito. Bagamat masakit para kay Hesus na mangyari ito, hindi Niya sinuway ang Ama. Sinunod Niya ito at nanatiling kalmado, kahit sa bingit ng kamatayan.
Bahagi ng buhay ang pagkabalisa. Hindi natin ito maiaalis sa buhay bilang tao. Marami tayong mga gawain at problema na kailangang asikasuhin. Kailangan nating maging masipag at matiyaga sa ating buhay. Maraming mga pagsubok at gawain ang buhay bilang tao. Hindi madaling paglalakbay ang buhay. Hindi natin mapipigilan ang mga sandali na kung saan marami tayong pagkakaabalahan.
Pero, huwag nating kalilimutan na may mga limitasyon tayo bilang tao. Bilang tao, mayroon tayong mga lakas at kahinaan. Gawin lang natin ang ating makakaya. Kapag dumating ang pagkakataon na hindi na kaya, isuko na natin ang lahat sa Diyos. Walang masama kapag isuko na natin ang lahat sa Diyos. Hindi na natin kailangang mag-dalawang-isip pa.
Ipinapakita ng ating pagsuko sa Diyos ang ating pananalig sa Kanya. Nananalig tayo na ang Diyos ay bahala na sa atin kapag hindi na natin kaya. Ang Diyos ang bahala sa mga bagay na hindi natin kaya. Huwag na tayo mag-alala. Tutulungan tayo ng Diyos sa mga bagay na hindi na natin kayang gawin. Manalig lamang tayo sa Diyos. Tutulungan Niya tayo sa panahon ng pagsubok. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento