Biyernes, Hunyo 27, 2025

DAHIL SA KABUTIHAN NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

4 Hulyo 2025 
Biyernes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Genesis 23, 1-4. 19; 24, 1-8. 62-67/Salmo 105/Mateo 9, 9-13


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa kabutihan ng Diyos. Dahil sa kabutihan ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, lagi Niya tayong binibiyayaan. Sa pamamagitan nito, lagi tayong hinihimok at hinihikayat ng Diyos na maging Kaniyang mga tapat na lingkod at saksing nananalig at umaaasa sa Kaniya. Habang ang bawat isa sa atin ay patuloy na namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa daigdig, hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kaniya. Dahil sa kabutihan ng Diyos, laging may pag-asa. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang kasaysayan ng pag-iibigan nina Isaac at Rebecca. Isa itong kuwento ng busilak na pag-iibigan. Tapat at dalisay ang pag-ibig nina Isaac at Rebecca. Ipinagkaloob ng Diyos sina Isaac at Rebecca sa isa't isa dahil sa Kaniyang kabutihan. Para kina Isaac at Rebecca, sila'y biyaya ng Diyos para sa isa't isa. Kung hindi dahil sa kabutihan ng Diyos, hindi sila magtatagpo at magiging mag-asawa. Sa Ebanghelyo, si Apostol San Mateo ay tinawag at hinirang ng Poong Jesus Nazareno upang sumunod sa Kaniya. Bagamat hindi siya tinanggap ng lipunan dahil isa siyang maniningil ng buwis, tinawag at hinirang pa rin siya ng Poong Jesus Nazareno. Hindi na naging karaniwan ang kaniyang buhay mula sa sandaling yaon. 

Gaya ng buong linaw na inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Pasalamat tayo sa D'yos, kabutihan Niya'y lubos" (Salmo 105, 1a). Dahil sa Kaniyang kabutihan, lagi Niya tayong binibiyaan. Sa pamamagitan nito, lagi Siyang nakikiusap sa bawat isa sa atin na pahintulutan natin Siyang baguhin ang ating mga buhay. Nais ng Diyos na maging mga daluyan ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula ang bawat isa sa atin. 

Tayong lahat ay muling pinaalalahanan sa araw na ito na mabuti ang bukal ng tunay na pag-asa. Dahil sa kabutihan ng Diyos, lagi Niyang idinudulot sa atin ang tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagbuhos ng Kaniyang biyaya sa atin. Layunin ng Diyos ay baguhin ang ating mga buhay nang sa gayon ay maging mga daluyan ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula ang bawat isa sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento