Huwebes, Enero 30, 2025

LAGING UMAAASA SA DIYOS ANG MGA NANANALIG SA KANIYA

31 Enero 2025 
Paggunita kay San Juan Bosco, pari 
Hebreo 10, 32-39/Salmo 36/Marcos 4, 26-34 


Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakasentro sa mga salitang ito mula sa Unang Pagbasa: "Kaya't huwag kayong mawalan ng pananalig sa Diyos, sapagkat taglay nito ang dakilang gantimpala" (Hebreo 10, 35). Layunin ng mga salitang ito na isinulat ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa mga talatang inilahad sa Unang Pagbasa ay palakasin ang pananalig ng bawat mananampalataya. Sa pamamagitan ng taos-pusong pananalig sa Diyos, pinatutunayan ng bawat mananampalataya ang kanilang pag-asa sa Kaniya. Tunay ngang umaaasa sa Panginoong Diyos ang lahat ng mga taos-pusong nananalig sa Kaniya. 

Nakasentro sa taos-pusong pag-asa sa Panginoong Diyos ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Isa lamang ang aral na nais isalungguhit ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan hinggil sa usaping ito. Ang Panginoong Diyos ay dapat asahan ng bawat isa. Sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundo, umasa tayo sa Diyos. Lagi nating dapat asahan ang Diyos. Kung mayroong mga tao sa lupa na hindi natin maaasahan sa lahat ng oras, ibahin natin ang Diyos. Lagi nating maaasahan ang Diyos. Hindi Niya tayo bibiguin kailanman. 

Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nangaral sa pamamagitan ng mga talinghaga. Layunin ng mga talinghaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na inilahad sa Ebanghelyo ay isalungguhit ang halaga ng taos-pusong pag-asa sa Diyos. Walang binibigo ang Diyos. Lagi Siyang maaasahan. Kaya naman, dapat nating ialay ang buo nating sarili sa Kaniya. Ipagkatiwala natin sa Panginoon ang lahat. Patunay lamang ito ng ating taos-pusong pananalig at pag-asa sa Kaniya. 

Magkakaugnay ang pananalig at pag-asa. Ang lahat ng mga nananalig sa Diyos nang taos-puso ay umaaasa sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento