Sabado, Hulyo 5, 2025

ANG TUNAY NA DIYOS NA NAGDUDULOT NG TUNAY NA PAG-ASA

16 Hulyo 2025 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen 
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50 

Larawan: The Virgin of the Carmelitas (c. 1500). Museo Lázaro Galdiano. Public Domain

Ang Bundok del Carmen o ang Bundok ng Carmelo ay isang napakahalagang lugar sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Sa bundok na iyon, pinatunayan ng Diyos na walang ibang Diyos kundi Siya lamang. Nagpababa Siya ng apoy mula sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit bilang tugon sa panalangin ni Propeta Elias na hinirang at itinalaga Niya bilang Kaniyang tagapagsalita sa Kaniyang bayan. Kahit na si Propeta Elias ay nagmukhang dehado sa paningin ng marami dahil sa dami ng mga propeta ng diyus-diyusang si Baal na kaniyang nakaharap sa nasabing bundok, hindi iniwan o pinabayaan ng Diyos ang Kaniyang lingkod. Bagkus, tinugunan ng Diyos ang taimtim na panalangin ng Kaniyang lingkod na si Propeta Elias. Dahil dito, sa huli, ang Diyos ay kinilala, pinarangalan, at sinamba ng lahat ng mga Israelita na nagtungo sa bundok na iyon bilang tunay na Diyos matapos masaksihan ang Kaniyang tagumpay.

Tiyak na may mga mapapatanong kung ano ang ugnayan ng Mahal na Birheng Maria sa Bundok ng Carmelo. Wala ngang nasusulat sa Bagong Tipan tungkol sa anumang peregrinasyong isinagawa ng Mahal na Birheng Maria patungo sa nasabing bundok. Bakit nga ba nating kinikilala ang Mahal na Birheng Maria bilang Birhen ng bundok na ito gayong walang nakatala sa Banal na Bibiliya, lalung-lalo na sa Bagong Tipan, na si Mariang Birheng Ina ng Diyos ay nagtungo sa nasabing bundok? 

Sa Bundok ng Carmelo, nagpababa ng apoy mula sa langit ang Diyos bilang tugon sa taimtim na panalangin ni Propeta Elias sa harap ng mga propeta ng diyus-diyusang si Baal at ng lahat ng mga Israelita na naroon para saksihan ang pagtutuos sa pagitan ng Diyos at ng diyus-diyusang si Baal na ito upang patunayan sa kanila na walang ibang bathala kundi Siya lamang. Pinatunayan Niya sa bundok na ito na Siya lamang ay ang tunay na Diyos. Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay hinirang at itinalaga upang maging Ina ng Diyos. Mula noong tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos bilang Ina ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, wala siyang ibang naging hangarin o layunin kundi ang ipakilala sa lahat ng tao ang Diyos bilang tunay na Diyos. 

Bilang tapat na lingkod ng Diyos na Kaniyang hinirang at itinalaga upang maging Ina ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos na kusang-loob na dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang tanging layunin at hangarin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay makilala ng lahat ang Diyos bilang tunay na Diyos na nagdudulot ng tunay na pag-asa. Laging inilaan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa sa pagpapahayag sa lahat na iisa lamang ang tunay na Diyos at iyon ay walang iba kundi ang Panginoon. 

Isinabuhay ng Mahal na Birheng Maria sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa hanggang sa sandaling iniakyat ng Diyos ang kaniyang katawan at kaluluwa sa langit ang mga salita sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos nang buong linaw na makakapiling Niya ang Kaniyang bayan. Darating ang Diyos upang idulot ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya sa Kaniyang bayan. Tinupad Niya ito sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak na naging Anak rin ng Mahal na Birheng Maria. Buong linaw na inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na binubuo ng mga tapat at taos-pusong nakikinig at sumusunod sa kalooban ng Amang nasa langit ang Kaniyang pamilya. Ang mga tapat at taos-pusong nakikinig at sumusunod sa kalooban ng Amang nasa langit ay hindi nahihiyang ipagmalaki ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Katunayan, hinihimok nila ang lahat na manalig at umasa sa tunay na Diyos na laging nagdudulot ng tunay na pag-asa Walang sawa nilang sinisikap na mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos, gaya ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Lagi rin nilang ipinapahayag sa pamamagitan ng mga salita kanilang binibigkas at pati na rin sa mga ginagawa nila na walang ibang Diyos kundi ang Panginoon, gaya ng ginawa ng Mahal na Birheng Maria sa Salmong Tugunan. 

Walang ibang Diyos maliban sa Panginoon. Ang Panginoon ay ang tunay na Diyos. Ito ang laging ipinahayag ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kaniyang mga salita at gawa sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa. Kung tunay at taos-puso nga tayong nananalig at umaaasa sa Diyos, ito rin ang lagi nating gagawin.

Biyernes, Hulyo 4, 2025

PAGPAPALAGANAP NG TUNAY NA PAG-ASANG MULA SA LANGIT

13 Hulyo 2025 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Deuteronomio 30, 10-14/Salmo 68 (o kaya: Salmo 18)/Colosas 1, 15-20/Lucas 10, 25-37 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakatuon sa pagpapalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Jesus Nazareno, ito ang ating misyon. Kinakailangan nating ibahagi at ipalaganap ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig. Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay ating maipapalaganap. 

Sa Unang Pagbasa, si Moises ay nangaral sa mga Israelita tungkol sa kahalagahan ng pagtupad at pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ipinaliwanag ni Moises na ipinapahayag nila sa pamamagitan ng tapat na pagtupad at pagsunod sa mga utos ng Diyos ang kanilang tapat na pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Kaniya. Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay pagpapahayag na tunay nga silang umiibig, sumasamba, nananalig, at umaaasa sa Kaniya. 

Ipinakilala ni Apostol San Pablo ang Poong Jesus Nazareno bilang larawan ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ang Diyos ay dumating sa lupa upang ipagkaloob sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Kaya naman, inanyayahan ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang lahat upang manikluhod sa Diyos nang kaniyang bigkasin ang mga salitang ito: "Dumulog tayo sa Diyos upang mabuhay nang lubos" (Salmo 68, 33). Ang lahat ng ito ay dahil sa pag-ibig at kabutihan ng Diyos.

Tampok sa Ebanghelyo ang talinghaga tungkol sa Mabuting Samaritano. Isa lamang ang layunin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nang ipinasiya Niyang isalaysay ang nasabing talinghaga. Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na ituro sa lahat kung gaano kahalaga ang pagsasabuhay ng pasiyang manalig at umasa sa Diyos sa bawat oras at sandali. Hindi ipinagdadamot ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ang lahat ng mga biyayang ipinagkaloob sa kanila. Bagkus, ibinabahagi nila ang mga nasabing biyaya. Sa pamamagitan nito, ang tunay na pag-asang nagmumula sa langit ay kanilang ipinapalaganap at ibinabahagi. Nais ng Diyos na gawin natin ito. 

Buong linaw na nasasaad sa alternatibong Salmong Tugunan: "Ating kabutiha't lugod ay nasa loobin ng Diyos" (Salmo 18, 9a). Ito ang dahilan kung bakit nais ng Diyos na ipalaganap natin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Nais Niya tayong gamitin bilang Kaniyang mga instrumento upang lalo Siyang makilala ng lahat ng tao bilang bukal ng tunay na pag-asa. 

Nais ng Diyos na makilala Siya ng lahat bilang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ang dahilan kung bakit nais ng Diyos na ipalaganap natin ang tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Kung tunay ngang ananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso ang bawat isa sa atin, ang Diyos ay pahihintulutan nating gamitin tayong lahat bilang Kaniyang mga instrumento. Sa gayon, ang Diyos ay ating naipapakilala bilang bukal ng tunay na pag-asa. 

Huwebes, Hulyo 3, 2025

HINDI PAAASA

11 Hulyo 2025 
Paggunita kay San Benito, abad 
Genesis 46, 1-7. 28-30/Salmo 36/Mateo 10, 16-23 


Nakasentro sa mga salitang binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Nasa D'yos ang kaligtasan ng mga matuwid at banal" (Salmo 36, 39a). Buong linaw na ipinahayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan sa pamamagitan ng mga salitang ito na ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga matuwid at banal. Katunayan, ipinaliwanag ng mga taludtod ng awit ng papuri ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ito ay gagawin ng Diyos. Ang lahat ng mga matuwid at banal ay nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang salaysay ng muling pagtatagpo ni Israel na tiyak na mas kilala ng marami sa atin bilang si Jacob at ng isa sa kaniyang mga anak na lubos niyang minahal at kinalugdan na walang iba kundi si Jose na binenta ng kaniyang mga kapatid bilang isang alipin sa Ehipto dahil sa tindi ng kanilang inggit sa kaniya. Hindi biro ang tindi ng hapis ni Jacob nang magkahiwalay sila ni Jose dahil "namatay" siya, ayon sa ibinalita sa kaniya ng kaniyang mga kapatid. Subalit, nang ibalita sa kaniya ng Diyos na nagpakita sa kaniya sa isang panaginip na buhay si Jose, napuspos siya ng tuwa at galak. Winakasan ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, ang panahon ng hapis, dalamhati, at pagluluksa ni Jacob. Hindi Niya pinabayaan sina Jacob at Jose.

Isinentro ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo sa katotohanan tungkol sa magiging misyon ng mga apostol. Ang mga apostol ay hinirang at itinalaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang sumaksi sa Kaniya sa bawat panig at sulok ng daigdig. Subalit, ang misyong ito ay hindi magiging madali para sa kanila dahil sa mga tukso, pagsubok, at pag-uusig. Layunin ng Poong Jesus Nazareno ay ihanda ang mga apostol para sa mga sandaling yaon. Bagamat walang awa silang uusigin, dapat manalig at umasa pa rin sila sa Diyos. Hinding-hindi pababayaan ng Diyos ang Kaniyang mga lingkod. 

Ang Diyos ay laging maaasahan. Hindi Siya nagpapabaya. Sa Kaniya tayo manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay. Isabuhay natin sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig ang ating pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso.