Martes, Pebrero 24, 2026

PINAGKAITAN NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA

20 Marso 2026
Biyernes ng Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay 
Karunungan 2, 1a. 12-22/Salmo 33/Juan 7, 1-2. 10. 25-30 


Nararapat lamang dakilain ang Diyos nang taos-puso. Ito ang aral na buong linaw na isinasalungguhit sa mga Pagbasa. Matapos Niyang ipahayag sa atin nang paulit-ulit ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila sa pamamagitan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa na hindi mabilang ninuman dahil sa dami ng mga ito, taos-pusong pagdakila ang nararapat na ihandog sa Kaniya bilang tugon sa Kaniya. 

Ang pinakadakilang gawa ng Diyos ay ang pagtubos Niya sa atin sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nakakalungkot, nang ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating sa lupa, hindi Siya nakatanggap ng taos-pusong pagdakila mula sa Kaniyang bayang hinirang. Inilarawan sa Ebanghelyo kung ano ang tinanggap Niya mula sa kanila nang sumapit ang panahong itinakda para sa Kaniyang pagdating sa lupa bilang Mesiyas at Manunubos. Sa halip na taos-pusong pagdakila, ang kanilang bigay sa Kaniya bilang tugon ay mga banta laban sa Kaniyang buhay. Gaya ng buong linaw na inilarawan sa Unang Pagbasa, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay binalak na patayin ng mga kaaway Niya. Binalak nila Siyang ipapapatay. 

Hindi dapat pagkaitan ng taos-pusong pagdakila ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, dapat natin Siyang dakilain nang taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa. Ilaan natin ang bawat sandali ng ating buhay sa daigdig na ito sa paghandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, ihandog natin sa Kaniya ang nararapat. Ito ang magpapatunay na tunay ngang taos-puso ang ating debsyon sa Kaniya na unang umibig sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento