Linggo, Pebrero 15, 2026

DINARAKILA SIYA NG MGA MASUNURIN SA KANIYA

1 Marso 2026 
Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Genesis 12, 1-4a/Salmo 32/2 Timoteo 1,8b-10/Mateo 17, 1-9 

Ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ay laging itinatampok at inilalahad sa Ebanghelyo sa tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay o Kuwaresma. Layunin ng kaganapang ito sa buhay ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na kusang-loob na dumating sa sansinukob upang tubusin ang sangkatauhan ay ilarawan ang Kaniyang pagiging Mesiyas. Bilang Mesiyas at Manunubos na ipinangako, tutubusin ng Panginoong Jesus Nazareno ang lahat ng tao sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ang kadakilaan ng Panginoong Jesus Nazareno bilang tunay na Diyos na mahahayag nang buong kaningningan sa sandali ng Kaniyang Muling Pagkabuhay ay ipinasilip Niya sa tatlong alagad na Kaniyang isinama sa taas ng bundok sa pamamagitan ng kahanga-hangang sandaling ito na walang iba kundi ang Kaniyang Pagbabagong-Anyo. 

Nang magbagong-anyo ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Amang nasa langit ay muling nagsalita. Ipinakilala Niya muli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Kaniyang Bugtong na Anak. Subalit, sa pagkakataong iyon, nagbigay rin Siya ng isang utos. Ang utos na Kaniyang ibinigay matapos Niyang ipakilala ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Kaniyang Bugtong na Anak na lubusan Niyang kinalulugdan at minamahal (Mateo 17, 5). Kalulugdan Niya ang mga susunod sa Kaniyang Anak. 

Sa utos na ito na bigay ng Amang nasa langit na itinampok at inilahad sa salaysay ng kaganapang ito sa buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lupa na tunay nga namang napakahalaga nakasentro ang mga Pagbasa. Dinarakila Siya ng lahat ng mga taos-pusong nakikinig at sumusunod sa Kaniya. Tila itinuturo sa atin ng Amang nasa langit kung paano tayo magiging mga debotong misyonero ng Kaniyang Bugtong na Anak sa pamamagitan ng utos na ito. 

Isinalungguhit nang buong linaw sa Salmong Tugunan ang natatanging dahilan kung bakit lagi tayong binibigyan ng pagkakataong tahakin ang landas ng kabanalan. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa, ipinasiya ng Diyos na tulungan tayong maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nakatuon rin sa paksang ito. Bilang tugon, dapat nating tularan si Abraham sa Unang Pagbasa. Maging masunurin tayo sa Kaniya. Lagi tayong sumunod sa Kaniya nang may taos-pusong kababaang-loob, pananalig, at pag-asa sa Kaniya. 

Bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na laging nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso, lagi natin Siyang pakinggan at sundin nang taos-puso. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan nating taos-puso ang ating pagdakila sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento