Huwebes, Hulyo 3, 2025

HINDI PAAASA

11 Hulyo 2025 
Paggunita kay San Benito, abad 
Genesis 46, 1-7. 28-30/Salmo 36/Mateo 10, 16-23 


Nakasentro sa mga salitang binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Nasa D'yos ang kaligtasan ng mga matuwid at banal" (Salmo 36, 39a). Buong linaw na ipinahayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan sa pamamagitan ng mga salitang ito na ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga matuwid at banal. Katunayan, ipinaliwanag ng mga taludtod ng awit ng papuri ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ito ay gagawin ng Diyos. Ang lahat ng mga matuwid at banal ay nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang salaysay ng muling pagtatagpo ni Israel na tiyak na mas kilala ng marami sa atin bilang si Jacob at ng isa sa kaniyang mga anak na lubos niyang minahal at kinalugdan na walang iba kundi si Jose na binenta ng kaniyang mga kapatid bilang isang alipin sa Ehipto dahil sa tindi ng kanilang inggit sa kaniya. Hindi biro ang tindi ng hapis ni Jacob nang magkahiwalay sila ni Jose dahil "namatay" siya, ayon sa ibinalita sa kaniya ng kaniyang mga kapatid. Subalit, nang ibalita sa kaniya ng Diyos na nagpakita sa kaniya sa isang panaginip na buhay si Jose, napuspos siya ng tuwa at galak. Winakasan ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, ang panahon ng hapis, dalamhati, at pagluluksa ni Jacob. Hindi Niya pinabayaan sina Jacob at Jose.

Isinentro ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo sa katotohanan tungkol sa magiging misyon ng mga apostol. Ang mga apostol ay hinirang at itinalaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang sumaksi sa Kaniya sa bawat panig at sulok ng daigdig. Subalit, ang misyong ito ay hindi magiging madali para sa kanila dahil sa mga tukso, pagsubok, at pag-uusig. Layunin ng Poong Jesus Nazareno ay ihanda ang mga apostol para sa mga sandaling yaon. Bagamat walang awa silang uusigin, dapat manalig at umasa pa rin sila sa Diyos. Hinding-hindi pababayaan ng Diyos ang Kaniyang mga lingkod. 

Ang Diyos ay laging maaasahan. Hindi Siya nagpapabaya. Sa Kaniya tayo manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay. Isabuhay natin sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig ang ating pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento