Biyernes, Hulyo 4, 2025

PAGPAPALAGANAP NG TUNAY NA PAG-ASANG MULA SA LANGIT

13 Hulyo 2025 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Deuteronomio 30, 10-14/Salmo 68 (o kaya: Salmo 18)/Colosas 1, 15-20/Lucas 10, 25-37 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakatuon sa pagpapalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Jesus Nazareno, ito ang ating misyon. Kinakailangan nating ibahagi at ipalaganap ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig. Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay ating maipapalaganap. 

Sa Unang Pagbasa, si Moises ay nangaral sa mga Israelita tungkol sa kahalagahan ng pagtupad at pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ipinaliwanag ni Moises na ipinapahayag nila sa pamamagitan ng tapat na pagtupad at pagsunod sa mga utos ng Diyos ang kanilang tapat na pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Kaniya. Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay pagpapahayag na tunay nga silang umiibig, sumasamba, nananalig, at umaaasa sa Kaniya. 

Ipinakilala ni Apostol San Pablo ang Poong Jesus Nazareno bilang larawan ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ang Diyos ay dumating sa lupa upang ipagkaloob sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Kaya naman, inanyayahan ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang lahat upang manikluhod sa Diyos nang kaniyang bigkasin ang mga salitang ito: "Dumulog tayo sa Diyos upang mabuhay nang lubos" (Salmo 68, 33). Ang lahat ng ito ay dahil sa pag-ibig at kabutihan ng Diyos.

Tampok sa Ebanghelyo ang talinghaga tungkol sa Mabuting Samaritano. Isa lamang ang layunin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nang ipinasiya Niyang isalaysay ang nasabing talinghaga. Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na ituro sa lahat kung gaano kahalaga ang pagsasabuhay ng pasiyang manalig at umasa sa Diyos sa bawat oras at sandali. Hindi ipinagdadamot ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ang lahat ng mga biyayang ipinagkaloob sa kanila. Bagkus, ibinabahagi nila ang mga nasabing biyaya. Sa pamamagitan nito, ang tunay na pag-asang nagmumula sa langit ay kanilang ipinapalaganap at ibinabahagi. Nais ng Diyos na gawin natin ito. 

Buong linaw na nasasaad sa alternatibong Salmong Tugunan: "Ating kabutiha't lugod ay nasa loobin ng Diyos" (Salmo 18, 9a). Ito ang dahilan kung bakit nais ng Diyos na ipalaganap natin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Nais Niya tayong gamitin bilang Kaniyang mga instrumento upang lalo Siyang makilala ng lahat ng tao bilang bukal ng tunay na pag-asa. 

Nais ng Diyos na makilala Siya ng lahat bilang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ang dahilan kung bakit nais ng Diyos na ipalaganap natin ang tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Kung tunay ngang ananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso ang bawat isa sa atin, ang Diyos ay pahihintulutan nating gamitin tayong lahat bilang Kaniyang mga instrumento. Sa gayon, ang Diyos ay ating naipapakilala bilang bukal ng tunay na pag-asa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento