27 Hunyo 2025
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno (K)
Ezekiel 34, 11-16/Salmo 22/Roma 5, 5b-11/Lucas 15, 1-7
Kapag ang Simbahan ay nasa Taon K, ang mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno ay nakatuon sa kabutihan, habag, at awa ng Diyos para sa tanan. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na isinasagisag ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno, hindi ipinagkait ng Diyos ang Kaniyang kabutihan sa tanan. Hindi Siya nagsasawang ipakita sa tanan ang Kaniyang kabutihan. Lagi Niyang ipinapakita ang Kaniyang kabutihan sa tanan, sa kabila ng mga kasalanang nagawa ng bawat tao sa mundo laban sa Kaniya.
Sa Tagalog, sinasabi nating may puso ang isang tao kapag gumagawa sila ng mabuti. Ito ang ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. May puso rin ang Diyos. Ang Diyos ay tunay ngang mabuti sa lahat ng tao sa lupa. Para sa Diyos, hindi dahilan ang pagiging makasalanan ng lahat ng tao upang ang Kaniyang kabutihan ay ipagkait sa kanila. Hindi Siya mapaghiganti. Bagkus, mabuti, mahabagin, at maawain Siya.
Buong linaw na ipinahayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias ang Kaniyang pasiyang maging pastol ng Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya Niyang maging tunay na Pastol. Nakatuon sa titulo ng Panginoong Diyos bilang tunay na pastol ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos nakatuon ang pangaral ng dakilang misyonero at apostol na si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ito ang ugat ng lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Ang pagpapahalaga ng Diyos para sa tanan, maging sa pinakamaliit o pinakaaba, ay buong linaw na inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Mahalaga ang lahat sa paningin ng Diyos.
Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos para sa ating lahat, ipinagkakaloob Niya sa ating lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay isang biyaya. Biniyayaan tayo ng Diyos ng tunay na pag-asa. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala sa atin ng Panginoong Diyos na mayroon tayong maaasahan sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa mundong ito na walang iba kundi Siya.
Nagmumula lamang sa Diyos ang biyaya ng tunay na pag-asa. Laging ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang nasabing biyaya dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin. Sa pamamagitan nito, nakikiusap sa atin ang Diyos na sa Kaniya tayo manalig at umasa nang taos-puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento