05 Enero 2026
Lunes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 3, 22-4, 6/Salmo 2/Mateo 4, 12-17. 23-25
Buong linaw na inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa simula ng Kaniyang ministeryo na itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos" (Mateo 4, 17). Ang mga salitang ito na buong linaw na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa mga tao sa simula ng Kaniyang pampublikong ministeryo na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ay ang sentro ng pagninilay Simbahan sa araw na ito. Inilarawan sa mga salitang ito kung paano magiging taos-puso ang pagdakila sa Poong Jesus Nazareno. Bilang mga debotong misyonero ng Poong Jesus Nazareno, kailangang maging busilak ang mga puso at loobin ng bawat isa sa atin upang maidakila natin Siya nang taos-puso.
Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nangaral tungkol sa pagiging masunurin sa mga utos at loobin ng Diyos. Kapag ang mga utos at loobin ng Diyos ay ating tinupad at sinundan, dinarakila natin ang Diyos nang taos-puso. Ang mga sumusunod sa mga utos at loobin ng Diyos ay may busilak at dalisay na puso. Pinahihintulutan nila ang Diyos na gawing dalisay at busilak ang kanilang mga puso. Dahil dito, nagbago nang tuluyan ang kanilang mga buhay. Ito ang dahilan kung bakit nakakapaghandog sila ng pagdakilang taos-puso sa Diyos. Lagi nilang dinarakila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang pasiyang mamuhay ayon sa Kaniyang kalooban.
Kahit na sa mga hari at tagapamuno ng lahat ng mga bansa binigkas ang mga salita ng lingkod ng Diyos na itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan, ito rin ay para sa lahat. Anuman ang ating posisyon at kalagayan sa buhay, tayong lahat ay kailangang mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan nito, taos-puso natin Siyang dinarakila sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa.
Laging binubuksan ng mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno ang kanilang mga puso at loobin sa Kaniya. Pinahihintulutan nila Siyang baguhin ang kanilang mga buhay nang sa gayon ay magkaroon sila ng isang pusong busilak at dalisay. Dahil sa pagka-busilak ng kanilang mga puso, namumuhay sila ayon sa Kaniyang kalooban.





