Miyerkules, Hunyo 25, 2025

KAGITINGANG KALOOB NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

29 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Araw] 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 


Ang Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo ay nakatuon sa hindi pagpapabaya ng Diyos sa Kaniyang mga hirang na lingkod. Lagi Niyang sinasamahan, kinukupkop, pinapatnubayan, ginagabayan, ipinagsasanggalang at kinakalinga. Hindi Niya sila pinababayaan kailanman. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang gawin ito, idinudulot Niya sa Kaniyang mga hirang na lingkod ang tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Dahil dito, ang lahat ng Kaniyang mga hinirang upang maging Kaniyang mga lingkod ay hindi natatakot at nasisindak sa lahat ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay. Kahit sarili nilang buhay ang magiging kapalit nito, ang Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa ay kanila pa ring paglilingkuran. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong iniligtas ng Diyos si Apostol San Pedro mula sa kamatayan sa ilalim ng pamumuno ni Haring Herodes. Isinugo ng Diyos ang isa sa Kaniyang mga anghel sa langit upang palayain at itakas mula sa bilangguan si Apostol San Pedro. Katunayan, nangyari ito nang palihim sa kadiliman ng gabi. Kung hindi dahil sa pasiyang ito ng Diyos, mamamatay si Apostol San Pedro. Nagpatotoo tungkol sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng bukal ng tunay na pag-asa - ang Diyos - si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Hindi natakot sa lahat ng mga panganib, pagsubok, at pag-uusig sa lupa si Apostol San Pablo dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Ang mga salitang binigkas ng mang-aawit sa Salmo ay buong kagitingang pinatotohanan nina Apostol San Pedro at San Pablo. 

Inilarawan sa salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo kung paanong naging unang Santo Papa ng Simbahan si Apostol San Pedro. Hinirang at itinalaga ng Poong Jesus Nazareno si Apostol San Pedro upang maging unang Santo Papa ng Simbahan, ang pamayanang bubuin ng lahat ng Kaniyang mga lingkod na nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso na itatayo at itatatag Niya mismo para sa kanila. Sa rito ng paghirang kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Kaniyang Simbahan, buong linaw na ipinangako ng Poong Jesus Nazareno na hindi Niya pababayaan ang Kaniyang Simbahan na pamumunuan at pangangasiwaan ni Apostol San Pedro at ng mga hahalili sa nasabing apostol bilang Kaniyang Bikaryo sa lupa.

Hindi pinababayaan ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang Simbahan. Bagkus, lagi Niyang sasamahan ang tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. Sa pamamagitan nito, lagi Niyang idinudulot sa Simbahang Kaniyang tatag ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang bunga nito ay kagitingan at katapatan sa Kaniya hanggang sa huli.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento