Sabado, Hunyo 28, 2025

TAGAPAGPALAGANAP NG TUNAY NA PAG-ASANG NAGMUMULA SA DIYOS

6 Hulyo 2025 
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66,10-14k/Salmo 65/Galacia 6, 14-18/Lucas 10, 1-12. 17-20 


Ang Ebanghelyo para sa Linggong ito ay tungkol sa paghirang at pagtalaga ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa 72 apostol. Hinirang at itinalaga ng Poong Jesus Nazareno ang 72 apostol na ito upang maging mga misyonero sa bawat panig at sulok ng bayang Israel. Bilang mga misyonero, ang pagdating ng kaharian ng Diyos ay kanilang patotohanan sa lahat. Gaya ni San Juan Bautista na nauna sa Poong Jesus Nazareno upang ihanda ang Kaniyang daraanan, ipapahayag ng 72 apostol sa lahat ng mga Israelita na nalalapit na ang paghahari ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ibinabahagi ng 72 apostol sa lahat ng mga Israelita ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. 

Inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa ang pangako ng Panginoong Diyos para sa bayang Kaniyang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Layunin ng Panginoong Diyos ay biyayaan ng tunay na pag-asa ang Kaniyang bayang hinirang na walang iba kundi ang Israel sa pamamagitan ng pangakong ito. Buong linaw na isinasalungguhit ng pangakong ito ng Panginoong Diyos na hinding-hindi Niya bibiguin kailanman ang lahat ng Kaniyang mga pinangakuan. Pagdating ng panahong Kaniyang itinakda, ang mga pangakong binitiwan katulad na lamang ng pangakong binitiwan Niya sa Unang Pagbasa ay Kaniyang tutuparin. Hindi Siya nakakalimot o nambibigo. Kaya nga, Siya ang bukal ng tunay na pag-asa. Tunay nga Siyang maaasahan.

Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pablo sa Krus ni Jesus Nazareno ang kaniyang pangaral. Buong linaw na inihayag ni Apostol San Pablo na ipinagmamapuri at ipinagmamalaki niya nang buong puso ang Krus ni Jesus Nazareno. Ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay Kaniyang ipinagkaloob sa lahat ng tao sa daigdig sa pamamagitan ng Krus ni Jesus Nazareno. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa, ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa lahat ng mga tao sa daigdig ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. 

Katulad ng nasasaad sa Salmong Tugunan: "Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw" (Salmo 65, 1). Buong linaw na inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan na sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos lamang nagmumula ang galak ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. Sa kabila ng mga hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay dito sa daigdig, puspos pa rin ng galak ang lahat ng mga taos-pusong nanalig at umaaasa sa Diyos. Dahil sa Diyos na tunay ngang makapangyarihan, may pag-asa. Ito ang nagbibigay ng galak at sigasig sa lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Nais ng Diyos na makilala Siya ng lahat ng tao sa daigdig bilang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ang dahilan kung bakit tayong lahat ay Kaniyang hinihirang at itinatalaga upang ibahagi sa lahat ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento