Sa Prusisyo ng mga Palaspas: Mateo 21, 1-11
Sa Banal na Misa: Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Mateo 26, 14-27, 66 (o kaya: 27, 11-54)
Ang salaysay ng Mahal na Pasyon ng Panginoong Hesukristo ngayong taon ay hango mula sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo. Sa mahabang salaysay ng Pasyon, makikita natin na dalawa sa mga alagad ni Hesus ang may malaking papel sa pagpapakasakit ng Panginoon. Sila po ay sina Hudas Iskariote at San Pedro Apostol. Si Hudas ay binayaran ng mga Pariseo at ng mga saserdote ng tatlumpung pirasong pilak upang ipagkanulo niya si Hesus. Si San Pedro Apostol naman ay nagtatwa kay Hesus nang tatlong ulit bago tumilaok ang manok.
Sa Huling Hapunan, ipinahayag ni Hesus kung sino sa Kanyang mga alagad ang magkakanulo sa Kanya. Noong tinanong ni Hudas Iskariote si Hesus kung siya nga ba ang magkakanulo kay Hesus, sinabi ni Hesus na si Hudas nga ang magkakanulo sa Kanya. Ipinahayag rin ni Hesus na iiwanan Siya ng lahat ng mga alagad. Si San Pedro'y tumutol at sinabi pa niya sa Panginoon na handa siyang mamatay kasama ang Panginoon. Pero, ano ang sinabi ng Panginoon? Itatatwa ni Pedro nang tatlong beses ang Panginoon bago tumilaok ang manok.
Alam ni Hesus ang lahat ng mangyayari sa Kanya. Ang lahat ng mga ipinahayag Niya sa Huling Hapunan ay nagkatotoo. Ipinagkanulo ni Hudas si Hesus sa pamamagitan ng isang halik upang makilala ng mga bantay kung sino nga ba si Hesus. Ang halik ni Hudas ang nagpakilala kay Hesus sa mga dadakip sa Kanya. Samantala, tatlong beses itinatwa ni Pedro si Hesus upang hindi siya mapahamak. Natatakot si Pedro na mamatay. Ayaw pa niyang mamatay. Kaya, itinatwa niya ni Pedro si Hesus upang ipagtanggol ang kanyang sarili. Sa pamamagitan ng ginawa ng dalawang ito, malaki ang kasalanang ginawa nilang dalawa kay Hesus.
Halos magkaparehas ang kanilang kasalanan, pero magkaiba ang kapalaran nina Pedro at Hudas. Unahin muna natin ang nangyari kay Hudas. Naramdaman niya ang bigat ng kanyang kasalanan. Nagsisi ba siya? Hindi. Kahit na sinabi ni San Mateo na nagsisi si Hudas, hindi taos sa puso ang kanyang pagsisisi niya. Nagsisi nga si Hudas na nagkasala siya laban sa Panginoon, pero, bakit siya nagpakamatay? Pagmamataas ang dahilan. Hindi kayang humingi ng kapatawaran si Hudas kay Hesus. Nawalan na siya ng pag-asa. Akala niya, tapos na ang lahat. Ang kabayaran na lamang sa kanyang kasalanan ay ang kanyang buhay. Kahit na sinabi ni San Mateo na nagsisi si Hudas, hindi buo ang pagsisi niya dahil hindi siya lumapit kay Hesus upang patawarin siya.
Si Pedro naman ay nagtatwa kay Hesus nang tatlong beses. Nakakahiya po para kay Pedro ang ginawa niya nang marinig niya ang pagtilaok ng manok. Si Pedro ang nagpahayag na si Hesus ang Mesiyas noong tinanong ni Hesus sa Kanyang mga alagad kung sino siya. Ibinigay pa naman ni Hesus kay Pedro ang susi ng kaharian ng langit. Ito ay nakakahiya. Pagkatapos ibigay ni Hesus kay Pedro, saka itatatwa ni Pedro na kilala niya si Hesus. Ano naman ang ginawa ni Pedro pagkatapos ng kanyang pagtatwa kay Hesus? Bumalik at nagtago kasama ng iba pang mga alagad, maliban na lamang kay San Juan Apostol na sumama sa Mahal na Birheng Maria papunta sa krus ni Hesus. Pagkatapos muling mabuhay si Hesus, tinanong si Pedro ni Hesus ng tatlong ulit si Pedro kung minamahal niya si Hesus bilang pagbawi sa tatlong ulit na pagtatwa ni Pedro kay Hesus.
Kung gaano kakahiya ang mga kasalanang ginawa nina Hudas at Pedro, mas nakakahiya rin ang mga kasalanang ginagawa natin. Hindi lang sina Pedro at Hudas ang nagkanulo kay Hesus. Ipinagkanulo rin natin ang Panginoon. Sa pamamagitan ng ating mga kasalanan, tumatalikod tayo at ipinagkakanulo si Kristo. Ang pagkasala ay isang paraan ng pagtalikod at pagkanulo kay Kristo. Nilalabag natin ang utos ng Diyos. Ang pagkakasala natin ang tumutulong sa atin upang talikuran si Kristo. Hindi lang sina Hudas at Pedro, hindi lang ang mga alagad, hindi lamang ang mga taong sumalubong sa Panginoon ang nagkanulo sa Kanya, kundi tayong lahat ay nagkanulo sa Kanya.
Ano naman ang magiging kapalaran natin? Tayo ba ay tutulad kay Hudas? Mawawalan ba tayo ng pag-asa sa Panginoon? Huwag nating tutularan si Hudas. Si Hudas ay nawalan ng pag-asa dahil ipinagkanulo niya ang Panginoon. Masyado na itong mabigat para kay Hudas. Nagpakamatay siya dahil akala niya iyon ang kabayaran sa kanyang kasalanan. Hindi niya pinansin ang awa ng Diyos. Para kay Hudas, masyadong mabigat ang kasalanang ginawa niya laban sa Panginoon upang patawarin. Nawalan ng pag-asa si Hudas sa pagpapatawad ng Panginoon. Hindi niya alam na ang Panginoon ay handang magbigay ng ikalawang pagkakataon upang magsisi at magbagong-buhay.
Walang makasalanang nagsisisi at humihingi ng kapatawaran ang itatakwil ng Panginoon. Walang hahadlang sa awa ng Diyos. Nagagalak ang Panginoon sa mga makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya. Gaano mang kabigat ang kasalanan ng isang tao, kahit napakabigat ang kasalanan ng isang tao, handang-handa ang Diyos na patawarin ang sinumang nagkasala laban sa Kanya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong makapagsisi at magbagong-buhay. Walang kasalanang na masyadong mabigat para patawarin ng Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento